A Friend of the People of the Cross

MY JOURNEY IN ALTERNATIVE AND TRANSFORMATIONAL FAITH, COMMUNITY, EDUCATION AND DEVELOPMENT

Blog

Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society: Isang Pagsusuri ng Aklat

Posted by Arven De La Cruz on April 11, 2013 at 4:40 AM

BOOK REVIEW

Pamagat ng Aklat: Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society

Mga Sumulat: Peter Senge, C. Otto Scharmer, Joseph Jaworski & Betty Sue Flowers

Taon ng Inilathala: 2005

Naglathala: Nicholas Brealy Publishing, London

****************************************************************************************

 

Ang Aklat

Bakit nahihirapan ang tao baguhin ang paraan ng kanyang pamumuhay sa kabila ng hinaharap na pagkawasak ng daigdig? Ano ang magagawa ng mga taong nakikita ang kagyat na suliranin ng lumalalang suliraning panlipunan tulad ng labis na kahirapan at nasisirang kapaligiran, at pakilusin ang mga tao at korporasyon upang maging bahagi sa paghahatid ng transpormasyon? Ito ang mga katanungang sinubukang galugarin ng apat na may-akda ng aklat na Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society. Ginamit ko ang salitang galugarin kesa saliksikin o siniyasat sapagkat mas akma itong salin ng salitang Ingles na ‘explore’ na subtema ng aklat. Ang aklat ay nabuo sa loob ng isang taon at kalahati sa pamamagitan ng magkakasunod na anim na tagpong kuwentuhan ng apat na tao na magkakaiba ang pinanggagalingang larangan subalit pare-parehong interesado na galugarin kung paano maihahatid ang pagbabago hindi lamang sa indibidwal na antas kundi gayundin sa organisasyon at lipunan.


Hinango ng mga may akda ang mga prinsipyo sa pagkakaroon ng pagbabago mula sa karunungan ng mga sinaunang pantas, ng mga relihiyon tulad ng Budismo, Taoismo, Confucionismo at Kristiyanismo, mga personal na karanasan at mga kairalan ng mga sistemang may buhay habang inilalahad ang pagkakasangkot ng modernong siyensiya sa lumalalang kalagayan ng kapaligiran at kasalatan ng karamihan ng mga tao sa daigdig.


Narito ang ilang matingkad na mga kamalayan na kanilang tinalakay.

 

Kabuuan vs. Mga Bahagi

Sa lipunan na hinubog ng makina (Newtonian Science), ang kabuuan ay katulad ng isang sasakyan na binubuo ng mga magkakaiba at maaaring paghihiwa-hiwalaying bahagi tulad ng gomang gulong, bakal na katawan, salaming bintana at makinang de-gasolina. Ibig sabihin, ang kasilbihan ng kabuuan (sasakyan) ay nakasalalay sa pinagsama-samang mga bahagi. Dahil dito, mas higit na mahalaga ang mga bahagi sapagkat hindi matatawag na buo (hindi magagamit o gagana ang sasakyan) kung may kulang na bahagi. Taliwas daw ito sa kairalan ng mga sistemang may buhay (living systems) kung saan ang kabuuan at mga bahagi nito ay magkatulad at magkaugnay.

 

Sa kairalan ng mga sistemang may buhay, ang kabuuan ay katulad at hindi maihihiwalay sa mga bahagi nito. Gayundin naman ang mga bahagi sa kabuuan sapagkat ang buhay at pag-unlad ng kabuuan at mga bahagi ay nakasalalay sa bawat isa. Ang mga bahagi ay kinalalagyan ng kabuuan at ang kabuuan ay binubuo ng mga bahagi. Halimbawa ang katawan ng tao, bawat selula nito ng alinmang bahagi ng katawan ng tao ay naglalaman ng DNA na katulad ng buong katawan. Ang protinang kailangan ng buong katawan ay kailangan din ng pinakamaliit na bahagi ng katawan—ang selula. Ang pagkakasakit ng isang selula tulad ng cancer cell ay maaaring maging banta sa kalusugan o buhay ng buong katawan. Ganito rin ang makikitang kairalan sa mga hayop, halaman, kapaliran at sandaigdigan.

 

Ang kamalayan sa kairalang ito ng ugnayan ng mga bahagi at mga kabuuan ng mga sistemang may buhay, para sa mga may akda, ang magpapalaya sa ating kamalayan bilang tao, komunidad o global na korporasyon na pinamamahayan ng mga kaisipang hango o nakadesinyo sa takbo ng makina. Hangga’t naniniwala, halimbawa, ang mga global na korporasyon na sila ay hiwalay na bahagi ng kabuuan (daigdig), patuloy nila itong wawasakin tulad ng kanilang nakasanayan, at patuloy na lilikha ng katulad niya kagaya ng isang selula na apektado ng kanser ay hahawaan ang mga selula na kadikit niya. Kaya nanawagan ang mga may akda ng bagong paraan ng pagkatuto.

 

Pailalim na Antas ng Pagkatuto vs. Reaktibong Pagkatuto

May dalawang anyo ng pagkatuto. Ang una at karaniwan ay tinawag nilang Reaktibong Pagkatuto. Ang ikalawa at alternatibo naman ay Pailalim na Antas ng Pagkatuto. Parehong nakapalood sa dalawang anyo ng pagkatuto ang Pag-iisip at Paggawa. Sa reaktibong pagkatuto, ang pag-iisip ay katulad ng sistemang ‘downloading’ o pagkopya ng nilalaman ng pagkatuto at ang paggawa ay ang pag-uulit ng mga kilos na nakasaad dito. Sa pailalim na antas ng pagkatuto, ang pag-iisp ay ang pagpapalalim ng kamalayan sa kabuuan at ang paggawa ay mga kilos na magpapalusog sa kabuuan. Ang huling anyo ng pagkatuto ang huhubog ng magandang bukas para sa ating daigdig, ayon sa aklat. At kalakip sa pailalim na pagkatuto ay ang pagkatuto mula sa kinabukasan o mula sa mga bagay na hindi pa nangyayari o nararanasan o tinatawag ng mga may-akda na presencing.

 

Kahulugan ng Presence

Ang Presence ay hindi tumutukoy sa oras o lugar o kasama sa ating kinalalagyan batay sa kahulugan ng diksiyonaryo kundi ang pinakaubod na kakayahan para pagtagpuin ang bukas at kahapon, ang ispirituwal at material, paglikha at pagsira upang ang pag-inog ng buhay ay magpatuloy at maganap ang pagbabago batay sa mga desisyong ating gagawin. Para sa mga sumulat, ito ay tumutukoy sa kamalayan kung saan ang paglikas ay nasa pagbabalik, ang pagdating ay nasa paglisan, ang pananatili ay nasa pamamaalam, ang pagpipigil ay nasa pagpapaubaya, ang pagpapatuloy ay nasa paghinto kung paanong ang bahagi ay nasa kabuuan at ang kabuuan ay nasa bahagi. Ang proseso ng pailalim o presencing na pagkatuto ay inilarawan nila sa tinatawag nilang Teorya ng U (Understanding). Nagsisimula ang proseso ng Teoryang U sa kaliwa ng hugis U pababa na tinatawag na sensing (pagtingin) patungo pinakailalim na bahagi at magsimulang umahon na tinatawag namang presencing (dugtungan ng pailalim at pag-ahon) hanggang ito ay muling umahon sa dulo ng hugis U na tinatawag naman nilang realizing (pagsasabuhay ng bagong pagkaunawa).

 

Unang Proseso sa Teorya ng U: Sensing

Bakit mahirap magbago ang tao sa pagkilos at pamumuhay sa kabila ng hinaharap na pagkawasak ng daigdig? Ito ay dahil hindi naniniwala ang tao sa lumalalang kalagayan ng mundo. Subalit kapag ang tao ay nahaharap sa tiyak na kamatayan, nagbubukas ito ng pagkakataong baguhin ng tao ang kanyang kinagawian at gawin ang mga bagay na hindi niya ginagawa na alam niyang magpapasaya sa kanya at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ito ang kuwento ni Fred, isang Jamaican na nagtatrabaho sa World Bank. Siya ay nasuri ng maraming doctor na may nakamamatay na sakit at binigyan ng taning na ilang buwan na lang itatagal ng kanyang buhay. Ikinaila niya ito sa simula at nagpatuloy lang sa kanyang kinagawian.


Nang matanggap niya sa tulong na mga kaibigan na talagang hindi na magtatagal ang kanyang buhay, isang kahanga-hangang bagay ang nangyari. Itinigil niya ang mga bagay o gawain na sa tingin niya ay mga walang kuwenta at sinimulan ang pagtulong sa isang proyektong pambata na matagal na niyang nais gawin. Hindi na rin siya nakikipagtalo sa kanyang nanay. Hindi na siya nagagalit sa mga maliit na pagkakamali ng iba. Habang papalapit ang taning na araw sa kanyang kamatayan, umibig siya sa isang babaeng humikayat sa kanya na magpatingin sa Amerika. Nagpakunsulta uli siya.


Makalipas ang ilang araw, nakatanggap siya ng tawag. Kumpirmadong siya ay may kakaibang karamdaman subalit ito ay madaling gamutin, ayon sa mga doktor. Nang marinig niya ito, siya ay humagulgol sa iyak na parang bata dahil sa takot na bumalik ang buhay niya sa dati niyang mga ginagawa.

 

Subalit hindi lahat ay nahaharap sa terminal na karamdaman. Kaya upang maganap ang pagbabago kailangan nating makita paano tayo tumitingin. Madalas tinitingnan lang natin ang mga halatang bagay na kinagawian at binabalewala ang mga nakatago o hindi halata. Upang makita ang mga nakatago bagay, kailangan nating pigilin pansamantala (Pagmamasid ng walang paghuhusga) ang kinagawiang paraan ng pagtingin, pagdama, pag-aanalisa at paghuhusga. Ang mga kinagawiang paraan ang siyang humahadlang sa pagiging malikhain ng isang tao. Subalit ang pagpipigil sa ating kinagawian ay maaaring magdulot ng pagkatigatig o pagkatakot sa halip na magkaroon ng kapangyarihang kumilos. Ngunit ang pagkatigatig na ito sa kung paano natin tingnan ang ating nakikita ay magandang simula tungo sa sariwang pagtingin sa mga kinagawiang kilos, bagay at pangyayari. At upang magkaroon tayo ng lakas na kumilos, kailangan din nating tumingin mula sa kabuuan at huwag lamang tingnan ang kabuuan.

 

Kapag nakasanayan na natin ang pagpigil pansamantala sa kinagawiang paraan ng pagtingin sa mga bagay o pangyayari, binibigyan nito tayo ng pagkakataong iredirek ang ating pagtingin mula sa mga bahagi patungo sa kabuuan at mula sa kabuuan patungo sa mga bahagi ng ibang pangyayari, nilalaman ng mga ugali at asal, desinyo ng mga ugnayan at reaksiyon sa anumang bagay na dati ay hindi natin pinapansin. Ang redireksiyon ng pagtingin kung minsan ay sapat na upang tumugon sa sakit na nararamdaman. (Kaya’t kung ang indibidwal na redireksiyon tulad ng nangyari kay Zachaeus ay nagtulak sa kanya para ipamahagi kanyang yaman, paano pa ang kolektibong redireksiyon ng pagtingin o paniniwala tulad ng dalawang pamayanan sa Aklat ng mga Gawa kung saan walang isa man na nagdarahop sa kanilang komunidad).

 

Ikalawang Proseso sa Teorya ng U: Presencing

Matapos natin matutunan ang pagsuspinde ng paghuhusga sa mga bagay na nakikita at pagredirek ng ating pagtingin sa mga bagay na hindi natin pinapansin, kailangan naman natin matutunan ang pagpapaubaya o pagtalikod (letting go) sa kasanayang kontrolin o makontrol ng ating mga nakikita o nararamdaman at maging bukas o mapagtanggap (letting come) sa anumang bago o bunga na idudulot (bagong sarili, bagong pangarap, atbp) sa ating sarili ng ating pagpapaubaya. Makakatulong sa pagpapalalim ng pagkatutong ito ang paggamit sa iba pang neural system o network mayroon ang bawat tao: ang pinakamalaking kumpol ng mga neuron ay ang utak, mayroon din piling ng mga neuron sa bituka (intestinal neural system) at may kulumpol din ng mga neuron sa puso (cardial neural system). Kaya hindi lang sapat na analisahin ang kalagayan na parang hindi ka kasama sa kalagayan inaanalisa. Madalas nating marinig ang ma katagang “hindi ko na kayang sikmurain” o “hindi ko masikmura” ang isang bagay na hindi na natin matanggap pero madalang natin gamitin sa positibong paraan. Kaya kailangan din natin damahin at sikmurain mula sa ating kalooban ang kalungkutan ng pagkakanya-kanya, ng pahihiwahiwalay ng kabuuan at ng mga bahagi. At hindi lamang tao ang dapat gumamit ng pandama at sikmura kundi maging ang mga organisasyon at korporasyong nagpapatakbo ng ekonomiya kung nais ng mga itong magtagal sa pagnenegosyo o ang daigdig na kinalalagyan nito.

 

Ikatlong Proseso sa Teorya ng U: Realizing

Ito ang yugto kung saan magsisimula ang unti-unti pag-ahon mula sa pagsasaloob o pagpapalalim ng pag-unawa (presencing) patungo sa paglilinaw, paghuhubog at pagsasakatuparan ng mga kongretong aksiyon na magsasabuhay o magbibigay anyo sa bagong kamalayan o pangitain o pagkatao na nararanasan ng indibidwal o organisasyon. Mahirap intindihin ang bahaging ito sapagkat ang kuwentong ibinahagi ng mga sumulat ay tila ‘mystical’ na mga karanasan sa halip na proposisyonal na pagpapaliwanag. Subalit ang mga kuwento ng mga nakaranas ng yugtong ito ay nakatuon sa kung paano nabigyang diin ang pagpapahalaga sa kabuuan kesa sa mga bahagi. Halimbawa ng kuwento ang isang bata at babaeng Finnish na nagsabi na walang unibersal na solusyon na tutugon sa isang unibersal na suliranin at imposibeng makita ang solusyon na aakma sa suliranin ng bawat isa. Isang Indian, pinuno ng pinakamalaking kooperatiba sa daigdig na nagnenegosyo ng gatas ng baka, ang binanggit na nagsabi na hindi sila sangkot sa pagnenegosyo ng gatas ng baka, sila ay lumalahok sa paglikha ng isang makatarungan lipunan.

 

Ilang Implikasyon sa Pagpapaunlad ng Pamayanan o Organisasyon Mula sa Aklat

Kaya sa pagpapaunlad o pag-aayos ng mga pamayanan o organisasyon, madalas ang mga pangitain ng tao o samahan ay ‘mababaw’ lamang sapagkat ito ay ipinilit sa kanila ng tagalabas o kaya ay galing lamang sa iilan na tagaloob ngunit isinubo naman sa buong organisasyon. Dahil galing sa labas o ipinilit lamang ang pangitain, hindi makita ng indibidwal o komunidad ang papel nila sa paglutas ng mga suliraning panlipunan na kinakaharap nila. Madalas isinisisi pa ito sa iba sa halip na angkinin ang responsibilidad. Kapag ang pangitain ng indibidwal o samahan ay nagmula sa loob ng sarili o ng kabuuan saka lamang nagiging makapangyarihan ang pangitain, ayon sa isa sa mga may-akda.

 

Kailangan na rin natin iwan ang dating pagtingin at makamakinang modelo ng pag-unawa ng realidad, ang pagkakanya-kanya o paghahati-hati tulad ng mga asignatura sa akademya at pamamahala sa gobyeno o anumang organisasyon bagkus ay matuto at sanayin ang sarili o samahan na ang pagpapahalaga ay sa kabuuan at sa mga ugnayan o relasyon nito sa mga bahagi sa halip na sa isa o dalawang bahagi lamang tayo nakatuon.

 

Ang pagtataya o ebalwasyon ay nararapat nakatuon din sa kalidad ng ugnayan o relasyon na nabubuo at hindi sa mga kantidad na batayan ng ebalwasyon. Bagamat kaya halimbawa tayain ang bilis at agwat ng kilos ng isang bagay batay sa batas ng mosyon, naging ugali ng mga tagapagtaya o organisasyon, ayon sa aklat, na ang bilis at agwat ng pagkilos ng bagay o tao ay naging mas mahalaga kesa sa bagay o tao na kumikilos at tinataya. Sa ibang pahiwatig, naging mas mahalaga ang bunga kesa puno o ang produkto kesa lumikha ng produkto. Dahil dito madali lang putulin ang puno na hindi na namumunga nang walang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa kagyat na kapaligiran nito o tanggalin ang manggagawang hindi produktibo nang walang pag-alala sa kalagayan ng kanyang pamilya at komunidad na kilalagyan.

 

Nagtapos ang aklat sa isang kuwento, mula sa aklat na Ishmael na sinulat ni Daniel Quinn, tungkol sa kuwento ng isang gorilya na tinuruan ang isang tao kung paano ililigtas ang daigdig sa pagkawasak nito. Sa itaas sa bandang likod ng gorilya ay nakasabit ang isang karatula “ Kapag Nawala na ang Tao, may Pag-asa pa ba ang Gorilya?” Lahat, at karaniwan, ay naniniwala na higit na mapapabuti ang mga gorilya kapag nawala ang mga tao. Kung kaya’t ang Gorilya, o ang may-akda, ay ilohikal mag-isip o kaya ay nakikita o nauunawaan ang isang bagay na hindi karaniwan. Na sa pagpapahalaga sa kabuuan, bawat bahagi ay mahalaga rin. Na kailangan ng gorilya at kapaligiran ang tao kung paanong ang tao ay kailangan din ang gorilla at kapaligiran. Kung paano ay hindi na mahalagang sagutin dahil hindi nagsasalita ang gorilya at kapaligiran. Hindi ko na rin kailangan ang sagot sapagkat ito ay kaya kong sikmurain. 

 

Categories: Books & Movies

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

0 Comments