A Friend of the People of the Cross

MY JOURNEY IN ALTERNATIVE AND TRANSFORMATIONAL FAITH, COMMUNITY, EDUCATION AND DEVELOPMENT

Blog

Microcredit at Pagpapaunlad ng mga Kababaihan: Isang Pagsusuri sa Punto-de-bista ng Kabuuan*

Posted by Arven De La Cruz on April 11, 2013 at 5:00 AM

I. Pasimula

 

Namulat ako sa usapin ng pangangailangan ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian noong ako ay nasa Kolehiyo pa dalawampung taon na ang nakaraan. Ang munting kaalaman ay nagamit ko sa una kong trabaho bilang ‘propesyonal’ kung saan pag-oorganisa at pagsasanay ng mga kababaihan ang aking ginagawa upang sila ay makautang ng maliit na puhunan na gagamitin sa pagsisimula o pagpapalago ng isang maliit na negosyo. Sa simula hanggang ikaapat na siklo ng kanilang paghiram, bawat grupo na binubuo ng mga 5 katao bilang kapananagutan o co-maker, ay maganda ang kanilang balik-bayad dahil wala pang pumapalya. Pagdating ng ikalimang siklo pataas kung saan ang halaga ng maaaring mautang ay P10,000 na bawat isa, dito na nagsisimula ang pagpalya ng mga bayad at pagliban sa mga linguhang pulong. Sa aking pagtuklas, hindi lahat ng hinihiram nila ay ginagamit sa nasimulang negosyo. Malaking bahagi ng hiniram na puhunan ay napupunta sa matrikula at gamit pang-eskuwela ng mga anak nila bukod pa sa pagkain ng pamilya ng sama-sama sa loob ng mall kapag nakuha na sa banko ang pera. Ang ipinangbabayad sa mga unang lingo ng pagbabayad ay ang natira sa hiniram na pera. Kapag wala nang pambayad, sa iba naman mangungutang—sa kapwa kapananagutan o kapitbahay o kaya ay kakapit na sa ‘5-6’—upang makabayad at muling makautang sa trabaho ko para ipambayad sa mga inutang. Hindi naalarma ang tagapamahala ng opisina kung saan ako nakatalaga dahil ang mahalaga ay nakabayad sila.


Dahil sa tingin ko ay hindi na tugma ang dakilang layunin ng MFI (Microfinance na NGO) na baguhin ang kalagayang pangkabuhayan ng mga kababaihan dahil lalo lamang silang nababaon sa utang, sinubukang kong baliin ang ilang patakaran katulad nang hindi pagpapahiram sa mga may utang sa ibang MFI o ‘5-6’ at pagsasama-sama ng kanilang kapital para sa isang negosyong tindahan na sila ang mga tauhan at namamahala. Ang huli ay pumalpak at una naman ay naghatid sa opisina ng maraming reklamo tungkol sa pagtanggi kong ipasa ang kanilang mga proposal na pangnegosyo. Dahil dito iniwan ko ang aking trabaho subalit maari ring tingnan na pinatalsik ako.


Sa halip na maghanap ng trabaho, nag-aral uli ako ng isa pang kursong na may kalakip na espesyalisasyon o minor na kurso sa Women Studies. Habang nag-aaral noong taong 2001, tumulong ako sa pag-oorganisa ng isang grupo ng mga kababaihan sa isang maralitang pamayanan sa Lungsod ng Quezon. Gamit ang mga karanasan at natutunan sa MFI na pinagtabahuhan ko, nakabuo kami ng isang kooperatiba na may inisyal na kapital na Php11,000 na galing mismo sa 29 na kababaihan na sama-samang hinulma ang mga polisiya at paraan ng pagpapatakbo ng kooperatiba mula sa kanilang mga karanasan sa ibang kooperatiba na sinalihan nila dati. Ang napagkasunduan nilang interes ay 1.5% kada buwan lamang subalit umaabot sa 32% ang RROI o rate of return of investment. Makalipas lamang ang dalawang taon, ang ilang kababaihan ay nakahiram na ang pang-down-payment sa traysikel, nakapagpatayo ng ikatlong palapag sa kanilang bahay na ginawang paupahan, at ang isang babae na dati ay sa tawiran ng tao lamang nakapuwesto ay umuupa na ng anim na puwesto sa palengke ng Q-mart, Quezon City.


Sa kasalukuyan, isang bagong kooperatiba sa Bagong Silang, Siyudad ng Kalookan ang aming nasimulan na katulad ng unang kuwento. Ito ang mga karanasan na nagtulak sa akin upang galugarin ang ugnayan ng microcredit sa pagpapaunlad ng mga kababaihan.


Tatalakayin sa papel na ito ang punto de bista na isinusulong ko sa pag-oorganisa ng mga kababaihan upang mapaunlad ang kabuhayan ng aming samahan na binubuo ng maraming kababaihan, pagbabalik tanaw sa papel ng mga kababaihan sa pangkabuhayan ng mga sinaunang lipunan bago ang yugto ng globalisadong panahon. Magkakaroon din ng maiksing pagtatalakay sa papel pangkabuhayan ng mga kababaihan sa mga Katimugang mga bansa sa panahon ng globalisasyon. Tatalakayin din ang pinakahuling mga pananaliksik o literatura tungkol sa microcredit at pagpapaunlad ng mga kababaihan. Panghuli, magbibigay ako ng ilang mungkahi sa posibleng tunguhin ng microcredit bilang istratehiya sa pagpapaunlad ng mga kababaihan.


 

II. Punto de bista ng Kabuuan


 

Ang punto de bista (Standpoint) ay nagpapahiwatig na ang isang ideya o pananaw sa isang bagay ay naiimpluwensiyahan ng angulo o posisyon ng kinalalagyan ng tumitingin (Pilcher and Whelehan 2004: 163)) o pagtukoy ng isang matuwid at siyentipikong paraan para sa interpretasyon at pagpapaliwanag ng kairalan ng buhay at lipunan (Harding 1986: 26). Kung kaya’t ang kinatatayuan pananaw ng isang feminista, para kay Nancy Hartsock, ay naglalaman ng mga sumusunod: una, pagkilala na ang material na buhay ay may istruktura ng pag-unawa at kaalaman. Ikalawa, may iba’t ibang grupo sa istruktura ng buhay at lipunan, tiyak na iba’t iba din ang kanilang pananaw. Ikatlo, may taglay na kapangyarihan ang namamayaning grupo kaya ang kanilang mga pananaw ay namamayani rin. Ikaapat, dahil dito, ang adhikain ng mga api ay dapat ipaglaban at ibunyag upang sila ay makalaya (Hartsock 1998: 107).


Bagamat may katumpakan naman ang mga nabanggit sa itaas, ang standpoint na kanilang pinanghahawakan ay nagpapahiwatig din na ang tumitingin ay kailangan lamang tumayo sa isang angulo at hindi na lilipat pa ng ibang posisyon, at ang mga kababaihan ay tila isang homogenous na grupo lamang. Kaya’t sang-ayon ako sa puna ng mga feministang postmodernista (Smart 1995 sa Pilcher & Whelehan 2004) na ang feministang pananaw ay isang uri rin ng unibersalistang pagtingin na walang pinag-iba sa unibersalistang pagtingin ng namamayaning grupo na binabanggit ni Hartsock. Ang punto de bistang feminista din, bagamat plural na sa kasalukuyan ay hiwa-hiwalay at kanya-kanya pa rin ito sa pagbabasa ng realidad ng kinakaharap ng mga kababaihan (Hekman 1997), ay maituturing pa rin na nakalinya sa Newtonian na siyensiya kung saan ang kabuuan ng realidad ay inuunawa sa pamamagitan ng paghahati dito sa maraming bahagi na nagbunga ng pagpapahalaga sa bahaging inuunawa kesa sa kabuuan (Senge, Scharmer, Jaworski and Flowers 2004). At dahil sa nakasanayan na ang ganitong paraan ng pagtingin, ang bahagi o isang grupo na pinahahalagahan ay nagiging mas mahalaga na sa kabuuan. Sa isang maikling salita, naging mas matingkad na usapin ang kalagayan at karanasan ng mg kababaihan sa mga punto de bista ng mga feminist. Dahil dito, sa halip na sila ay nabubuklod tulad ng isang tali na binubuo ng maraming mga hibla, hinimay-himay ng mga feminista ang tali hanggang sa pinakamanipis na hibla at hinati-hati ang mga kababaihan sa maliit na grupo o kaya ay itinuturing ng mga feminista ang kanilang sarili na isa sa mga hibla at bumuo ng mga manipis na lubid kasama ng mga katulad nila ang karanasan at kalagayan—na tila baga ang mga karanasan at kalagayang ito ay hiwalay sa karanasan at kalagayang hinaharap ng mga kalalakihan o iba pang grupo sa lipunan—upang isulong ang kanya-kanyang diskarte at adbokasiya na mas lalong nagpahina sa lakas ng mga kababaihan na harapin ang tali ng patriyarkiya na sa isang banda ay walang kumakalas sa mga hibla nito maliban sa ilang himulmol ng mga kalalakihang nagsusulong din ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.


Dahil dito ang isang feministang pangitain ng paglaya ng mga kababaihan ay maaaring magpalaya lamang sa iilan na nagtataguyod ng pangitaing iyon. Kung paanong ang pangitain ng paglaya ng mga tao at ng merkado sa makalumang paniniwala ng simbahan, sistemang pulitikal ng mga Aristokrat at yamang nakabatay sa lawak ng pag-aaring lupa ng mga Panginoong maylupa ang maghahatid ng ganap na pag-unlad para sa lahat noong ika-18 siglo subalit nagdulot lamang ng paglaya o pag-unlad sa iilan (tulad nila Thomas Hobbes at John Locke at ilang pilosoper na pabor sa Kapitalismo) o tinatawag na mga “bagong burgis” kung saan sa pagdaloy ng malayang kapital o kapitalismo nakasalalay ang kanilang paniniwala, yaman at kapangyarihan, mga kaisipang namamayani saan mang bansa hanggang sa kasalukuyan (Peet and Hartwick 2009: 28 ).


Sa yugtong ito, mainam nang banggitin ang dalawang pananaw na sasandigan ng punto de bista ng aking pagtingin. Ito ang mga teoryang complexity at post-feminismo. Ang punto de bista ng teoryang complexity ay nakasandig mismo sa natural na siyensiya na kumikilala na hindi lahat ng pangyayari o phenomena ay nangyayari sa maayos (orderly) na paraan o proseso, na kapag nauunawaan ang pinakamaliit na bahagi tulad ng atom ay madaling maiintindihan ang kabuuan sapagkat ang kabuuan ay binubuo ng mga bahagi (reductionism) kung kaya’t maaari na mahulaan o matiyak kung ano ang susunod na mangyayari o darating (predictability) at ang simula ang magsasabi ng katapusan (determinism). Sa halip, sa patunay ng Quantum na siyensiya, mas maraming bagay o penomena ang nangyayari tulad ng quantum mechanics, fluid dynamics, pagbubuo ng klima o panahon, interaksiyon ng mga hayop at halaman at iba pa ay nagaganap nang walang lubos na kaayusan (partial disorder) subalit hindi nakakawasak, na higit na mainam tingnan muna ang kabuuan bago ang mga bahagi (reductionism and holism), hindi lubos na nahuhulaan o nakokontrol (unpredictable)ang ibubunga subalit minsan ay higit na nakakabuti, na maaari lamang mahinuha ang epekto (probabilistic) kahit na ito ay nakapalood sa isang border o perimeter, at umaangkop sa bagong kondisyon ng kalagayan o kapaligiran (adaptive o emergent) na hindi naisaalang-alang o hindi pa lumitaw nang isagawa ang isang natural na siyentipikong pagsusuri. Ang mga katangiang ito ng teoryang complexity ay makikita sa mga biotic o abiotic na mga organismo at sistema (Geyer 2003: 3-9). Ang complexity, para naman sa mga siyentipiko ng agham panlipunan, ang bagong paraan ng pag-unawa sa isang pangyayari, kahit na sa antas ng subatomic, sa pamamagitan ng obserbasyon ng mga relasyon o ugnayan na namamagitan sa bawat o ibang subatomic particle o tao (Korten 1999; Senge et al. 2004 na nabanggit sa Broucke 2012: 8 ) sapagkat ugnayan o relasyon lamang ang bumubuo ng realidad, na walang anuman o sinuman ang independent sa mga ugnayang ito (Wheatley 1992 sa Broucke 2012).


Ang postfeminista naman ay naniniwala na mas mahalaga ang pagiging tao kesa pagiging babae o lalaki, na ang pagiging tao ang nararapat na batayan ng anumang pangmoral, pangsosyal, pang-ekonomiko at pangpulitikal na pamantayan at hindi nakasalalay sa alinmang kasarian (Cott 1987 na nabanggit sa Wikipedia 2012) at ang paghahati o paghihimay—katulad ng kinamulatan ng Luma o Newtonian na siyensiya—sa mga isyu ayon sa kasarian (sex) o katauhan (gender) ay maaaring ituring na “sexist” (Politt 1995; Strossen 1995 sa Wikipedia) na inilalarawan ang mga kababaihan bilang ‘biktima’ ng ‘marahas’ na hetero-patriyarkiyang lipunan (Sommers 1994: 22, 28 ) at laging naghahanap ng kamalian at kahinaan ng ibang punto debista (Smart 1995 sa Picher & Whelehan 2004). Sa punto de bista ng postfeminismo, ang karanasan at kalagayan ng mga kababaihan ay higit na mauunawaan kung titingnan sa mga ugnayang nakapaloob ng “pagiging tao” sa kabuuan ng isang partikular na lipunan.


Upang hindi labis na maging teknikal sa paggamit ng complexity at postfeminismo, ang punto de bista ng kabuuan, isang anyo ng teoryang complexity, na nangangahulugan na ang mga bahagi ay nasa kabuuan at ang kabuuan ay nasa mga bahagi at higit pa sa pinagsama-samang mga bahagi (Senge et al. 2004) ang aking gagamiting salamin sa pagsusuri sa ugnayan ng microcredit at pagpapaunlad sa mga kababaihan. Bilang paunang paglalarawan ng punto de bista ng kabuuan, ang kaapihan o pagsasantabi na nararanasan ng mga kababaihan ay nararanasan din ng mga kalalakihan at ng karamihan ng mga tao saan mang lipunan. Halimbawa, ang double burden (produksiyon at reproduksiyon) ay hindi isyu sa mga sinauna o pre-Newtonian na lipunan sapagkat kasama din ang mga kababaihan sa pangangaso o pagtatanim at ang buong pamayanan o komunidad ang nag-aalaga at nagpapalaki sa mga bata (Black n.d). Kung kaya’t ang pagpapahalaga sa mga bahagi o pagpipilit ng isang feministang punto de bista sa pagtugon sa sakit na nararanasan ng mga kababaihan ay lalo lamang magpapa-igting sa paghahati-hati at pagkakanya-kanya na sumisira sa mga ugnayan o relasyong namamayani sa isang organisado o hindi organisadong grupo o pamayanan. Ang mga kaisipang ito ang isasaalang-alang sa aking pagtatalakay ng microcredit at pagpapaunlad ng mga kababaihan bilang usaping parehong bahagi ng/at mismong kabuuan. Subalit bago ito, tunghayan muna natin ang naging papel ng mga kababaihan sa pangkabuhayan ng ilang sinaunang lipunan sa yugto ng kasaysayan bago ang globalisadong daigdig.


 

III. Mga Kababaihan at Gawaing Pangkabuhayan sa Hindi pa Globalisadong Lipunan


 

Bago ang sumapit ang modernong panahon o panahon ng makina, bahagi na ng mga sinaunang lipunan ang sama-samang paghahanap ng ikabubuhay nang walang diskriminasyon sa kasarian, pagganap sa mga gawaing ayon sa kakayahan, tulad ng paglahok sa digmaan, nang walang minamaliit o itinatanghal na kakayahan dahil lamang sa uri ng kasarian. Sa Africa noong mga 1,000 A.D., halimbawa, ang mga kababaihan ang pangunahing responsible sa pag-aalaga ng mga bata at gawaing bahay. Ang mga babae at lalaki ay parehong lumalahok sa pagtatanim at pag-aani. Mga lalaki naman ang pangunahing responsible sa paghahawan at pagbubungkal ng mga bukirin. Kahit sa panahong namayani ang Islam sa Disyerto ng sub-Saharan, patuloy na gumagawa ang mga kababaihan sa mga bukirin at malayang nakikipag-unayan sa mga kalalakihan (Bently and Ziegler 2000 na nabanggit ni Black n.d).


Sa China, mayroong kasabihan na ‘lalaki ang nag-aararo, babae ang nananahi’ upang ilarawan ang balanseng gampanin sa pangkabuhayan ng babae at lalaki sa kanilang lipunan subalit ito ay sinira ng “footbinding” na kautusan ng mga dinastiyang Song at Qing sa pagitan ng panahong 960 AD-1279 upang panatilihin sa loob ng bahay ang mga kababaihan katulad ng mga kababaihan sa uring maharlika. Sa pagkawala ng papel o halaga na ginagampanan ng mga kababaihan sa pangkabuhayang gawain para pagtuunan ang mga domestikong gawain ay sumunod na rin ang pagbaba ng kanilang uri at pagsantabi sa kanilang mga kakayahan bilang mga babae maliban sa mga gampaning domestiko (Bray 1997 sa Black n.d).


Sa panahon ng mga Mongol sa Gitnang Asya noong 1206-1294 A.D., ang mga babaeng Mongol ay nangangaso kasama ng kanilang mga asawang lalaki at minsan ay nangunguna pa sa pulutong ng mga nangangaso. Isang pamangkin ni Kublai Khan ang sumasama sa mga giyera ng imperyo nito at nagpakasal lamang sa lalaking nakatalo sa kanya sa isang paligsahan ng pakikipagpambuno matapos daigin ang maraming kalalakihan (Stearns 2000 sa Black n.d).


Sa mga taal ng mga kontinenting Amerika, inilarawan ng isang Hesuitang misyonero noong 1632 na ang mga lalaki ang nangangaso at pumapatay ng mga malalaking hayop para sa pagkain at balahibo, at gumagawa ng mga bangka. Ang mga kababaihan naman ang namamahala ng pulutong o camp site, nangangaso ng maliliit na hayop at nagingisda para sa pang-araw-araw na pagkain, nagbabalat at nagkakatay ng mga malalaking hayop na nahuli ng mga kalalakihan upang maging damit ang balat at mapreserba ang laman. Ang mga kababaihan din ang namamahala sa distribusyon ng damit at pagkain o karne ayon sa pangangailangan ng pulutong o pamayanan (Hughes and Shaver 1995 sa Black n.d).


Kahit sa isang patriyarkiyang medieval (11th-14th na mga Siglo) na Europa, dominado ng mga kababaihan ang ilang trabaho tulad ng paggawa ng mga palamuti at pananahi ng mga damit, sombrero, wig at mga damit na gawa sa balahibo ng hayop. Subalit bukas din ang oportunidad para sa mga kababaihan na makapagtrabaho kasama o katulad ng sa mga kalalakihan bilang mangangatay ng hayop, magtitinapay, gumagawa ng kandila, alahas, sapatos, tagapamahala ng bahay panuluyan, negosyante, manggagamot at marami pang iba. Meron ding mga guild o samahang pangnegosyo na tumatanggap at may ilang eksklusibo lamang para sa mga kababaihan (Bently and Ziegler 2000 sa Black n.d).


Sa Timog-Silangang Asya, kasama ang Pilipinas, ang mga kababaihan ay kalahok sa pagsasaka na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao sa rehiyong ito (Bray 1997).


Ang mga historical na datos mula sa mga piling lipunan ng sinaunang panahon ay nagpapakita na walang masyadong pagtatangi sa uri o kasarian ang mga sinaunang lipunan sa usapin ng pangkabuhayan. Ginagawa ng mga kababaihan ang kanilang gampanin hindi para sa kanilang sarili kundi para sa pulutong o komunidad. Dahil dito, malusog ang relasyon at ugnayang namamayani sa alinmang salik ng pamayanan: sosyal, pangkabuhayan, pamamahala, pakikidigma at domestik.


 

 

IV. Mga Kababaihan at Gawaing Pangakabuhayan sa Globalisadong Lipunan


Hindi ko na bibigyan ng mahabang pagtatalakay ang bahaging ito subalit sapat na marahil na sabihing ang kontribusyon ng mga kababaihan sa kasalukuyan sa buong daigdig, ayon sa USAID, ay binabalewala at hindi pinahahalagahan kahit na dalawang-katlo (2/3) ng mga trabaho sa buong daigdig ay ginagawa ng mga kababaihan subalit tumatanggap lamang ng 10% ng pandaigdigang kita at nagmamay-ari lamang ng 10% ng ari-arian sa buong mundo (Raheim, Noponen & Alter 2005).


Sa mga lipunan na mababa ang pagkonsumo o mga bansa sa Timog ng globalisadong panahon, isa sa mga pinakaprominenting papel pangkabuhayan ng mga kababaihan ay ang paglahok sa industriya ng microcredit. Sa ilalim ng Microcredit Summit Campaign noong 2011, tinatayang nasa mahigit 153 milyong o walumpu’t dalawang (82%) ng kabuuang tumatangkilik sa industriyang ito (Maes & Reed 2012) at pitumpung (70%) porsiyento naman ang mga kababaihan sa mga kliyente ng mga proyektong pagpapautang ng USAID noong taong 2000 (Cheston & Kuhn 2002) . Sa Pilipinas, walumpu’t anim (86%) na porsiyento ng mga MFI (microfinance institutions) na NGO ay kababaihan ang mga kliyente (Dingcong & Joyas 1998 ).


Subalit sa kabila ng lahat ng mahigit 3 dekada ng pagpapautang sa mga kababaihan upang makalahok at makatulong sa gawaing pangkabuhayan ng kanilang pamilya at pamayanan, nanatiling naghihirap ang mga kababaihan at ang lipunan na kanilang kinalalagyan. Angkop ba talaga ang microcredit sa pagpapaunlad ng mga kababaihan at lipunan o ito ay isang bagong anyo ng pagsasamantala sa mga kababaihan? Tingnan natin ang mga kasalukuyang report at pagsusuri sa isyu ng microcredit. Ang pagtatalakay ay sa pangkalahatan.


V. Kasalukuyang mga Report at Pagsusuri sa Isyu ng Microcredit Bilang Tugon sa Pagpapaunlad ng mga Kababaihan.


Pasimula ng Microcredit

Natuklasan ni Muhammad Yunus, isang guro ng ekonomiks sa isang unibersidad sa Bangladesh, ang kahalagahan ng microcredit noong kaagahan ng dekada 70 nang bayaran ng mga kababaihan sa isang rural na pamayanan na dinalaw niya at ng kanyang mga estudyante ang maliit na puhunan na pinahiram nila sa kanila. Ang karanasang ito ay nagbigay sa kanya ng ideya na maaaring gamitin ang microcredit sa pagsugpo ng kahirapan at pagpapaunlad ng mga kababaihan. Naging matunog ito sa internasyunal arena nang maitayo noong 1983 ang Grameen Bank (GB) na kasamang nagmamay-ari ang mga kababaihang umuutang dito na bumubuo ng 97% ng mga kliyente nito (Shukran & Rahman 2011). Ito ang tinularan ng maraming bansa sa Katimugan kasama na ang Pilipinas.


 

Potensiyal ng Microcredit sa Pagpapaunlad ng mga Kababaihan

Naniniwala ang mga nagtataguyod ng microcredit na malaki ang potensiyal nito na paunlarin hindi lamang ang pangkabuhayan kundi pati ang pangsosyal at pampulitikal na kalagayan ng mga kababaihan. Ganito ang kanilang ‘virtuous spiral’, isang termino na ginagamit kung paano palalaguin ang isang negosyo, na pormulasyon: ang pagkakaroon ng maliit na puhunan ng mga kababaihan ay makakatulong upang makapagsimula sila ng isang maliit na negosyo; sa pagkakaroon ng negosyo o hanapbuhay ng mga kababaihan, ito ay magbibigay sa kanila ng dagdag na kita, kakayahang mag-impok, magkaroon ng sariling pag-aari at kontrol sa mga ito; dahil dito, lalaki ang kanyang papel at kontribusyon sa pagdedesisyon sa loob ng tahanan na lalong magpapabuti sa kalagayan ng mga babae at ng kanilang pamilya; kapag nangyari ito, aangat ang kalagayan ng at pagtingin sa mga kababaihan sa loob ng tahanan at pamayanan na kanilang kinaroroonan; sa pag-angat ng kalagayan at pagbabago ng tingin sa mga kababaihan ng mga pamayanan nila, ito ay hahantong sa pagbubuuo ng mga kilusan o samahan na magpapabago sa kalagayan at tradisyunal na papel ng mga kababaihan sa lipunan (Mayoux 2002; Cheston & Kuhn 2002). Ang paggamit ng virtuous spiral upang ilarawan kung paano ang microcredit ay makakaambag sa pagpapaunlad ng mga kababaihan ay nagbigay ng malaking pag-asa sa lahat. Sa mga inisyal na pananaliksik tungkol sa microcredit at pagpapaunlad ng mga kababaihan, lumitaw na ang mga maralitang kababaihan ay tapat sa pagbabayad na umaabot sa 98%-100% ang balik-bayad o repayment rate kahit na umaabot sa 36%-48% o higit pa ang karaniwang interes na ipanapatong sa hiniram na puhunan. Dahil dito, halos lahat ng mga bansa na kasama sa Nagkakaisang mga Bansa (UN), mga pandaigdigang ahensiya na nagbibigay ng pondo at pati na ang mga komersiyal na banko at mga pinakamayayamang bilyonaryo sa mundo ay pinasok na ang industriya ng microcredit. Ang katanyagan ng microcredit bilang pagsugpo sa kahirapan, kung saan 70% nito ay mga kababaihan, ang nagtulak sa UN na gawin ang taong 2005 bilang Internasyunal na Taon ng Microcredit at sa Komite ng Nobel igawad ang Nobel Peace Prize noong 2006 kay Muhammad Yunus, ang nagtatag ng Grameen Bank, bilang pagkilala sa kahalagahan ng microcredit sa pagsugpo sa kahirapan at pagpapaunlad ng mga kababaihan (Shukran & Rahman 2011; Cheston & Kuhn 2002; Karnani 2007). Sa Pilipinas lamang, umaabot na sa halos 15,000 ang mga MFI (microfinancial institutions) na nagbibigay ng maliit na puhunan sa mahigit limang (5) milyong kliyente na karamihan ay mga kababaihan (Microfinance Council of the Philippines 2012; Dingcong & Joyas 1998 ).


Subalit ang paghanga at pag-asa sa potensiyal ng microcredit sa pagpapaunlad ng mga kababaihan o pagsugpo sa kahirapan ay pinagduduhan na ng marami sa kasalukuyan.


Limitasyon ng Microcredit sa Pagpapaunlad ng Kalagayan at Kapangyarihan ng mga Kababaihan

Ayon kay Mayoux (1997), nililimitahan o nalilimitahan ng microcredit ang mga kababaihan sa kanilang potensiyal na palaguin ang kanilang maliit na negosyo dahil sa maliit at kakaunting pagpipilian ng mga halagang maaaring hiramin. Marami rin sa mga kababaihan ang walang kontrol sa kanilang perang hiniram at kinita sapagkat ito ay napupunta sa pangangailangan ng kanilang pamilya. May mga pagkakataon na lumiliit ang kontribusyon ng mga asawang lalaki dahil kumikita na ang kanilang mga asawang babae. Dagdag pa, bukod sa reproduktib at domestik na mga gawain, lalo lamang dumami ang trabaho o pasanin ng mga kababaihan sa kanilang paglahok sa mga proyektong microcredit. Mas prayoridad din ng mga kababaihang kalahok sa microcredit ang gastusin sa pag-aaral o paghahanap ng trabaho ng mga lalaking anak o kapatid habang ang mga anak, kapatid o manugang na babae ay kinakatulong sa maliit na negosyo na maliit o walang bayad. Ang mga babaeng lumalahok sa mga gawaing pagbabago o ipinaglalaban ang kanilang karapatan ay humahantong sa tensiyon o hidwaan na nauuwi sa pananakit sa mga kababaihan. Kahit na higit na nakararami ang kanilang bilang sa isang programang microcredit, walang tinig ang mga kababaihan sa pagdedesisyon ng mga polisiya at pagpaplano.


 

May Pag-unlad Subalit Hindi Pangkabuhayan sa Pangkalahatan

Bagamat nakaranas ng pagkakataon na kumita at patunayan ang kanilang katapatan sa pagtupad sa mga tungkulin nila sa pagbabayad ng puhunang inutang, ang pag-unlad ng mga kababaihan sa pamamagitan ng mga programang microcredit ay masasabi sa pangkalahatan na hindi sa aspetong pangkabuhayan kundi sa aspetong sikososyal at sikolohikal tulad ng pagtaas ng tiwala at pagtingin sa sarili (Karnina 2007; Mayoux 2001), paglaki ng pakikibahagi sa pagdedesisyon sa gastusin ng pamilya, pagtaas ng kamalayan sa mga karapatang pantao, pakikipagnegosasyon gamit ang kanilang kolektibong kapangyarihan bilang grupo (Rankin 2001).


 

VI. Pag-aanalisa sa Microcredit at Pagpapaunlad ng Pangkabuhayan ng mga Kababaihan Mula sa Punto de Bista ng Kabuuan


 

‘Maliit’ ang Layunin ng Microcredit

Nabanggit ko sa unahan na isang anyo ng Luma o Newtonian na siyensiya ay ang paghahati ng kabuuan sa maliliit na bahagi upang ito ay maunawaan subalit sa proseso ng pag-unawa ay humantong lamang sa pagkasira o pagkaputol ng mga relasyon ng mga bahagi sa isa’t isa lalo na sa kabuuan. Gayundin naman, dahil tinitingnan ng mga nagtataguyod ng microcredit ang mga kababaihan bilang isang malayang indibidwal o bahagi na maaaring lumahok lamang sa pangkabuhayang gawain at ang iba pang mahahalagang gawaing nakaugnay sa mga kababaihan ay sekondarya na lamang, ang mga polisiya ng mga MFI ay binabalewala ang ibang ugnayan na meron ang mga kababaihan bilang bahagi ng kanyang pamilya, kultura at lipunan, mga karanasan, mga pangarap, ng kanyang kapaligiran na laging dinadalaw ng mga mapinsalang kalamidad, at mga kakayahan na hindi nagagamit sa mga pangkabuhayan gawain.


At bagamat laging sinasabi na pagsugpo sa kahirapan ang layunin ng microcredit, ang batayan ng pagsugpo sa kahirapan ay ang pagkakaroon ng mga kababaihan ng kitang hindi bababa sa $1.25 kada araw. Dahil ito ang pangkalahatang pamantayan, hindi nakakapagtaka na maliit lamang ang puhunang ipagkakaloob sa mga kliyente ng MFI at hindi makasabay sa kompetisyon sa malayang merkado.


 

Mas Mahalaga ang Sustainability ng MFI Kesa Sustainability ng mga Negosyo ng mga Kliyente Nito

Habang ipinangangalandakan ng mga MFI ang mataas na repayment rate ng mga kababaihang kliyente nito at dumadami ang mga serbisyong pinansiyal na iniaalok nito sa kanila, isang indikasyon na magandang pagkakitaan ang microcredit na nakatuon sa mga kababaihan, 80% ng mga kliyente nito ay ginagamit lamang ang maliit na puhunan na pantawid sa buhay habang 18% ng mga kliyente ay tinatangkilik ang microcredit para mapaikot ang kanilang maliit na negosyo subalit 2% lamang ang masasabing talagang tagumpay na natulungan ng industriyang ito . Dagdag na patunay dito ang paglahok ng mga komersiyal na banko at mga bilyonaryo sa mundo habang nakakabahala ang mga ulat mula sa India na may mga kliyente ng MFI ang mga nagpapatiwakal dahil sa hindi mabayarang utang (Maes & Reed 2012).


 

Mas Buo ang Kamalayan

Madalas tinutuligsa sa mga kasalukuyang literatura ang pagbibigay prayoridad ng mga kababaihan sa pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na para sa mga lalaking kapamilya, kesa sa pansariling kagalingan at pangangailangan. Dahil dito hindi raw mapalago ng mga kababaihan ang kanilang kabuhayan sapagkat nagagamit ang mga kinikita nila sa ibang bagay sa halip na idagdag na puhunan sa kanyang negosyo. Hadlang daw ito sa empowerment o pag-unlad ng mga kababaihan sapagkat inuuna nito ang pangangailangan ng iba kesa pansariling kagalingan (Rankin 2001). Kung ang mga babaeng ito na inuuna ang iba kesa sa kanilang sarili ay hindi nakaugnay ang kanyang kamalayan sa kabuuan, maaaring may katuturan ang paratang na hadlang sa sariling pag-unlad ang pag-una sa pangangailangan ng anak o kapamilya. Subalit, dahil ang mga kababaihang ito ay hindi pa lubos na naiimpluwensiyahan ng Lumang siyensiya, mas malaki ang pagkakataon ng pag-unlad ng kanilang pamilya at mas mababa ang risk o panganib na mas lalong maghirap ang mga babae kung sakaling mabigo sa kanilang kabuhayan. Ang mga pagtuligsa sa kamalayang ito ng mga kababaihan ay maaaring bunga pa ng mga feministang aral sa Newtonian na siyensiya katulad ni Betty Freidan sa kanyang aklat na The Feminine Mystique kung saan sinabi niyang ang mga kababaihan ay napipilitan na hanapin ang kanilang kahalagahan sa buhay sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod sa kanilang mga asawa at mga anak na ikinawala ng kanilang sariling identidad o pagkatao alang-alang sa kanilang mga pamilya (Freidan 1963 sa Peet & Hartwick 2009). Dahil dito, ang namamayaning layunin sa pag-oorganisa ng kababaihan ay paglaya ng mga kababaihan (women liberation) sa halip na paglaya ng mga tao sa mga sistemang sumasansala sa pagkatao ng sangkatauhan.


Kung ang mga namamayaning kamalayan ng mga feminista sa pag-oorganisa ng mga kababaihan at pagtataguyod ng microcredit ay nakaugnay sa Lumang siyensiya ay nagdudulot lamang ng pagkakahati-hati o pagkakanya-kanya, paano makakatulong ang punto de bista ng kabuuan para mabigyan ng alternatibong anyo ang microcredit at pagpapaunlad ng mga kababaihan?


 

VII. Mga Mungkahing Patutunguhan ng Microcredit at Pagpapaunlad sa mga Kababaihan


 

Mula sa punto de bista ng kabuuan, ang microcredit ay isa lamang sa mga istratehiya na magpapaangat hindi lamang sa kabuhayan ng mga kababaihan kundi ng pamayanang kinaroroonan nila. Subalit upang maging epektibo ito sa pagpapaunlad sa mga kababaihan at pagsugpo sa kahirapan, sa pangkalahatan, maaari natin isaalang-alang ang mga mungkahi hango sa sampung pamantayan para sa maayos na malayang merkado ni David Korten (1999) mula sa kanyang sanaysay na “Mindful Market”. Bagamat hindi direktang tumukoy sa microcredit ang kanyang mungkahi, ito ay may kinalaman sa maayos na takbo ng sistemang pangkabuhayan ng daigdig. Nilagom ko sa limang punto ang mga punto ni Korten.


1. Gamitin ang Buhay Hindi ang Pera Bilang Sukatan ng Pag-unlad

Kalidad ng buhay ang nararapat gawing sukatan ng pag-unlad pangkabuhayan ng mga kababaihan. Dahil sa mataas pa ang kamalayan ng mga kababaihan sa ugnayan ng kabuuan at mga bahagi, hindi nangangahulugan na salat na ang buhay kung wala o mas mababa pa sa isang $1 ang kanyang kinikita. Dahil sa Newtonian na siyensiya, ang kabuhayan o kaunlaran ay sinusukat sa dami ng hawak na salapi ng isang lipunan at mga kasapi nito. Sa halip, mas nararapat pagtuunan ang pagbubuo ng mga malulusog na ugnayan o relasyon sa bawat indibidwal at sistema sa isang pamayanan.


 

2. Sama-sama Hindi Kanya-kanyang Gawaing Pangkabuhayan

Dahil sa pagkakanya-kanya at walang sama-samang pagpaplano, maraming enerhiya at perang puhunan ang nasasayang dahil sa pare-parehong negosyo na itinatayo sa isang maliit na pamayanan. Sa halip na kanya-kanya tayo ng tatlong tindahan ang tatlong kababaihang suki ng microcredit sa loob ng isang maiksing kalye, maaaring pagsamahin ang mga puhunan upang makabuo ng isang malaking tindahan na sila ang nagmamay-ari, makatipid sa enerhiya na gagamitin sa pamamalengke at pagbabantay sa tindahan upang magugol pa sa ibang mahalagang gawain o dagdag na gawaing pangkabuhayan. Halimbawa nito ang grupo sa Kalookan nabanggit ko sa aking pasimula. Sa dalawampu’t pito na mga kasapi na nagpasimula nito, karamihan ay mga kababaihan. Ang ilan sa kanila ay nagbebenta ng bigas at lahat ay bumibili sa tindahan na malapit sa kanila. Dahil sa sama-samang pagkilos at pagpaplano, nagkasundo sila na magtayo ng kooperatiba ng bigas na tatangkilikin nila at bawat isa ay mag-aambag ng hindi bababa sa P500 bilang saping puhunan. Nakalikom sila ng Php23,000 na ginamit nila upang bumili ng 13 kaban ng bigas. Dahil mas marami silang biniling sako ng bigas, mas nakamura sila P150 kada kaban ng bigas mula sa mga natipid sa pamasahe at mas mababang presyo sa maramihang pagbili. Sa halip na araw-araw silang pumupunta sa palengke para bumili ng bigas, tuwing ikalawang lingo na lang nila ito ginagawa kapag dumating ang suplay ng bigas. Dahil dito mas malaki ang natipid ng buong samahan sa oras at enerhiya na nagagamit pa nila sa mas produktibong gawain.


 

3. Interdependensiya Hindi Independensiya

Mula sa kuwento sa itaas, maaari sabihin na magagamit ang microcredit upang isulong ang interdepensiya ng mga kababaihan sa halip na independensiya. Ang pagsusulong sa huli bilang layunin ng pag-oorganisa ng mga kababaihan ay isang pag-uulit sa pagkakamali ng mga pilosoper ng yugtong Enlightenment kung saan isinulong ang kalayaan o awtonomos na indibidwal. Saksi ang kasaysayan kung paano winasak ng kilusan o pilosopiyang ito ang mga ugnayan ng mga tao sa isa’t isa, at sa kalikasan dahil sa walang humpay na pagkamal ng yaman at kapangyarihan ng iilang indibidwal na itinuturing ang kanilang sarili na independent at awtonomos. Kung tutuusin, ang pagsusulong sa una ay mas madali sapagkat buhay na buhay pa ang kamalayang interdependensiya sa mga kababaihan.


 

4. Pag-oorganisa Mula sa Loob Hindi Mula sa Labas

Ang mga MFI na nagtataguyod ng microcredit ay walang iba sa mga siyentipiko ng Newtonian na siyensiya kung saan ang siyentipiko ay isang obhetong tagamasid na para bagang hindi siya kaugnay sa bagay na pinag-aaralan. Ang kanilang tagumpay ay ibinabatay sa mga istatistikal na pag-aanalisa tulad ng dami ng kliyenteng umuutang at mataas na repayment rate. Wala silang pakialam kung paano binabayaran ng mga kliyente ang maliit na puhunan na hiniram sa kanila. Sa mga Bagong siyensiya (Complexity science at Living System theory), bawat atom, tao, komunidad, ekosistem ay isang self-organizing na organismo. Sa pagtingin na ito, may kakayahan ang mga organismong ito na gamutin o ayusin ang nasirang bahagi kapag binigyan lamang sila ng sapat na panahon. Halimbawa nito ang nuno sa punso na tirahan ng mga anay kung saan kinukuha ng mga platero ang malaking bahagi ng pinong lupa nito upang gawing porselana. Pagkalipas lamang ng ilang araw balik na uli sa dati ang nasirang bahagi ng nuno sa punso na mas matingkad pa ang kulay kesa dati. Ang pagkabigo ng microcredit na institution na paunlarin ang kabuhayan ng mga kababaihan at komunidad na naabot nito ay hindi sa liit ng halaga na nauutang sa kanila kundi dahil kaakibat ng maliit na puhunan ang paniniwala sa independent at awtonomos na mga indibidwal, at ang MFI ang organisador dahil walang kakayahan ang mga kababaihang kliyente nito na organisahin ang kanilang hanay. Ito ay walang katotohanan sa sapagkat sa dalawang pagkakataon, napatunayan ko mismo na kaya ng mga kababaihan organisahin ang kanilang hanay ng walang tulong pinansiyal mula sa labas at magpakita na mataas na antas ng pagmamalasakitan sa bawat isa.


5. Pagbubuo ng Network ng Maraming Magkakaibang Ugnayan Hindi sa Isang Isyu Lamang

Sapagkat ang kabuuan ay binubuo ng network ng marami at magkakaibang bahagi, ang pag-oorganisa ng mga kababaihan na hiwalay sa ibang kasarian ay nililimitahan ang potensiyal ng kabuuan at ibang bahagi na makaambag sa isang bahagi na hiwalay ang pag-oorganisa. Bagamat may katotohanan ang paratang na nadodominahan ng mga kalalakihan ang mga kababaihan kung sila ay kasama sa pag-oorganisa, ang hiwalay na pag-oorganisa na hango sa lumang pamamaraan ay hindi na nakakatugon. Sa kairalan ng sistema ng katawan ng tao, ang malusog na mga selula o bahagi ay hinahayaang dumaloy ng malaya ang mga protina, oxygen at iba pang kailangang mineral upang mabuhay ang bawat selula o bahagi ng katawan. Ang selula o bahagi ng katawan na tumatanggi o humihiwalay sa malayang daloy ng mga protina ay maaaring ituring na sira o kanseros na selula. At sa kairalan ng sistema ng katawan, mas pinaiigting ng mga malusog na selula ang kanilang pakikipag-ugnayan sa sira o kanseros na selula upang ito ay gumaling. Ang paghinto ng malulusog na selula o bahagi na kumunekta sa sira o kanseros na selula ay nangangahulugan ng patuloy na pagkalat ng pagkasira o kanser sa ibang bahagi ng katawan o kabuuan.

 

 

 *Ipinasa Bilang Pagtupad sa isa sa mga Pangangailangang Hinihingi sa Asignaturang WD 221: Feminist Perspectives and Strategies to Organizing para sa Kursong Masterado sa Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Universidad ng Pilipinas noong October 15, 2012.

 


 

Talasanggunian / References:

 

Bentley, Jerry H. and Herbert F. Ziegler. 2000. Traditions and Encounters. Boston: McGraw Hill, 2000) pp. 442-443.

Black, Linda. n.d. The Economic Role of Women in World History 1000-1914. https/docs.google.com/viewer? a=v&q=cache:fC5qC53vmIMJ:teacherweb.com/TX/tagmagnet/GiddensAPWorldHistory/Lindasgenderunit.doc+&hl=fil&gl=ph&pid=bl&srcid=ADGEEShdB2BYos7GownVqPsJayQ6wh1b_TnmcOdu4B0URehRgOiTKtijVEgoafeOLu- kNosa1kI2gTilgudky72BU6Vphg508k95HwKQ07itiAYnuVUFe3Mm3ktLqUoT9J3vaXoB6Di9&sig=AHIEtbTS- HAp_ZGbIqlsiWcgQ9IbxqAGGA. Date Accessed: August 23, 2012.

 

Bray, Francesca. Technology and Gender, Fabrics of Power in Late Imperial China. (Berkeley: University of California Press, 1997.) pp. 5, 206, 237.

 

Broucke, N. V. 2012. RELATIONSHIPS: THE BEATING HEART OF DEVELOPMENT. A Term Paper Submitted to College of Social Work and Community Development, University of the Philippines. Photocopy.

 

Cheston, S. & Kuhn, L. 2002. Empowering Women Through Microfinance. N.A:

UNIFEM . http://www.microcreditsummit.org/papers/empowerment.pdf . Date Accessed: September 3, 2012

 

Cott, Nancy F. 1987. The Grounding of Modern Feminism. New Haven: Yale Univ. Press. p. 282.

 

Dingcong, C. G. & Joyas, L. M. 1998. Profile of Philippines Microfinance NGOs: A Nationwide Survey. Makati City: Coalition of Microfinance Standard c/o TSPI Development Corporation.

 

Freidan, B. 1963. The Feminine Mystique. New York, NY: W. W. Norton & Company

 

Geyer, Robert. 2003. “Europeanisation, Complexity, and the British Welfare State.” A Paper presented to the UACES/ESRC Study Group on The Europeanisation of British Politics and Policy-Making, Department of Politics, University of Sheffield, September 19, 2003. http://aei.pitt.edu/1719/1/Geyer.pdf. Date Accessed: September 3, 2012.

Harding, S. 1986. The Science Question in Feminism. Milton Keynes: Open University Press

Hartsock, N. 1998. Feminist Standpoint Revisited and Other Essays. Oxford: Westview Press.

 

Karnina, A. 2007. “Microfinance Misses Its Marks.” Stanford Social Innovation Review. www.ssireview.org/articles/entry/microfinance_misses_its_mark/. Date Accessed: August 3, 2012

 

Korten, D. 1999. The Post-Corporate World: Life After Capitalism. Singapore: Aikem Company (S) PTE. LTD. P103-117.

 

Maes, J. P. & Reed, L. R. 2012. State of Microcredit Summit Campaign Report 2012. Washington, DC: Microcredit Summit Campaign. http://www.microcreditsummit.org/pubs/reports/socr/2012/WEB_SOCR- 2012_English.pdf. Date Accessed: August 3, 2012

 

Microfinance Councils of the Philippines, Incorporated. 2010. Microfinance Industry Report Philippines 2010. http://www.microfinancecouncil.org/wp- content/uploads/2011/12/MCPI_Microfinance-Industry-Report_2010.pdf .Date Accessed: September 3, 2012.

 

Mayoux, L. 1997. The Magic Ingredients? Microfinance & Women’s Empowerment. A Briefing Paper prepared for the Micro Credit Summit, Washington, February 1997. http://www.gdrc.org/icm/wind/magic.html. Date Accessed. August 3, 2012

 

________. 2002. ‘Microfinance and women’s empowerment: Rethinking ‘best practice’’, Development Bulletin, no. 57, pp. 76-81. http://www.hiproweb.org/fileadmin/cdroms/biblio-reference-0912/documents/RRD- 129-microfinance_empowerment_women.pdf . Date Accessed: August 3, 2012.

 

Mohanty, C. 1991b. “Under Western Eyes: Feminist Scholarship and Colonial Discourse.” In C. Mohanty, A. Russo, and L. Torres (eds.), Third World Women the Politics of Feminism. Bloomington: Indiana University Press, 51-81.

 

Pilcher, J. & Whelehan, I. 2004. 50 Key Concepts in Gender Studies. London: SAGE Publications Ltd.

 

Peet, R. & Hartwick, E. 2009. Theories of Development: Contentions, Arguments, Alternatives. New York, NY: Guilford Press.

 

Politt, Katha. 1995. Reasonable Creatures: Essays on Women and Feminism. Vintage Books. ISBN 978-0-679-76278-2.

 

Raheim, S., et al. 2005. “Supporting Women’s Participation in Community Economic Development. The Microcredit Strategy”, Chapter 30. In Weil, M. (Ed). The Handbook of Community Practice. California: Sage Publication, pp 548-563.

 

Rankin, K. N. 2001. “Governing development: neoliberalism, microcredit and rational economic woman.” Economy and Society. Vol. 30, Number 1, February 2001:18-37. http://www.my-world- guide.com/upload/File/Reports/n/nepal/Governing%20Development%20 Neoliberalism,%20Microcredit,%20and%20Rational%20Economic%20Woman.pdf

 

Senge, P., Scharmer, C. O., Jaworski, J. & Flowers, B. 2004. Presence: Exploring Profound Change in People, Organizations and Society. London: Nicholas Brealey Publishing.

 

Shukran, M. K. & Rahman, F. 2011. A Grameen bank Concept: Microcredit and PovertyAlleviation Program in Bangladesh. International Conference on Emerging Trends in Computer and Image Processing (ICETCIP'2011) Bangkok Dec., 2011. http://psrcentre.org/images/extraimages/1211837.pdf . Date Accessed: September 3,2012.

 

Sommers, C. H. 1994. WHO STOLE FEMINISM?: How Women Have Betrayed Women. New York, NY: Touchtone.

 

Stearns, Peter N. 2000. Gender In World History. London and New York: Routledge.pp. 491-492.

 

Strossen, Nadine. 1995. Defending Pornography: Free Speech, Sex, and the Fight for Women's Rights. Prentice Hall & BD, ISBN 978-0-684-19749-4.

 

Wikipedia. 2012. Postfeminism. http://en.wikipedia.org/wiki/Postfeminism. Date Accessed: September 3, 2012

 

Categories: Standpoints and Alternatives

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

0 Comments