A Friend of the People of the Cross

MY JOURNEY IN ALTERNATIVE AND TRANSFORMATIONAL FAITH, COMMUNITY, EDUCATION AND DEVELOPMENT

Blog

Sama-samang Pangangasiwa at Pagpapalakas ng Samahan: Isang Pagsusuring Aklat

Posted by Arven De La Cruz on April 11, 2013 at 4:30 AM

Isang Aklat Pagsusuri 

Pamagat ng Aklat: Sama-samang Pangangasiwa at Pagpapalakas ng Samahan

Sumulat at Taon ng Paglathala: Angelito Manalili, 1994

Naglathala: Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc: Manila

Bilang ng pahina: 281

************************************************************************************

 

Ang Aklat

Naranasan mo na ba ang pakiramdam na makabasa ng isang magandang aklat sa pagpapaunlad ng samahan subalit pagkatapos ay tila napaparalisa ka kung paano mo isasagawa ang mga bagong kaalaman na natutunan mo? O Kaya pagkatapos mong ituro ang iyong bagong natutunan subalit tila gayon din ang pakiramdam ng iyong mga tinuruang tao at samahan? “Oo” ang sagot ko sa parehong tanong batay sa aking mga karanasan.


Ang pagkaparalisa marahil ay bunga ng dahilang karaniwan sa mga nabasa kong aklat sa pamumuno at pagpapaunlad ng samahan ay humuhugot ng inspirasyon mula sa karanasan ng mga kilalang pinuno at mga tanyag na korporasyon o organisasyon sa daigdig—mga tao o samahan na isinilang sa ibang kultura o konteksto. At kung sa katulad na bansa man ito nagbuhat, iba ang sistema at kalakaran nito na umiiral kumpara sa pag-oorganisa at pagpapaunlad ng samahan o pamayanan. Taliwas sa tradisyong ito ang aklat na Sama-samang Pangangasiwa at Pagpapalakas ng Samahan ni Angelito Manalili, tinaguriang Guro ng mga Maralita dahil sa husay niya sa pakuwentong lektura sa mga pagsasanay na kanyang pinadaloy.


Sa aklat na ito, si Manalili ay humugot ng mga buhay na kuwento mula sa mga karanasan ng sama-samang pag-oorganisa at pangangasiwa ng samahan ng mga karaniwang tao at samahan sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, maralitang pamayanan sa lunsod, manggagawa at mga katutubo. Dahil dito, tila ang pagpapaunlad ng samahan ay hindi mahirap gawin sapagkat ang mga kuwento, isyu, proseso at tagumpay na inilahad sa aklat ay hindi malayo sa kalagayan at paglalakbay ng maliit na samahan na kinabibilangan ko ngayon. Sa maikling pangungusap, ang aklat ni Manalili bagamat sinulat halos dalawampung taon na ang nakaraan ay maaari pa ring paghugutan ng inspirasyon sa pagbubuo at pagpapaunlad ng mga samahang pangpamayanan lalo na kung ang layunin ay sama-samang pagkilos at pag-unlad.


Narito ang ilang matingkad na kamalayan na aking sininop mula sa aklat.

 

Sa Pasimula Kalidad Muna Bago Kantidad

Ang pagpapaunlad ng pamayanan ay nangangailangan ng isang samahan na maging daluyan ng mga pagpaplano at pagkilos na gagawin. Kaya sa pagbubuo ng samahan mahalaga na ito ay nagsisimula ng tama. Ang tamang pagsisimula para kay Manalili ay inuuna ang kalidad kesa kantidad, maliit na lumalaki. Kabaligtaran ito ng karaniwang pagbubuo ng mga samahan tulad ng mga kooperatiba na inuuna ang kantidad bago ang kalidad o nagsisimula ng marami subalit sa paglipas ng panahon ay paunti ng paunti ang mga kasapi.


At sa paghubog ng kalidad ng pagbubuo ng samahan, mainam din na wasto ang proseso ng dinaanan ng organisador at samahang nabuo nito. At ang tamang proseso para kay Manalili ay nagsisimula sa pag-oorganisa ng pamayanan o pagbubuo ng samahan na “mula sa tao para tao” kung saan binibigyang halaga ang diwang ‘sama-sama’.

 

Magsimula sa Madali Subalit Kumpletos Rekados

Hindi madaling isagawa ang sama-samang pagpaplano ng mga isasakatuparang gawain. Subalit ito ay magiging magaan kung magsisimula sa madaling gawain lalo na kung ang kasapian ay nagbuhat sa masa. Ang mga gawain bagamat madali ay kailangan ding “kumpletos rekados”. Binigyang diin ni Manalili na ang mga planong gawain ay nararapat na batay sa kagyat na pangangailangan ng masang kasapian na sama-samang itinakda, tinukoy at nilinaw ng mga kasapi. Nararapat na ang mga ito ay nagsasapraktika ng niyakap na oryentasyon o pagpapahalaga ng samahan na nakabatay sa malalim na panlipunang pagsusuri at nakapaloob sa napagkasunduang pangmadalian at pangmatagalang layunin o istratehiya.

 

Sa Pangunguna Maaaring “May muse, may vice muse”

“Muse” na posisyon sa lupon ng mga tagapangasiwa? Iisipin mong ito ay kakatwa subalit ikinatuwa ko ang kuwentong ito ng may akda tungkol sa isang samahan na naghalal ng mga bise sa bawat posisyon sa kanilang lupon ng mga tagapangasiwa upang mabigyan ng importansiya ang bawat kasapi ng samahan na mapabilang sa sama-samang pamumuno at hatian ng mga gawain. Sa tuwing halalan ng pamunuan, bise lamang ang kanilang inihahalal sapagkat ang mga bise ng nakalipas na pamunuan ang aako ng nabakanteng posisyon. Ang mga bise ang tutulong sa mga pinuno upang tuparin ang nakaatang na gawain sa kanila. Dahil dito nabigyan ng sapat na panahon ang mga bise upang maging ganap na pinuno ng samahan at hubugin ang maihahalal na bise na papalit sa kanila. Mahalaga ang mga posisyon subalit higit na mahalaga na bawat isa ay may bahaging ginagampanan.

 

Sama-samang Pangangasiwa

Ito ang susi sa pagpapaunlad o pagpapalakas ng samahan na mula sa tao para sa tao. Kahit malakas na ang papel ng mga tao sa pagbubuo ng samahan, ayon kay Manalili, kailangan itong patuloy na palakasin sa pamamagitan ng sama-samang pangangasiwa ng samahan nang sa gayon ang mga tao ay hindi nakasandig sa organisador o ubod ng mga lider ng samahan. Subalit kung paano maiiwasan ang tendensiyang iasa sa pinakamataas na pamunuan ang pangangasiwa ng samahan, lalo na at hangarin nito na ‘lumawak at maging pambayan, panglungsod, panlalawigan, pangrehiyon at pambansa” (p33), ay hindi nabigyang diin ng may akda. Ngunit sa mga kuwento niya katulad ng karanasan ng samahang kooperatiba sa Barangay Damayang Lagi sa Lungsod ng Quezon, hindi imposible ang sama-samang pangangasiwa ng isang samahang mula sa tao at para sa tao. Subalit posible lamang ito, sa tingin ko, kung mananatili itong maliit na samahan na ang pokus ay ang kalidad ng pagpapaunlad ng samahan, kabuhayan at pamayanan ng mga kasapi nito. Mas nais kong makita ang maraming maliit na samahan na tunay na mula sa tao at para sa tao na nagtutulungang paunlarin ang kapwa samahan kesa isang samahan na naghahangad na maging pambansang samahan balang araw ngunit nakikipagkumpetensiya sa ibang samahan sa pangangalap ng pondo at kasapian. Gayunpaman, ang aklat na ito ay mainam basahin para sa sama-samang pagpapalakas ng mga pampamayanang mga samahan lalo na sa usapin ng sama-samang pangangasiwa sa pagplano at pasasakatuparan ng mga programa; pagbubuo ng istruktura ng samahan at hatian ng mga gawain; pinansiyal; gawaing edukasyon at pamamahayag; gawaing sosyo-ekonomiko; pagsusulong ng mga lokal at pambansang usapin; at gawaing pakikipag-ugnayan at pakikipag-alyansa.


Mga Buhay na Kuwento ng Sama-samang Pagpapaunlad ng Samahan

Bukod sa samahan ng Damayang Lagi sa Lunsod ng Quezon, pinaghugutan din ng sumulat ang mga buhay na karanasan ng mga samahang Zone One Tondo Organization (Zoto) sa Malabon, Kaunlaran Kapatiran Foundation, Inc (KKFI) sa Maynila, Bangkilas Lakas Mangingisda sa Bulakan, Samahan na Laging Magtutulungan (SALAMAT) sa Litex Commonwealth, Lungsod ng Quezon, Samahan ng Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA) sa Welfareville, Mandaluyong, Cebu City United Vendors Association (CCUVA) sa Cebu City, Kooperatiba sa Ambulanting Maninindahay sa Sugbo, Inc (KAMANSI) sa Cebu City din, at iba pang samahan na naging mayabong sa tagumpay at kabiguan subalit patuloy na lumalakas at nakikibaka. Ang mga karanasan ng mga nabanggit na samahan na isiniwalat ni Manalili ay malaking tulong sa akin upang makakuha ng mga bagong kaalaman na kung hindi man angkop ay mas malapit na tugon sa mga isyung kinakaharap ng Simpleng Pamayanan sa Bagong Silang na kinabibilangan ko ngayon.

 

Implikasyon ng Aklat sa Pagpapaunlad ng Samahan sa Pagpapaunlad ng Pamayanan

Ang mga sumusunod ang mga karaniwang pagpapakahulugan sa pagpapaunlad ng samahan: planadong gawain at proseso para maging malusog at epektibo ang samahan (Beckard, 1969); isang pagtatangka na impluwensiyahan ang kasapian na palawakin ang papel na kanilang ginagampanan sa loob ng samahan (Neilsen 1984); pagtitiyak na malusog ang ugnayan ng lahat kasapi at komite sa loob ng samahan (McLaga 1989); paglikha ng kultura ng pagtugon na pangmatagalan sa mga hamon na kinakaharap ng samahan (French & Bell 1990). Mapapansin na ang sentro at obheto ng mga kahulugan ay ang samahan na may sariling plano, kasapian, ugnayan at kultura. Wala naman akong nakikitang masama dito maliban sa tila baga ito ay may sariling mundo na hindi kabilang sa pamayanang kinalalagyan nito.


Naalala ko tuloy ang narinig ko minsan sa isang talakayan na ang mga samahan daw tulad ng simbahan, paaralan at pagawaan ay ‘nagre-recruit’ sa mga kasapi mula sa pamayanang kinalalagyan nito upang turuan o doktrinahan na yakapin ang mga pagtingin at pagpapahalahaga ng nagre-recruit na samahan. Pagkatapos pauuwiin ng mga institusyong ito ang mga na-recruit na kasapi o mag-aaral o manggagawa sa kanilang pamayanan na walang pakialam sa usaping panlipunan na kinakaharap ng kanilang komunidad tulad ng labis na kahirapan, kurapsiyon, basura, kawalang hanapbuhay ng karamihan, atbp. Naalala ko rin tuloy ang isang nabasa ko sa diyaryo na ang Pilipinas daw ang “NGO capital of the World” pero isa sa mga pinakamahirap na bansa sa daigdig. Ito kaya ay dahil sa ang mga NGO na ito ay katulad din ng mga simbahan, paaralan at pagawaan na ang sentro ay ang kanilang samahan?


Dito may adbentahe ang kahulugan ni Manalili sa pagpapaunlad (ginagamit niya ang salitang pagpapalakas) ng samahan kung saan sinabi niya na ang layunin nito ay “pag-ibayuhin ang pagtitiwala ng mga tao sa kanilang kolektibong kakayahan” at nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na mapatunayan ang kanilang sariling lakas sa sama-samang pagkilos (p29). Ang kahulugan o layuning ito ng pagpapaunlad ng samahan ay nakatali sa proseso ng pag-oorganisa at pagpapaunlad ng pamayanan (COCD) kung saan ang pagtatatag at pagpapalakas ng mga samahan ay kailangan upang maging daluyan ng pagbabago o pag-unlad ng pamayanan.


Subalit sinabi rin ni Manilili na kahit ang samahan na “dumaan sa masinop na proseso ng pag-oorganisa. Pag sinuri mo ang pinagdaanan nito ay wala ka ng hahanapin pa, kumpletos rekados talaga“ ay may posibilidad na isang araw ay bagsak na (p59). Ang dahilan nito, ayon sa kanya, ay ang “kawalan ng masinop programa o pagkilos na nagpapahalaga sa kakayahan ng bawat isa.” Upang maiiwasan ito kailangan ang patuloy na sama-samang pagpaplano at pagkilos. Ngunit paano maipagpapatuloy ang masinop na sama-samang pagpaplano at pagkilos kung may pangarap ang samahan ng paglawak na maging pambayan, panglungsod, panlalawigan, pangrehiyon, pambansa o pandaigdigang samahan? Paano sisinopin ang pakikipag-alyansang pambayan o pandaigdigan kung magkakaiba ang interes o prayoridad ng magkakatulad ng grupo? Datapuwa’t hindi na nabigyang tugon sa aklat ang mga katanungang ito maliban sa pagpapahayag ng maigting na pangangailangan dito. Marahil, ibang dinamiko naman ang kailangan doon.


Sa kabuuan, inirerekomenda ko ng buong puso ang aklat na ito para sa mga nag-oorganisa at nagpapalakas ng kanilang maliit na samahang pangkomunidad. Sa katunayan, ipinakopya ko na ang isang bahagi ng aklat (bahagi II at VIII) upang mabasa ng aking mga kasama sa samahang kinabibilangan ko ngayon, ang Simpleng Pamayanan ng Mananampalataya sa Bagong Silang. Maaari din naman itong makatulong sa mga malalaking samahan na naglalayong gawing mas partisipatori ang kanilang mga proyektong pangpamayanan.

 

Categories: Books & Movies

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

0 Comments