A Friend of the People of the Cross

MY JOURNEY IN ALTERNATIVE AND TRANSFORMATIONAL FAITH, COMMUNITY, EDUCATION AND DEVELOPMENT

Blog

Tubol, Pagiging Tatay at Komunidad

Posted by Arven De La Cruz on July 22, 2013 at 4:35 AM

Tubol, Pagiging Tatay at Komunidad


Limang araw nang hindi dumudumi si Ylwa. Ganun ang nangyari kahit araw-araw siyang kumakain ng prutas tulad ng papaya, manga, ubas at mansanas.


Papasok na sana sa Bata sa Bata si Ylwa ng makaramdam siya na tatae. Tatlumpong minuto na ang lumipas nakaupo pa rin siya sa toilet habang inaaliw ang sarili sa pag-awit ng mga kantang pambata na natutunan niya sa Bata sa Bata. Dahil mahuhuli na sa kanyang klase ng 12NN, sinabihan ko na madaliin na niya ang pagdumi. Umire naman siya nang umire. Sampung minuto na ang lumipas nang sabihan kong bilisan niya ang pagdumi, siya ay umiire pa rin nang umiire.


Dalawampung minuto na siyang huli sa iskuwela. Umiiiyak na siya sa sakit ng puwet dahil hindi makalabas ang tae. Palitang tinatawag ang nanay at tatay niya habang umiiyak dahil sa sakit.


‘Sandali lang anak, kokunsulta na si Tatay sa internet”, aniko sa kanya. Lahat ng site sinasabi na ipatsek na sa doktor. Kaya tumawag ako sa Bata sa Bata. Tinawagan ko rin na pumunta sa bahay ang nanay na nag-aalaga kay Ylwa kapag ako ay nasa UP. Nagpadala naman ng titser ang Bata sa Bata para makatulong sa amin habang pinabibili ako ng rectal suppository o kaya gamot na maaring inumin para lumambot ang tae.


“Kailangan po ng reseta ng doktor” ani ng parmasist ng Mercury.


“Umiiyak na sa sakit ang anak ko tapos hahanapan mo ako ng reseta galing sa doktor” tugon ko na may taas ang tono ng boses.


“Iyon po kasi ang batas” tugon muli ng parmasist.


“How about rectal suppository?”, pa-Ingles na tanong ko.


“Sir, P35 po ang isa” tugo ng parmasist. “Pero, sir, kung hindi kayo marunong gumamit baka lalo lang maging delikado ang bata” dugtong agad niya.


“Ayaw mo ako pagbilhan ng gamot na maaring inumin tapos tinatakot mo naman ako sa paggamit ng rectal suppository” pagalit na sagot ko. “E ano ang mungkahi mo?”


“Dalhin nyo na po sa doktor ang bata” aniya.


Bumalik ako ng bahay na naghahanap at nagtatanong kung saan may malapit na pedia. Lahat sinasabi sa Tala, dating hospital ng mga may ketong.


Pagdating ko sa bahay, naroon na ang titser na ipinadala ng Bata sa Bata. Inihahanda ko na ang mga damit at gamit ni Ylwa na dadalhin. Pero binalaan ako ng titser. Ang kasama niyang titser ay galing kanina sa Tala upang ipatingin ang anak subalit umuwi din dahil ang haba ng pila sa pedia. “Bakit hindi na lang suppository?” patanong na mungkahi niya.


“Baka daw lalong mapasama ang bata kung hindi marunong ang gagamit, sabi ng parmasist ng Mercury”, aniko.


“Madali lang iyon. Ako ang gagawa. Iyon ang ginagamit ko sa mga anak ko kapag tumatae ng tubol.” Iyon ang patawa subalit pagmamalaki niyang tugon.


Tumalilis naman agad ako. Babalik sana ako sa Mercury subalit nadaanan ko ang Mediserv, isang tindahan ng mga generic na gamot. Doon ako nakabili ng rectal suppository sa halagang P6 lang!


Agad naman akong bumalik sa bahay. Ipinaliwanag ko kay Ylwa ang gagawin ni Titser. Na kailangan niyang tiisin ang sakit kapag ipinasok ang mala-snow na rectal suppository sa kanyang puwet. Pagkatapos, maghihintay lamang ng limang minuto, ito ang haba ng panahon na hinihiling namin kapag nakikipagtawaran kami ng oras sa isa’t isa, para matunaw ang ipinasok na ­snow upang mabilis na lumabas ang dumi.


Tatlo kaming humahawak kay Ylwa subalit tila hindi sapat ang lakas namin para pigilan ang pagpupumiglas ni Ylwa sa unang pagsubok na ipasok ang RS sa kanyang puwet. Pumapalahaw siya ng iyak sa tindi marahil ng sakit. Kaya hininto muna pansamantala. Tinanong ko si Ylwa kung gusto niya na ako ang magpasok ng snow puwet niya. Hindi siya makasagot dahil patuloy sa pag-iyak habang nakayakap sa akin. Nang tumigil sa pag-iyak, sinabihan ko titingnan ko muna ang internet para malaman kung paano gamitin ang snow. Pumayag naman siya.


Subalit habang nagbabasa pa ako. Pumalahaw na uli ng sigaw si Ylwa. Pagpasok ko sa loob ng bahay,matagumpay na palang naipasok ni Titser ang RS. Agad ko naman siyang niyakap habang unti-unting nawawala ang kanyang pag-iyak. Pagkalipas ng sampong minuto, sinubukan niya uli tumae.


“Ang sakit, tatay” sigaw ni Ylwa habang hawak-hawak ko siya sa kamay. “Tiisin mo ang sakit, anak. Lalabas na iyan” paniniyak na tugon ko. Wala pang tatlumpong segundo, tuloy-tuloy na lumabas ang tubol na sinlaki ng kanyang braso at singhaba ng kanyang hinlalaki hanggang kalingkingan.


“Ang sarap na nang pakiramdam ko” pangiti niyang tugon habang nagbibihis at nagpapasalamat sa titser at sa nanay na nag-aalaga sa kanya.


Dahil huli na sa pagpasok, dumireto naman siya sa kapit-silid namin upang makipaglaro.

Categories: Public and Personal

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

0 Comments