|
|
comments (0)
|
BOOK REVIEW
Pamagat ng Aklat: Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society
Mga Sumulat: Peter Senge, C. Otto Scharmer, Joseph Jaworski & Betty Sue Flowers
Taon ng Inilathala: 2005
Naglathala: Nicholas Brealy Publishing, London
****************************************************************************************
Ang Aklat
Bakit nahihirapan ang tao baguhin ang paraan ng kanyang pamumuhay sa kabila ng hinaharap na pagkawasak ng daigdig? Ano ang magagawa ng mga taong nakikita ang kagyat na suliranin ng lumalalang suliraning panlipunan tulad ng labis na kahirapan at nasisirang kapaligiran, at pakilusin ang mga tao at korporasyon upang maging bahagi sa paghahatid ng transpormasyon? Ito ang mga katanungang sinubukang galugarin ng apat na may-akda ng aklat na Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society. Ginamit ko ang salitang galugarin kesa saliksikin o siniyasat sapagkat mas akma itong salin ng salitang Ingles na ‘explore’ na subtema ng aklat. Ang aklat ay nabuo sa loob ng isang taon at kalahati sa pamamagitan ng magkakasunod na anim na tagpong kuwentuhan ng apat na tao na magkakaiba ang pinanggagalingang larangan subalit pare-parehong interesado na galugarin kung paano maihahatid ang pagbabago hindi lamang sa indibidwal na antas kundi gayundin sa organisasyon at lipunan.
Hinango ng mga may akda ang mga prinsipyo sa pagkakaroon ng pagbabago mula sa karunungan ng mga sinaunang pantas, ng mga relihiyon tulad ng Budismo, Taoismo, Confucionismo at Kristiyanismo, mga personal na karanasan at mga kairalan ng mga sistemang may buhay habang inilalahad ang pagkakasangkot ng modernong siyensiya sa lumalalang kalagayan ng kapaligiran at kasalatan ng karamihan ng mga tao sa daigdig.
Narito ang ilang matingkad na mga kamalayan na kanilang tinalakay.
Kabuuan vs. Mga Bahagi
Sa lipunan na hinubog ng makina (Newtonian Science), ang kabuuan ay katulad ng isang sasakyan na binubuo ng mga magkakaiba at maaaring paghihiwa-hiwalaying bahagi tulad ng gomang gulong, bakal na katawan, salaming bintana at makinang de-gasolina. Ibig sabihin, ang kasilbihan ng kabuuan (sasakyan) ay nakasalalay sa pinagsama-samang mga bahagi. Dahil dito, mas higit na mahalaga ang mga bahagi sapagkat hindi matatawag na buo (hindi magagamit o gagana ang sasakyan) kung may kulang na bahagi. Taliwas daw ito sa kairalan ng mga sistemang may buhay (living systems) kung saan ang kabuuan at mga bahagi nito ay magkatulad at magkaugnay.
Sa kairalan ng mga sistemang may buhay, ang kabuuan ay katulad at hindi maihihiwalay sa mga bahagi nito. Gayundin naman ang mga bahagi sa kabuuan sapagkat ang buhay at pag-unlad ng kabuuan at mga bahagi ay nakasalalay sa bawat isa. Ang mga bahagi ay kinalalagyan ng kabuuan at ang kabuuan ay binubuo ng mga bahagi. Halimbawa ang katawan ng tao, bawat selula nito ng alinmang bahagi ng katawan ng tao ay naglalaman ng DNA na katulad ng buong katawan. Ang protinang kailangan ng buong katawan ay kailangan din ng pinakamaliit na bahagi ng katawan—ang selula. Ang pagkakasakit ng isang selula tulad ng cancer cell ay maaaring maging banta sa kalusugan o buhay ng buong katawan. Ganito rin ang makikitang kairalan sa mga hayop, halaman, kapaliran at sandaigdigan.
Ang kamalayan sa kairalang ito ng ugnayan ng mga bahagi at mga kabuuan ng mga sistemang may buhay, para sa mga may akda, ang magpapalaya sa ating kamalayan bilang tao, komunidad o global na korporasyon na pinamamahayan ng mga kaisipang hango o nakadesinyo sa takbo ng makina. Hangga’t naniniwala, halimbawa, ang mga global na korporasyon na sila ay hiwalay na bahagi ng kabuuan (daigdig), patuloy nila itong wawasakin tulad ng kanilang nakasanayan, at patuloy na lilikha ng katulad niya kagaya ng isang selula na apektado ng kanser ay hahawaan ang mga selula na kadikit niya. Kaya nanawagan ang mga may akda ng bagong paraan ng pagkatuto.
Pailalim na Antas ng Pagkatuto vs. Reaktibong Pagkatuto
May dalawang anyo ng pagkatuto. Ang una at karaniwan ay tinawag nilang Reaktibong Pagkatuto. Ang ikalawa at alternatibo naman ay Pailalim na Antas ng Pagkatuto. Parehong nakapalood sa dalawang anyo ng pagkatuto ang Pag-iisip at Paggawa. Sa reaktibong pagkatuto, ang pag-iisip ay katulad ng sistemang ‘downloading’ o pagkopya ng nilalaman ng pagkatuto at ang paggawa ay ang pag-uulit ng mga kilos na nakasaad dito. Sa pailalim na antas ng pagkatuto, ang pag-iisp ay ang pagpapalalim ng kamalayan sa kabuuan at ang paggawa ay mga kilos na magpapalusog sa kabuuan. Ang huling anyo ng pagkatuto ang huhubog ng magandang bukas para sa ating daigdig, ayon sa aklat. At kalakip sa pailalim na pagkatuto ay ang pagkatuto mula sa kinabukasan o mula sa mga bagay na hindi pa nangyayari o nararanasan o tinatawag ng mga may-akda na presencing.
Kahulugan ng Presence
Ang Presence ay hindi tumutukoy sa oras o lugar o kasama sa ating kinalalagyan batay sa kahulugan ng diksiyonaryo kundi ang pinakaubod na kakayahan para pagtagpuin ang bukas at kahapon, ang ispirituwal at material, paglikha at pagsira upang ang pag-inog ng buhay ay magpatuloy at maganap ang pagbabago batay sa mga desisyong ating gagawin. Para sa mga sumulat, ito ay tumutukoy sa kamalayan kung saan ang paglikas ay nasa pagbabalik, ang pagdating ay nasa paglisan, ang pananatili ay nasa pamamaalam, ang pagpipigil ay nasa pagpapaubaya, ang pagpapatuloy ay nasa paghinto kung paanong ang bahagi ay nasa kabuuan at ang kabuuan ay nasa bahagi. Ang proseso ng pailalim o presencing na pagkatuto ay inilarawan nila sa tinatawag nilang Teorya ng U (Understanding). Nagsisimula ang proseso ng Teoryang U sa kaliwa ng hugis U pababa na tinatawag na sensing (pagtingin) patungo pinakailalim na bahagi at magsimulang umahon na tinatawag namang presencing (dugtungan ng pailalim at pag-ahon) hanggang ito ay muling umahon sa dulo ng hugis U na tinatawag naman nilang realizing (pagsasabuhay ng bagong pagkaunawa).
Unang Proseso sa Teorya ng U: Sensing
Bakit mahirap magbago ang tao sa pagkilos at pamumuhay sa kabila ng hinaharap na pagkawasak ng daigdig? Ito ay dahil hindi naniniwala ang tao sa lumalalang kalagayan ng mundo. Subalit kapag ang tao ay nahaharap sa tiyak na kamatayan, nagbubukas ito ng pagkakataong baguhin ng tao ang kanyang kinagawian at gawin ang mga bagay na hindi niya ginagawa na alam niyang magpapasaya sa kanya at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ito ang kuwento ni Fred, isang Jamaican na nagtatrabaho sa World Bank. Siya ay nasuri ng maraming doctor na may nakamamatay na sakit at binigyan ng taning na ilang buwan na lang itatagal ng kanyang buhay. Ikinaila niya ito sa simula at nagpatuloy lang sa kanyang kinagawian.
Nang matanggap niya sa tulong na mga kaibigan na talagang hindi na magtatagal ang kanyang buhay, isang kahanga-hangang bagay ang nangyari. Itinigil niya ang mga bagay o gawain na sa tingin niya ay mga walang kuwenta at sinimulan ang pagtulong sa isang proyektong pambata na matagal na niyang nais gawin. Hindi na rin siya nakikipagtalo sa kanyang nanay. Hindi na siya nagagalit sa mga maliit na pagkakamali ng iba. Habang papalapit ang taning na araw sa kanyang kamatayan, umibig siya sa isang babaeng humikayat sa kanya na magpatingin sa Amerika. Nagpakunsulta uli siya.
Makalipas ang ilang araw, nakatanggap siya ng tawag. Kumpirmadong siya ay may kakaibang karamdaman subalit ito ay madaling gamutin, ayon sa mga doktor. Nang marinig niya ito, siya ay humagulgol sa iyak na parang bata dahil sa takot na bumalik ang buhay niya sa dati niyang mga ginagawa.
Subalit hindi lahat ay nahaharap sa terminal na karamdaman. Kaya upang maganap ang pagbabago kailangan nating makita paano tayo tumitingin. Madalas tinitingnan lang natin ang mga halatang bagay na kinagawian at binabalewala ang mga nakatago o hindi halata. Upang makita ang mga nakatago bagay, kailangan nating pigilin pansamantala (Pagmamasid ng walang paghuhusga) ang kinagawiang paraan ng pagtingin, pagdama, pag-aanalisa at paghuhusga. Ang mga kinagawiang paraan ang siyang humahadlang sa pagiging malikhain ng isang tao. Subalit ang pagpipigil sa ating kinagawian ay maaaring magdulot ng pagkatigatig o pagkatakot sa halip na magkaroon ng kapangyarihang kumilos. Ngunit ang pagkatigatig na ito sa kung paano natin tingnan ang ating nakikita ay magandang simula tungo sa sariwang pagtingin sa mga kinagawiang kilos, bagay at pangyayari. At upang magkaroon tayo ng lakas na kumilos, kailangan din nating tumingin mula sa kabuuan at huwag lamang tingnan ang kabuuan.
Kapag nakasanayan na natin ang pagpigil pansamantala sa kinagawiang paraan ng pagtingin sa mga bagay o pangyayari, binibigyan nito tayo ng pagkakataong iredirek ang ating pagtingin mula sa mga bahagi patungo sa kabuuan at mula sa kabuuan patungo sa mga bahagi ng ibang pangyayari, nilalaman ng mga ugali at asal, desinyo ng mga ugnayan at reaksiyon sa anumang bagay na dati ay hindi natin pinapansin. Ang redireksiyon ng pagtingin kung minsan ay sapat na upang tumugon sa sakit na nararamdaman. (Kaya’t kung ang indibidwal na redireksiyon tulad ng nangyari kay Zachaeus ay nagtulak sa kanya para ipamahagi kanyang yaman, paano pa ang kolektibong redireksiyon ng pagtingin o paniniwala tulad ng dalawang pamayanan sa Aklat ng mga Gawa kung saan walang isa man na nagdarahop sa kanilang komunidad).
Ikalawang Proseso sa Teorya ng U: Presencing
Matapos natin matutunan ang pagsuspinde ng paghuhusga sa mga bagay na nakikita at pagredirek ng ating pagtingin sa mga bagay na hindi natin pinapansin, kailangan naman natin matutunan ang pagpapaubaya o pagtalikod (letting go) sa kasanayang kontrolin o makontrol ng ating mga nakikita o nararamdaman at maging bukas o mapagtanggap (letting come) sa anumang bago o bunga na idudulot (bagong sarili, bagong pangarap, atbp) sa ating sarili ng ating pagpapaubaya. Makakatulong sa pagpapalalim ng pagkatutong ito ang paggamit sa iba pang neural system o network mayroon ang bawat tao: ang pinakamalaking kumpol ng mga neuron ay ang utak, mayroon din piling ng mga neuron sa bituka (intestinal neural system) at may kulumpol din ng mga neuron sa puso (cardial neural system). Kaya hindi lang sapat na analisahin ang kalagayan na parang hindi ka kasama sa kalagayan inaanalisa. Madalas nating marinig ang ma katagang “hindi ko na kayang sikmurain” o “hindi ko masikmura” ang isang bagay na hindi na natin matanggap pero madalang natin gamitin sa positibong paraan. Kaya kailangan din natin damahin at sikmurain mula sa ating kalooban ang kalungkutan ng pagkakanya-kanya, ng pahihiwahiwalay ng kabuuan at ng mga bahagi. At hindi lamang tao ang dapat gumamit ng pandama at sikmura kundi maging ang mga organisasyon at korporasyong nagpapatakbo ng ekonomiya kung nais ng mga itong magtagal sa pagnenegosyo o ang daigdig na kinalalagyan nito.
Ikatlong Proseso sa Teorya ng U: Realizing
Ito ang yugto kung saan magsisimula ang unti-unti pag-ahon mula sa pagsasaloob o pagpapalalim ng pag-unawa (presencing) patungo sa paglilinaw, paghuhubog at pagsasakatuparan ng mga kongretong aksiyon na magsasabuhay o magbibigay anyo sa bagong kamalayan o pangitain o pagkatao na nararanasan ng indibidwal o organisasyon. Mahirap intindihin ang bahaging ito sapagkat ang kuwentong ibinahagi ng mga sumulat ay tila ‘mystical’ na mga karanasan sa halip na proposisyonal na pagpapaliwanag. Subalit ang mga kuwento ng mga nakaranas ng yugtong ito ay nakatuon sa kung paano nabigyang diin ang pagpapahalaga sa kabuuan kesa sa mga bahagi. Halimbawa ng kuwento ang isang bata at babaeng Finnish na nagsabi na walang unibersal na solusyon na tutugon sa isang unibersal na suliranin at imposibeng makita ang solusyon na aakma sa suliranin ng bawat isa. Isang Indian, pinuno ng pinakamalaking kooperatiba sa daigdig na nagnenegosyo ng gatas ng baka, ang binanggit na nagsabi na hindi sila sangkot sa pagnenegosyo ng gatas ng baka, sila ay lumalahok sa paglikha ng isang makatarungan lipunan.
Ilang Implikasyon sa Pagpapaunlad ng Pamayanan o Organisasyon Mula sa Aklat
Kaya sa pagpapaunlad o pag-aayos ng mga pamayanan o organisasyon, madalas ang mga pangitain ng tao o samahan ay ‘mababaw’ lamang sapagkat ito ay ipinilit sa kanila ng tagalabas o kaya ay galing lamang sa iilan na tagaloob ngunit isinubo naman sa buong organisasyon. Dahil galing sa labas o ipinilit lamang ang pangitain, hindi makita ng indibidwal o komunidad ang papel nila sa paglutas ng mga suliraning panlipunan na kinakaharap nila. Madalas isinisisi pa ito sa iba sa halip na angkinin ang responsibilidad. Kapag ang pangitain ng indibidwal o samahan ay nagmula sa loob ng sarili o ng kabuuan saka lamang nagiging makapangyarihan ang pangitain, ayon sa isa sa mga may-akda.
Kailangan na rin natin iwan ang dating pagtingin at makamakinang modelo ng pag-unawa ng realidad, ang pagkakanya-kanya o paghahati-hati tulad ng mga asignatura sa akademya at pamamahala sa gobyeno o anumang organisasyon bagkus ay matuto at sanayin ang sarili o samahan na ang pagpapahalaga ay sa kabuuan at sa mga ugnayan o relasyon nito sa mga bahagi sa halip na sa isa o dalawang bahagi lamang tayo nakatuon.
Ang pagtataya o ebalwasyon ay nararapat nakatuon din sa kalidad ng ugnayan o relasyon na nabubuo at hindi sa mga kantidad na batayan ng ebalwasyon. Bagamat kaya halimbawa tayain ang bilis at agwat ng kilos ng isang bagay batay sa batas ng mosyon, naging ugali ng mga tagapagtaya o organisasyon, ayon sa aklat, na ang bilis at agwat ng pagkilos ng bagay o tao ay naging mas mahalaga kesa sa bagay o tao na kumikilos at tinataya. Sa ibang pahiwatig, naging mas mahalaga ang bunga kesa puno o ang produkto kesa lumikha ng produkto. Dahil dito madali lang putulin ang puno na hindi na namumunga nang walang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa kagyat na kapaligiran nito o tanggalin ang manggagawang hindi produktibo nang walang pag-alala sa kalagayan ng kanyang pamilya at komunidad na kilalagyan.
Nagtapos ang aklat sa isang kuwento, mula sa aklat na Ishmael na sinulat ni Daniel Quinn, tungkol sa kuwento ng isang gorilya na tinuruan ang isang tao kung paano ililigtas ang daigdig sa pagkawasak nito. Sa itaas sa bandang likod ng gorilya ay nakasabit ang isang karatula “ Kapag Nawala na ang Tao, may Pag-asa pa ba ang Gorilya?” Lahat, at karaniwan, ay naniniwala na higit na mapapabuti ang mga gorilya kapag nawala ang mga tao. Kung kaya’t ang Gorilya, o ang may-akda, ay ilohikal mag-isip o kaya ay nakikita o nauunawaan ang isang bagay na hindi karaniwan. Na sa pagpapahalaga sa kabuuan, bawat bahagi ay mahalaga rin. Na kailangan ng gorilya at kapaligiran ang tao kung paanong ang tao ay kailangan din ang gorilla at kapaligiran. Kung paano ay hindi na mahalagang sagutin dahil hindi nagsasalita ang gorilya at kapaligiran. Hindi ko na rin kailangan ang sagot sapagkat ito ay kaya kong sikmurain.
|
|
comments (0)
|
Isang Aklat Pagsusuri
Pamagat ng Aklat: Sama-samang Pangangasiwa at Pagpapalakas ng Samahan
Sumulat at Taon ng Paglathala: Angelito Manalili, 1994
Naglathala: Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc: Manila
Bilang ng pahina: 281
************************************************************************************
Ang Aklat
Naranasan mo na ba ang pakiramdam na makabasa ng isang magandang aklat sa pagpapaunlad ng samahan subalit pagkatapos ay tila napaparalisa ka kung paano mo isasagawa ang mga bagong kaalaman na natutunan mo? O Kaya pagkatapos mong ituro ang iyong bagong natutunan subalit tila gayon din ang pakiramdam ng iyong mga tinuruang tao at samahan? “Oo” ang sagot ko sa parehong tanong batay sa aking mga karanasan.
Ang pagkaparalisa marahil ay bunga ng dahilang karaniwan sa mga nabasa kong aklat sa pamumuno at pagpapaunlad ng samahan ay humuhugot ng inspirasyon mula sa karanasan ng mga kilalang pinuno at mga tanyag na korporasyon o organisasyon sa daigdig—mga tao o samahan na isinilang sa ibang kultura o konteksto. At kung sa katulad na bansa man ito nagbuhat, iba ang sistema at kalakaran nito na umiiral kumpara sa pag-oorganisa at pagpapaunlad ng samahan o pamayanan. Taliwas sa tradisyong ito ang aklat na Sama-samang Pangangasiwa at Pagpapalakas ng Samahan ni Angelito Manalili, tinaguriang Guro ng mga Maralita dahil sa husay niya sa pakuwentong lektura sa mga pagsasanay na kanyang pinadaloy.
Sa aklat na ito, si Manalili ay humugot ng mga buhay na kuwento mula sa mga karanasan ng sama-samang pag-oorganisa at pangangasiwa ng samahan ng mga karaniwang tao at samahan sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, maralitang pamayanan sa lunsod, manggagawa at mga katutubo. Dahil dito, tila ang pagpapaunlad ng samahan ay hindi mahirap gawin sapagkat ang mga kuwento, isyu, proseso at tagumpay na inilahad sa aklat ay hindi malayo sa kalagayan at paglalakbay ng maliit na samahan na kinabibilangan ko ngayon. Sa maikling pangungusap, ang aklat ni Manalili bagamat sinulat halos dalawampung taon na ang nakaraan ay maaari pa ring paghugutan ng inspirasyon sa pagbubuo at pagpapaunlad ng mga samahang pangpamayanan lalo na kung ang layunin ay sama-samang pagkilos at pag-unlad.
Narito ang ilang matingkad na kamalayan na aking sininop mula sa aklat.
Sa Pasimula Kalidad Muna Bago Kantidad
Ang pagpapaunlad ng pamayanan ay nangangailangan ng isang samahan na maging daluyan ng mga pagpaplano at pagkilos na gagawin. Kaya sa pagbubuo ng samahan mahalaga na ito ay nagsisimula ng tama. Ang tamang pagsisimula para kay Manalili ay inuuna ang kalidad kesa kantidad, maliit na lumalaki. Kabaligtaran ito ng karaniwang pagbubuo ng mga samahan tulad ng mga kooperatiba na inuuna ang kantidad bago ang kalidad o nagsisimula ng marami subalit sa paglipas ng panahon ay paunti ng paunti ang mga kasapi.
At sa paghubog ng kalidad ng pagbubuo ng samahan, mainam din na wasto ang proseso ng dinaanan ng organisador at samahang nabuo nito. At ang tamang proseso para kay Manalili ay nagsisimula sa pag-oorganisa ng pamayanan o pagbubuo ng samahan na “mula sa tao para tao” kung saan binibigyang halaga ang diwang ‘sama-sama’.
Magsimula sa Madali Subalit Kumpletos Rekados
Hindi madaling isagawa ang sama-samang pagpaplano ng mga isasakatuparang gawain. Subalit ito ay magiging magaan kung magsisimula sa madaling gawain lalo na kung ang kasapian ay nagbuhat sa masa. Ang mga gawain bagamat madali ay kailangan ding “kumpletos rekados”. Binigyang diin ni Manalili na ang mga planong gawain ay nararapat na batay sa kagyat na pangangailangan ng masang kasapian na sama-samang itinakda, tinukoy at nilinaw ng mga kasapi. Nararapat na ang mga ito ay nagsasapraktika ng niyakap na oryentasyon o pagpapahalaga ng samahan na nakabatay sa malalim na panlipunang pagsusuri at nakapaloob sa napagkasunduang pangmadalian at pangmatagalang layunin o istratehiya.
Sa Pangunguna Maaaring “May muse, may vice muse”
“Muse” na posisyon sa lupon ng mga tagapangasiwa? Iisipin mong ito ay kakatwa subalit ikinatuwa ko ang kuwentong ito ng may akda tungkol sa isang samahan na naghalal ng mga bise sa bawat posisyon sa kanilang lupon ng mga tagapangasiwa upang mabigyan ng importansiya ang bawat kasapi ng samahan na mapabilang sa sama-samang pamumuno at hatian ng mga gawain. Sa tuwing halalan ng pamunuan, bise lamang ang kanilang inihahalal sapagkat ang mga bise ng nakalipas na pamunuan ang aako ng nabakanteng posisyon. Ang mga bise ang tutulong sa mga pinuno upang tuparin ang nakaatang na gawain sa kanila. Dahil dito nabigyan ng sapat na panahon ang mga bise upang maging ganap na pinuno ng samahan at hubugin ang maihahalal na bise na papalit sa kanila. Mahalaga ang mga posisyon subalit higit na mahalaga na bawat isa ay may bahaging ginagampanan.
Sama-samang Pangangasiwa
Ito ang susi sa pagpapaunlad o pagpapalakas ng samahan na mula sa tao para sa tao. Kahit malakas na ang papel ng mga tao sa pagbubuo ng samahan, ayon kay Manalili, kailangan itong patuloy na palakasin sa pamamagitan ng sama-samang pangangasiwa ng samahan nang sa gayon ang mga tao ay hindi nakasandig sa organisador o ubod ng mga lider ng samahan. Subalit kung paano maiiwasan ang tendensiyang iasa sa pinakamataas na pamunuan ang pangangasiwa ng samahan, lalo na at hangarin nito na ‘lumawak at maging pambayan, panglungsod, panlalawigan, pangrehiyon at pambansa” (p33), ay hindi nabigyang diin ng may akda. Ngunit sa mga kuwento niya katulad ng karanasan ng samahang kooperatiba sa Barangay Damayang Lagi sa Lungsod ng Quezon, hindi imposible ang sama-samang pangangasiwa ng isang samahang mula sa tao at para sa tao. Subalit posible lamang ito, sa tingin ko, kung mananatili itong maliit na samahan na ang pokus ay ang kalidad ng pagpapaunlad ng samahan, kabuhayan at pamayanan ng mga kasapi nito. Mas nais kong makita ang maraming maliit na samahan na tunay na mula sa tao at para sa tao na nagtutulungang paunlarin ang kapwa samahan kesa isang samahan na naghahangad na maging pambansang samahan balang araw ngunit nakikipagkumpetensiya sa ibang samahan sa pangangalap ng pondo at kasapian. Gayunpaman, ang aklat na ito ay mainam basahin para sa sama-samang pagpapalakas ng mga pampamayanang mga samahan lalo na sa usapin ng sama-samang pangangasiwa sa pagplano at pasasakatuparan ng mga programa; pagbubuo ng istruktura ng samahan at hatian ng mga gawain; pinansiyal; gawaing edukasyon at pamamahayag; gawaing sosyo-ekonomiko; pagsusulong ng mga lokal at pambansang usapin; at gawaing pakikipag-ugnayan at pakikipag-alyansa.
Mga Buhay na Kuwento ng Sama-samang Pagpapaunlad ng Samahan
Bukod sa samahan ng Damayang Lagi sa Lunsod ng Quezon, pinaghugutan din ng sumulat ang mga buhay na karanasan ng mga samahang Zone One Tondo Organization (Zoto) sa Malabon, Kaunlaran Kapatiran Foundation, Inc (KKFI) sa Maynila, Bangkilas Lakas Mangingisda sa Bulakan, Samahan na Laging Magtutulungan (SALAMAT) sa Litex Commonwealth, Lungsod ng Quezon, Samahan ng Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA) sa Welfareville, Mandaluyong, Cebu City United Vendors Association (CCUVA) sa Cebu City, Kooperatiba sa Ambulanting Maninindahay sa Sugbo, Inc (KAMANSI) sa Cebu City din, at iba pang samahan na naging mayabong sa tagumpay at kabiguan subalit patuloy na lumalakas at nakikibaka. Ang mga karanasan ng mga nabanggit na samahan na isiniwalat ni Manalili ay malaking tulong sa akin upang makakuha ng mga bagong kaalaman na kung hindi man angkop ay mas malapit na tugon sa mga isyung kinakaharap ng Simpleng Pamayanan sa Bagong Silang na kinabibilangan ko ngayon.
Implikasyon ng Aklat sa Pagpapaunlad ng Samahan sa Pagpapaunlad ng Pamayanan
Ang mga sumusunod ang mga karaniwang pagpapakahulugan sa pagpapaunlad ng samahan: planadong gawain at proseso para maging malusog at epektibo ang samahan (Beckard, 1969); isang pagtatangka na impluwensiyahan ang kasapian na palawakin ang papel na kanilang ginagampanan sa loob ng samahan (Neilsen 1984); pagtitiyak na malusog ang ugnayan ng lahat kasapi at komite sa loob ng samahan (McLaga 1989); paglikha ng kultura ng pagtugon na pangmatagalan sa mga hamon na kinakaharap ng samahan (French & Bell 1990). Mapapansin na ang sentro at obheto ng mga kahulugan ay ang samahan na may sariling plano, kasapian, ugnayan at kultura. Wala naman akong nakikitang masama dito maliban sa tila baga ito ay may sariling mundo na hindi kabilang sa pamayanang kinalalagyan nito.
Naalala ko tuloy ang narinig ko minsan sa isang talakayan na ang mga samahan daw tulad ng simbahan, paaralan at pagawaan ay ‘nagre-recruit’ sa mga kasapi mula sa pamayanang kinalalagyan nito upang turuan o doktrinahan na yakapin ang mga pagtingin at pagpapahalahaga ng nagre-recruit na samahan. Pagkatapos pauuwiin ng mga institusyong ito ang mga na-recruit na kasapi o mag-aaral o manggagawa sa kanilang pamayanan na walang pakialam sa usaping panlipunan na kinakaharap ng kanilang komunidad tulad ng labis na kahirapan, kurapsiyon, basura, kawalang hanapbuhay ng karamihan, atbp. Naalala ko rin tuloy ang isang nabasa ko sa diyaryo na ang Pilipinas daw ang “NGO capital of the World” pero isa sa mga pinakamahirap na bansa sa daigdig. Ito kaya ay dahil sa ang mga NGO na ito ay katulad din ng mga simbahan, paaralan at pagawaan na ang sentro ay ang kanilang samahan?
Dito may adbentahe ang kahulugan ni Manalili sa pagpapaunlad (ginagamit niya ang salitang pagpapalakas) ng samahan kung saan sinabi niya na ang layunin nito ay “pag-ibayuhin ang pagtitiwala ng mga tao sa kanilang kolektibong kakayahan” at nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na mapatunayan ang kanilang sariling lakas sa sama-samang pagkilos (p29). Ang kahulugan o layuning ito ng pagpapaunlad ng samahan ay nakatali sa proseso ng pag-oorganisa at pagpapaunlad ng pamayanan (COCD) kung saan ang pagtatatag at pagpapalakas ng mga samahan ay kailangan upang maging daluyan ng pagbabago o pag-unlad ng pamayanan.
Subalit sinabi rin ni Manilili na kahit ang samahan na “dumaan sa masinop na proseso ng pag-oorganisa. Pag sinuri mo ang pinagdaanan nito ay wala ka ng hahanapin pa, kumpletos rekados talaga“ ay may posibilidad na isang araw ay bagsak na (p59). Ang dahilan nito, ayon sa kanya, ay ang “kawalan ng masinop programa o pagkilos na nagpapahalaga sa kakayahan ng bawat isa.” Upang maiiwasan ito kailangan ang patuloy na sama-samang pagpaplano at pagkilos. Ngunit paano maipagpapatuloy ang masinop na sama-samang pagpaplano at pagkilos kung may pangarap ang samahan ng paglawak na maging pambayan, panglungsod, panlalawigan, pangrehiyon, pambansa o pandaigdigang samahan? Paano sisinopin ang pakikipag-alyansang pambayan o pandaigdigan kung magkakaiba ang interes o prayoridad ng magkakatulad ng grupo? Datapuwa’t hindi na nabigyang tugon sa aklat ang mga katanungang ito maliban sa pagpapahayag ng maigting na pangangailangan dito. Marahil, ibang dinamiko naman ang kailangan doon.
Sa kabuuan, inirerekomenda ko ng buong puso ang aklat na ito para sa mga nag-oorganisa at nagpapalakas ng kanilang maliit na samahang pangkomunidad. Sa katunayan, ipinakopya ko na ang isang bahagi ng aklat (bahagi II at VIII) upang mabasa ng aking mga kasama sa samahang kinabibilangan ko ngayon, ang Simpleng Pamayanan ng Mananampalataya sa Bagong Silang. Maaari din naman itong makatulong sa mga malalaking samahan na naglalayong gawing mas partisipatori ang kanilang mga proyektong pangpamayanan.
|
|
comments (0)
|
Mga Kababaihan sa Ilalimng Abusadong Mananakop (Burn)
Naghihintay ako ng mga babaeng bida sa kuwento. Nang kanilang mga magagandang bibitiwang linya. Nang kanilang pakikitungali sa mga lalaki. Subalit ang unang babaeng karakter na ipinakita sa kuwento, ang asawa ni Santiago, ang lalaking binitay na pagkatapos ay pinugutan pa ng ulo dahil sa bintang na pangunguna sa planong pag-aaklas laban sa puting dayuhan. Wala ni isang salita siyang binitiwan upang sagutin ang mga tanong ng puting bidang lalaki (Brando). Walang pagluha o paghihinagpis sa sinapit ng asawa. Walang tinig. Itinatago ang damdamin. Marahil itoang pinakamatalinong gawin upang mabuhay at maitaguyod ang paglaki ng mga anak na naulila sa ama. O kaya sa pangkalahatan, ito ang karaniwang inaasahan sa mga babaeng Quemada habang ang dalawang bansa (Portugal at Inglatera) ay nag-aagawan sa kontrol ng Quemada na ang pangunahing produkto ay tubo na pangunahing sangkap sa paggawa ng asukal, at ang mga lalaki, mapaputi o itim ay nagtutunggalian ng lakas at pinapatay ang isa’t isa.
Ang sumunod na pagkakataon naman na matinding damdamin na ipinakita ng mga babae ay mga nakangiti, tumatawa at nagsasayaw dahil sa tagumpay ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtungali sa mga Portuges sa tulong ng isang puting taga-Inglatera (Brando) at ilang puti namaka-Inglatera rin. Bagamat malaki ang papel o bilang ng mga babae sa rebolusyong nagaganap, nanatili silang walang tinig at partisipasyon sa mahahalagang desisyon sa probisyunal na gobyerno sa maikling panahon na itinagal nito.
Habang ng mga puting ito ay nag-uusap sa kinabukasan ng mga taga-Quemada at ng kanilang pansariling interes, ang kanilang desisyon ay ibinatay sa pagkukumpara sa kung sino ang mahalaga: ang asawang babae o bayarang babae? Sa interes ng mga lalaking puti na ito, mas mahalaga ang bayarang babae sapagkat hindi na ito kailangan ibahay, pakainin, damitan ng habangbuhay at babayaran lamang sa oras ng kanyang serbisyo. Sa paghahalintulad na ito, lumitaw na ang asawang babae ay katulad ng isang alipin at ginagastusang kolonya habang ang bayarang babae ay katulad ng upahang manggagawa na maaaring baratin ang sahod at malayang Quemada na kontrolado ng dayuhang interes. At para sa interes ng mga puting lalaki, at ng mga kapangyarihan at instutusyon na nirerepresenta nila, ang malayang bansa ay isang prostitute habang ang kanilang mga asawa ay malayong kolonya.
Mga Kababaihan sa Ilalimng Abusadong Diktador (In The Time of Butterflies)
Sa ilalim ng isang rehimeng ang diktador nito ay ang ulo ng bawat tahanan (“In this house Trujillo is the chief) at ang mga babae ay hindi maaaring maging abugado, isang babae ang tatanggap sa hamon at sasalungat sa agos ng panahon. Siya si Minerva (Salma Hayek).
Bata pa lang, pinapapelan na ni Minerva ang pag-aabugado para sa kanyang tatlong kapatid na babae kapag mayroon silang nais hilingan sa kanilang ama tulad ng makapag-aral silang magkakapatid. Ang mga ito ay maliliit na tagumpay para kay Minerva na naniniwalang siya ay likas na mandirigma at ang malalaking tagumpay sa pakikibaka ay nagsisimula sa maliliit.
Dahil nagtataglay ng pisikal na kagandahan, talas ng pag-iisip at matinding paniwala sa sarili na maaaring makamtan ang katarungan sa ilalim ng rehimen niTrujillo, nakuha ni Minerva ang atensiyon ng Diktador na naniniwala na walang gitna sa panalo at talo—kakampi o kalaban niya lamang ang pagpipilian.Pinahintulutan siya nito makakuha ng abugasya subalit hindi binigyan ng lisensiyang magamit ito pagkatapos.
Dahil hindi nakuha ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang ama, sumanib si Minerva sa grupong lumalaban ng palihim sa dikdatorya. Siya ay binansagang ‘Butterfly’ na siyang naging lihim na simbolo at kataga sa pagkilosng kanilang kilusan. Sa pangunguna ni Minerva at sa tulong ng kanyang mga kapatid na babae, dumami ang lihim na nakikilahok sa kilusan mula sa hanay ng simbahan, gobyerno at iba pang sektor.
Sa kabila ng kanilang pagiging produktibo naitanong ni Minerva sa kasintahang si Manolo kung sila ay nangangarap ng isang bagay na hindi kailan man mangyayari. Tumugon si Manolo na tila nagbabadya ng isang propesiya o trahedya para sa kanyang kausap na sa bandang huli mas mabuting mamatay na sumusubok abutin ang pangarap na iyon kesa mamatay subalit walang ginawang anuman para baguhin ang kanilang sitwasyon at lipunan.
Ang trahedya ng pagkamatay ng tatlong magkakapatid sa kamay ng mga berdugo ni Trujillo ang siyang nagpaigting ng pagkilos ng kilusan na humantong sa pagpatay sa kanya anim na buwan pagkatapos ng trahedya at nagwakas sa kanyang rehimeng diktadorya.
Dahil totoong pangyayari ang kuwento sa isang yugto ng kasaysayan ng Dominican Republic, isang aral ang maigting na nakintal sa akin. Ang nagpabagsak ng abusadong sentro ng kapangyarihan (ni Trujillo at ng mga institusyon na nirerepresentanito) ay nanggaling sa gilid (margin) na nirepresenta nila Minerva at ng kanyang mga kapatid bilang mga babae at mga tagabukid o anak ng mambubukid.
Mga Kababaihan sa Ilalim ng Abusadong Kapitalista at Paggawa (HarlanCounty, USA at Salt of the Earth)
Ito ang dalawang kuwento ng kapangyarihan ng organisadong kababaihan na baguhin ang namamayaning kalakaran kahit sila ay hindi direktang sangkot. Hindi sila ang mga minero o manggagawa sa mga kuwentong ito. Sila ang mga asawa, kapatid at mga anak na babae ng mga minero sa Harlan County at New Mexico. Ang mga karakter nila ay hindi gawa-gawa lamang kundi hango sa totoong kuwento.
Ang “Harlan County, USA”, isangdokumentaryong pelikula tungkol sa pakikibaka ng mga minero ng karbon o uling sa Brookside, Harlan County, Kentucky laban sa Duke Power Company (DPC), may-ari ng minahan. Layunin ng kanilang pakikibaka na kilalanin ng DPC ang unyon o samahan ng mga minero sa patnubay ng United Mine Workers of America (UMWA) na nagtataguyod ng mas ligtas na pagmimina o proteksiyon laban sa ‘black lung’,maging independent ang mga minero sa may-ari ng minahan at mga tindahan nito,at mabigyan ng kapangyarihan ang mga minero magdesisyon sa nilalaman ng kanilang kontrata sa pagtatrabaho sa minahan. Sa kabila ng dagdag-kita ng DPC na 170% kada taon habang ang mga minero ay 4% lamang at ang presyo ng mgabilihin ay tumataas ng 7% taun- taon, ayaw tanggapin ng DPC ang huling kahilingan ng mga minero kaya naglunsad ang mga ito ng ‘strike’ o tigil-trabaho.
Habang ang mga lalaking istrayker ay naglalaro ng basketbol kapag hindi nakatoka sa tigil-trabaho at ang mga lalaking pinuno ng UMA ay nag-aagawan sa kapangyarihan, ang mga babae ay hinahati ang panahon sa pagsama sa tigil-trabaho, pag-aalaga ng mga anak at mga gawaingbahay, at pagdalo sa mga pulong.
Sa ikaapat na buwan ngtigil-trabaho, mga babae naman na humiga sa kalsada ang ikinulong ng mga pulis at sinentensiyahan ng huwes ng 60 araw na pagkakabilango. Sa kabila nito, hindipa rin natinag ang mga minero at ang kanilang mga asawa, kapatid at anak nababae. Bagkus lalong umigting ang kanilang kampanya laban sa DPC, nagpahayag na ang mga minero ay mga taong “pag-aari” nila na bibigyan nila ng magandang buhay, mula Kentucky hanggang New York.
Habang umiigting ang tensiyon at ilan sa mga istrayker ang ikinulongmatapos padaanin ng mga pulis ang mga upahang lalaki ng may-ari ng minahan,hindi lamang pangangalap ng donasyon ang ginawa ng mga babae kundi pagtao mismosa lugar ng istrayk bilang kapalit ng ilang minero at pandagdag bilang. Angawiting
“we shall not we shall not be moved (x2)
like a tree that's planted by the water
we shall not be moved”
ay isang akmang paglalalarawan sa tibay at determinasyon ng isang organisadong samahan ng mga kababaihan. Hindi sila natinag habang sinusubukan paalisin o binabantaang aarestuhin ng hepe ng pulis dahil sa pangugulo kung hindi bubuwagin ang kanilang piket o protesta. Subalit papayag lamang silang maaresto kung aarestuhin din ng Hepe ang mga upahang tauhan ng minahan na may dalang mga nakamamatay na armas tulad ng baril. Walang nagawa ang pulis kundi paalisin o pagtaguin pansamantala ang mga upahang scab.
Ang hudyat ng pagtatapos ngkanilang pakikibaka ay nang mabaril sa ulo at mamatay si John, 25 taong gulangat may asawang 17-taon gulang na nagdadalantao. Dahil dito napilitan ang DPC namuling mag-usap. Nakuha ng mga minero ang kontrata na nais nila.
Bagamat maraming salik o grupoang nakatulong sa tagumpay na ito ng mga minero ng Harlan County, ang papel na ginampanan ng kanilang mga asawa, kapatid at anak na babae ay hindi matatawaran. Sila ang nagsilbing puso kung hindi man lakas ng pakikibaka ng mga minero.
Ang Salt of the Earth ay inilarawan naman ang pakikibaka ng mga minero laban sa Empire Zinc Company (EZC) para sa pantay na sahod ng mga minerong Mehikano at Anglo-saxon at kaligtasan ng mga minero vis a vis mga isyu ng papel ng babae at lalaki sa loob ng tahanan.Nais naman ng mga asawa ng mga minero na ipasok sa hinihinging kasunduan ang karapatan nila sa maayos na sanitasyon. Tinangihan ito ng mga minero sapagkat mas higit daw ang kaligtasan ng mga minerong lalaki kaysa hinihiling na sanitasyon ng mga kababaihan.
Dahil may salapi at kapangyarihan nasa panig ng may-ari ng EZC ang mgakawatan (scabs), ang mga pulis na humuli at nagpakulong sa mga lider ng tigil-trabaho, at ang huwes na nag-utos ng buwagin ang piket ng mga minero. Wala nang masusulingan ang mga minero sumunod man o sumuway sa utos ng korte. Subalit ang mga kababaihan ang nakagawa ng paraan upang ituloy ang protesta. Sila ang tumao sa piket ng mga raliyista habang ang kanilang mga asawa ang pumapel sa mga gawaing bahay.
Bagamat may mga lalaking umalis at iniwan ang kanilang pamilya, hindi natinag ang samahan ng mga kababaihan. Inalagaan nila ang mga bata at mga babaeng iniwan ng kanilang mga asawa. Si Esperansa Quintero (Revueltas), ang asawa ng lider ng minero na si Ramon (Cancho), ang sagisag ng nagkakakaisang layunin at paninindigan ng mga kababaihan ng kanyang wikain ang mga katagang ito:
I don't wantanything lower than me. I want to rise and push everything up as I go…
I don't wantto go down fighting. I want to win.
Sa ating wika, “Hindi ko nais na may mas mababa pa kaysa sa akin.Tatayo ako at itataas ang anumang makakaya ko. Kailangan kong manalo upang matigil na ang pakikibakang ito.” Pagkatapos ng pitong buwan, pumayag din ang may-ari ng EZC na makipagnegosasyon sa mga minero.