|
|
Pagtatayo ng Tahanan: Isang Hulagway ng Integrasyon ng Pagbubuo ng Kapayapaan, Ispirituwalidad at Pagpapaunlad ng Pamayanan
“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan…ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.”—Hesus ( Juan 14: 2, Tagalog Ang Bibliya)
“Spirituality is…something worth fighting for”—Diarmund O Murchu, 2007
I. Panimula: Pagkauhaw at Pagkagutom sa Ispituwalidad
Si Cesar Ledesma (1997:2-4), may malawak na karanasan sa panlipunang pagpapaunlad simula hanggang matapos ang Batas Militar, ay sumali sa isang partido pulitikal na ang ideolohiya ay malapit sa kanyang mga prinsipyo at itinataguyod ang hindi marahas na paraan ng pagbabago. Nagwagi naman sila sa pamamagitan ng EDSA rebolusyon noong 1986. Ang ilan niyang mga kasama ay napunta sa Gabinete ng bagong gobyerno at siya mismo ay itinalagang kasapi ng lehislatura ng Davao City.
Tunay ang kanyang paniniwala na sila ang maghahatid ng totoo at ganap na pagbabago kapag nanalo at nabigyan ng kapangyarihang pulitikal. Subalit labis siyang nadismaya. Sa maiksing panahon, ang kanyang mga kasama na itinuring niyang kapwa-bayani sa EDSA People Power ay naging sakim at uhaw sa kapangyarihan, at binalewala ang interest at pangangailangan ng mga karaniwang tao. Ang mga hindi nabigyan ng posisyon sa gobyerno ay naging maigting na kritiko ng bagong administrasyon. Ang mga mamamayan na inaasahang magpapatuloy ng ipinaglabang rebolusyon ay bumalik sa pananahimik at walang pakialam. Pagkalipas ng 10 taon, ang kalagayang panlipunan, pulitikal, pangkabuhayan at kultural ay hindi nagbago.
Walong taon matapos niyang iwan ang gobyerno at muling naging aktibo sa gawaing pagpapaunlad ng lipunan, namasdan niya subalit hindi maunawaan kung bakit maraming tao at samahan ang matapos magtagumpay ay nagsisimulang humina hanggang mawasak at ang mga proyektong magandang nasimulan ay natapos na kabiguan. Nakita niya na hindi kawalan ng kakayahan ang dahilan kundi dahil sa kasakiman at pag-aagawan ng kapangyarihan. Kahit ang mga indibidwal na natulungang umangat sa antas kalagayang sosyal at pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga proyektong pangkomunidad ay unti-unti rin nilimot ang kanilang sosyal at moral na responsibilidad na tulungan ang ibang nangangailangan. Maraming mga manggagawa ng debelopment na pagkatapos ng ilang taon lamang ay mas naging masidhi sa paghingi ng dagdag na sahod at benepisyo kesa pagbutihin ang kanilang ginagawa. Ang mga organisasyong pangdebelopment naman, katulad ng kanyang itinayong Technical Assistance Center for the Development of Rural and Urban Poor (TACDRUP), ay mas inuuna ang sustenabilidad ng organisasyon kaysa sugpuin ang kahirapan ng mga komunidad na kanilang tinutulungan at palayain ang mga ito sa anumang opresyon na kanilang dinadanas. Para kay Ledesma, ang dahilan sa lahat ng ito ay dahil sa kakulangan o kawalan ng ispirituwalidad. Taong 1995 nang kanyang mahinuha ito. Nagulat siya na karamihan sa kanyang mga kasama ay may katulad na pagkauhaw at pagkagutom sa ispirituwalidad sa kanilang mga ginagawa.
May ilang mga nakatagong asumpsiyon sa mga patotoong ito ni Ledesma. Una, ang panlipunang kaunlaran ang pinakaubod na hangarin ng sinumang nagnanais ng pagbabago sa lipunan. Ikalawa, maaabot ang kaunlaran o ganap at tunay na pagbabago sa pamamagitan ng hindi marahas na pamamaraan at pagsali sa malayang sistemang pulitikal ng bansa. Ikatlo, ang kaunlaran ay nakabatay sa pagkakaroon ng yaman, kapangyarihan at posisyon sa lipunan. Ikaapat, madali lang ipailalim o pangibabawan ang unang tatlo ng personal na interes o pansariling kagalingan ng mga taong nagtataguyod nito. Ikalima, ang Ispirituwalidad ang pambalanse sa Ikaapat na asumpsiyon upang maghatid ng panlahatang at panlipunang kaunlaran.
Subalit mukhang hindi lang si Ledesma ang nakahinuha ng kalagayang ito sa larangan ng pagpapaunlad ng pamayanan at pagkauhaw at pagkagutom sa Ispirituwalidad. Dumadami ang sumusulpot na mga literatura sa kasalukuyan tungkol sa Ispirituwalidad katulad ng Reclaiming Spirituality ni Diarmuid O Murchu (1997/2007), Spirituality, Integral Development and Democracy nina Ledesma at Espero (1997), Spirituality, the Activist and the Social Movements nina Mendoza at Narito (1992). Lahat dito sa Pilipinas nilathala. Ang huli ay usapin ng Ispirituwalidad ng mga pangunahing relihiyon sa Asya.
Ang Bahai (1999), isang online community na nagsusulong simula 1998 na isama ang ispirituwalidad sa mga indikeytor o batayan ng pag-unlad, ang nagpahayag na usaping taboo noon sa Nagkakaisang Bansa (UN) ang Ispirituwalidad subalit ngayon ay pinag-uusapan na ito sa pinakamataas ng sangay ng UN.
Bago tayo magpatuloy, mainam balikan natin ang kung bakit may matinding pangangailangan na pagtuunan ng pansin ang Ispirituwalidad.
II. Mga Kaugnay ng Konsepto sa Ispirituwalidad
a. Ang Pagsupil ng Modernong Panahon at Siyensiya sa Ispirituwalidad
Sa sinaunang panahon malakas ang paniniwala ng tao sa mga bagay na hindi nila nakikita tulad ng Diyos at mga supernatural na pangyayari. Malakas ang kanilang pagpapahalaga sa mga damdamin, kutob, imahinasyon, himala, misteryo, sining at mga kabalintunaan (Yeh 2009 na nabanggit sa De La Cruz 2011). Noon, ang ispirituwalidad ang nagbibigay ng kahulugan at layunin sa buhay. Ito ay posibleng humantong sa isang kalagayan kung saan ang kahulugan o layunin ay higit pa sa sariling buhay. Sa mga titik ni O Murchu (1997/2007 viii) “Spirituality is…something worth fighting for”.
Subalit sa pagdating ng modernong siyensiya o Newtonian science kung saan nakasandig ang ilang prinsipyo ng siyensiya tulad ng lahat ng pangyayari o phenomena ay nangyayari sa maayos (orderly) na paraan o proseso, na kapag nauunawaan ang pinakamaliit na bahagi tulad ng atom ay madaling maiintindihan ang kabuuan sapagkat ang kabuuan ay binubuo ng mga bahagi (reductionism) kung kaya’t maaari na mahulaan o matiyak kung ano ang susunod na mangyayari o darating (predictability) at ang simula ang magsasabi ng katapusan (determinism) (Geyer 2003 nabanggit sa De La Cruz 2012). Dahil dito, ang pangangatwiran (reason) na ginagamitan ng lohika ang naging pangunahing batayan ng kung ano ang katanggap-tanggap at nagsangtabi sa mga pagpapahalagang madalas ginagamitan ng damdamin, kutob, imahinasyon, himala, misteryo, sining at mga kabalintunaan (Yeh 2009).
Ang yugto ring ito ang nagbigay ng lamat o pagkahati ng Rasyonalidad at Ispirituwalidad kung saan ang una o Katwiran ang pangunahing nagdidikta ng mga paraan sa paghahanap ng katugunan sa pang-araw-araw na suliranin ng mga tao habang ang huli o ispirituwal na mga bagay ay ikinulong sa mga pribadong tahanan at naisasapubliko lamang isang araw sa isang lingo (Wolf 2008).
b. Ang Pagbabalik ng Ispirituwalidad sa Pamamagitan ng Bagong Siyensiya at Postmodernong Panahon.
Ngunit sa pag-usbong ng mga Bagong Siyensiya tulad ng Complexity at Living Systems Theory kung saan napatunayan na mas maraming bagay o penomena ang nangyayari tulad ng quantum mechanics, fluid dynamics, pagbubuo ng klima o panahon, interaksiyon ng mga hayop at halaman at iba pa ay nagaganap nang walang lubos na kaayusan (partial disorder) subalit hindi nakakawasak, na higit na mainam tingnan muna ang kabuuan bago ang mga bahagi (reductionism and holism), hindi lubos na nahuhulaan o nakokontrol (unpredictable) ang ibubunga subalit minsan ay higit na nakakabuti, na maaari lamang mahinuha ang epekto (probabilistic) kahit na ito ay nakapalood sa isang border o perimeter, at umaangkop sa bagong kondisyon ng kalagayan o kapaligiran (adaptive o emergent) na hindi naisaalang-alang o hindi pa lumitaw nang isagawa ang isang natural na siyentipikong pagsusuri (Geyser 2003).
Ang Bagong Siyensiya rin ang nagluwal sa postmodernong panahon kung saan ang Katwiran o Reason ay pinagdududahan bilang kasangkapan ng pang-aabuso kaya’t muling nanumbalik ang pagbibigay pansin sa kahalagahan ng mga relasyon, komunidad at pagkakaugnay-ugnay ng lahat ng bagay, mga pagpapahalagang nagpapahalaga rin sa mga damdamin, kutob, imahinasyon, himala, misteryo, sining at mga kabalintunaan (Yeh 2009).
Dahil sa mga ito, ang tinig o pamamaraan ng isang karaniwang tao o grupo ay nabigyan ng pansin at pagpapahalaga. Kung kaya’t umusbong din ang iba’t ibang anyo ng Ispituwalidad.
c. Iba’t Ibang Kahulugan ng Ispirituwalidad
Kung gaano karami ang mga larangan o disiplina ng pagkatuto, malaki ang posibilidad na kasingdami rin ng mga ito ang kahulugan ng Ispirituwalidad. Para sa maiksing sarbey ng kahulugan ng Ispirituwalidad, maaaring basahin ang internet blog ni Joe Bulao, Jr (2013) na matatagpuan sa https://spirituality4now.blogspot.com/2010/02/ meaning-%20of-%20spirituality.html. Subalit para sa layunin ng papel na ito, kukunin natin ang mas malawak na mga kahulugan ng Ispirituwalidad tulad ng:
• paghahanap sa kahulugan at layunin sa buhay (O Murchu 2007);
• pagkilala na mayroong higit pa sa mga material na bagay na ating nakikita, nararamdaman, nalalasahan, naaamoy at nahahawakan, mga bagay na hindi material tulad ng pag-ibig, katarungan, kapayapaan, atbp. (Bulao 2013);
• isang kongkretong anyo ng pagsasama ng panlipunan, pangpulitikal at pansariling mga ugnayan upang matagpuan natin ang mga piraso at bahagi na bubuo, magpapalaya, mag-uugnay at pupuno sa atin bilang tao (Russell 1981 na nabanggit sa O Murchu 2007); at
• enerhiya na nagpapasigla sa tao upang tuparin ang kanyang dakilang layunin sa buhay (De La Torre 2013).
Sa aklat na pinamagatang WHY WE BELIEVE WHAT WE BELIEVE, ipinakita ng mga sumulat ang biyolohikal na pangangailangan ng tao sa pagkakaroon ng kahulugan, ispirituwalidad, katotohanan at mga pagpapahalaga na malapit sa ating puso para maipakita kung sino tayo, kung saan tayo nagmula, kung ano ang ating pinaniniwalaan at layunin upang mabuhay kahit na walang sapat na katwiran, paliwanag o siyentipikong dahilan (Newberg & Waldman 2006).
Lumikha naman si Elliott Ingersoll (1996) ng 10 sukatan o indikeytor kung gaano kasigla ang ispirituwalidad ng isang tao anuman ang kanyang paniniwala o pulitikal adyenda. Ang sampung ito ay ang mga sumusunod: Paniniwala sa Diyos (Conception of the Absolute/Divine), Kahalagahan (Meaning), Pakikipag-ugnayan (Connectedness), Misteryo (Mystery), Kalayaang Ispirituwal (Spiritual Freedom), Karanasan o Ritwal (Experience/Ritual), Pagpapatawad (Forgiveness), Pag-asa (Hope), Kaalaman o Pagkatuto (Knowledge/Learning) at Pagiging Bahagi ng Kasalukuyan (Present-centeredness).
Si Michael Nagler (2004), sa kanyang aklat na THE SEARCH FOR A NONVIOLENT FUTURE, ay nagsabi na ang pagdami ng karahasan ay katumbas ng pagdami ng mga tao na nawalan na nang dahilan, halaga at pag-asa na mabuhay. Kaya para sa kanya, hindi pera ang tunay na dahilan kundi kawalan ng Ispirituwalidad kung bakit nagpakamatay ang isang estudyante dahil wala siyang pambayad ng matrikula o ang paggahasa at pagpatay sa isang labing-anim na taong gulang na babae matapos pagnakawan, mga balitang paksa ng media kamakailan.
Mula sa mga kahulugan sa itaas, ipinapalagay ng papel na ito na ang Ispirituwalidad ay hindi lamang napapaloob sa mga relihiyon at relihiyosong tao na naghahanap ng kanilang dakilang layunin sa daigdig na ito. Ito ay matatagpuan din sa mga Atheist, Agnostic, Skeptic, Aktibista o karaniwang tao na nakatagpo ng kanilang kahalagahan sa kanilang mga ginagawa nang higit pa sa kanilang buhay. Ang Ispirituwalidad ay isang malakas na puwersa na maaaring paghugutan ng enerhiya upang makamit ang kaunlaran o/at tunay at ganap na kapayapaan at pagbabago.
Bago natin tunghayan ang kongkretong anyo at papel ng Ispirituwalidad sa/o pagbubuo ng kapayapaan, tingnan muna natin ang ilang konsepto na may kaugnayan sa kapayapaan.
III. Mga Kaugnay na Konsepto sa Kapayapaan.
a. Kahulugan ng Kapayapaan
Filipinong Talakahulugan
Ang kahulugan ng salitang kapayapaan sa mga kinikilalang diksiyonaryo ng Filipino ay mga sumusunod:
• Sa Vicassan’s Filipino English Dictionary (Santos 1978: 310) kasingkahulugan ng kapayapaan ang “katahimikan, katiwasayan, kapanatagan”;
• Sa Tagalog-English Dictionary (English 1987: 1027) naman, ang pang-uring “mapayapa” o peaceful sa Ingles ay kasingkahulugan ng “matiwasay, mahinahon” at ang “pagpapayapa” o pacification sa Ingles ay kasingkahulugan ng “Pagpapahupa. Pagpapalubag. Pagpapahinahon”.
• Binigyang kahulugan naman ng UP DIKSIYONARYONG FILIPINO (Sentro ng Wikang Filipino 2001: 423, 668) ang salitang kapayapaan na: “Pagiging panatag ng kapaligiran”; “kawalan ng gulo, tungalian at digmaan”; “pagtiwasay ng kalooban, o relasyon sa kapuwa tao”, at ang salitang ugat na “payapa” ay binigyan nito nang kahulugan na “walang tigatig o pangamba; malaya sa kaguluhan o digmaan”.
Gawain at Araling Pangkapayapaan
Upang mabigyan ng kahulugan ang peace work o gawaing pangkapayapaan at peace studies o araling pangkapayapaan na kanyang itinataguyod, sinubukan ni Galtung (1996: 9) na ikabit ang mga ito sa dalawang magkaugnay na kahulugan ng kapayapaan. Ayon sa kanya, kung ang kapayapaan ay ang kawalan o pagkawala ng lahat ng uri ng karahasan, ang gawaing pangkapayapaan ay gawaing magpapaliit sa bilang ng mga karahasan. Kung ang kapayapaan ay hindi marahas na at malikhaing pagtransporma ng sigalot, ang araling pangkapayapaan ay ang pag-aaral sa kontekstong nakapaligid sa isang sigalot. Subalit upang maging matagumpay ang mga gawain at araling pangkapayapaan, kailangang mabigyan ng sapat, wasto at akmang kahulugan ang salitang kapayapaan.
Ngunit kahit si Galtung (1996: 13, 265), itinuturing na pasimuno sa araling pangkapayapaan, ay nagkasya na lang sa mga ubod na pagpapahalagang ikinakabit ng mga nagtutungaliang panig sa isang sigalot sapagkat ayon sa kanya ang pagbibigay ng tiyak an kahulugan sa kapayapaan ay isang walang hanggang proseso. Kumbaga, masasabi lamang nating may hangin kung ating nararamdaman ang ihip nito subalit ang hangin ay pabago-bago rin depende sa klima at lagay ng panahon. Gayundin naman, masasabi nating may kapayapaan kung ito ay atin nang nakikita at nararamdaman subalit pabago-bago din batay sa mga kalagayang panlipunan.
Historikal na Depinisyon
Sina Barash at Webel (2002) ay nagawa lamang ilarawan ang mga historikal na paglalarawan sa kapayapaan na nakaugnay sa mga konseptong pangrelihiyon, pangmilitar, pangpulitikal at pilosopikal subalit walang narating o nabuo na pangkalahatang kahulugan o paglalarawan ng kapayapaan.
Pamamagitan, Pinapagkasundo at Pagbubuo ng Kapayapaan
Mainam din tunghayan ang kahulugan ng tatlong salitang Ingles na ikinakabit sa kapayapaan, ang peacekeeping (pamamagitan), peacemaking (pinapagkasundo) at peacebuilding (pagbubuo ng kapayapaan—ang literal na salin sa Filipino o Tagalog ng salitang peacebuilding ang aking gagamitin sa sulating ito dahil walang tala ng salitang peacebuilding sa mga pangunahing diksiyonaryo ng Ingles tulad ng Webster, Oxford at Encarta na maaaring pagbatayan ng wastong salin).
Ang peacekeeping ay tumutukoy sa pamamagitan ng isang grupo o puwersa (madalas ay internasyunal na grupo tulad ng UN) upang pigilin ng pagpapatuloy ng karahasan sa pamamagitan ng dalawang panig.
Ang peacemaking ay tumutukoy sa paggawa ng mga paraan ng ipagkakasundo ng dalawang panig, na sumang-ayong ihinto pansamantala ang karahasan dahil sa presensiya ng isang grupo na namamagitan subalit patuloy na sukbit sa balikat ang kanilang mga armas, na resolbahin ang mga isyu na pinag-ugatan ng di-pagkakaunawaan na humantong sa matinding karahasan at kusang-loob na bitiwan na ang mga armas upang bigyan puwang ang pagkakasundo.
Ang peacebuilding naman ay pinalalakas ang unang dalawang pamamaraan sa pamamayapa sa pamamagitan ng pagtukoy at pagtugon sa mga isyu o kontradiksiyong istruktural at ugnayan upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan. Sa maikling salita, hangad ng pamamagitan ang pagpapahupa ng mga marahas na kilos sa bawat panig na kasama sa sigalot; ang pinapagkasundo ay naglalayon ng pagbabago sa damdamin at pananaw ng nagtutungaliang mga grupo upang tanggapin ang isa’t isa, at ang pagbubuo ng kapayapaan ay inaasam na mapagtagumpayan ang mga kontradiksiyon na pinag-uugatan ng sigalot o karahasan na maaaring humantong sa pagkakapatawaran at pagyabong ng ugnayan sa isa’t isa ng bawat panig (Ramsbotham, et al 2011:32).
b. ‘Eh, ano ngayon?’ sa mga Kahulugan ng Kapayapaan
Ang kapayapaan ay kasama sa ‘everything else’
Sa aking obserbasyon, lalo na sa lipunang Filipino na kahit madalas lumulubog sa baha ang bahay ay ngingiti at kakaway pa rin sa kamera, isang malaking hamon sa pagbubuo ng kapayapaan bilang bahagi o katuwang ng malawak na pagpapaunlad ng pamayanan ay ito: ang mga tao o pamayanan ay sanay o kayang mabuhay ng walang kapayapaan. Sa blog na Filipino | Definitely Filipino™ naglista ang sumulat ng walong mahalagang bagay at tinanong ang mahigit 500 na nakabasa nito kung ano ang pinakamahalaga sa mga ito (ayon sa pagkakasunod-sunod sa kanyang listahan): pamilya, kaibigan, ispirituwalidad, pera, paglilingkod, kapayapaan, personal na pag-unlad at marami pang iba. Subalit ang pinakamahalaga para sa sumulat ay ang (ayon sa pagkakasunod-sunod sa kanyang listahan): ispirituwalidad, pamilya, kamag-anak, pagsasaya at “everything else”. Mapapansin na iniangat ng sumulat sa unahan ang Ispirituwalidad mula sa ikatlong puwesto sa kanyang unang listahan at ang salitang ‘kapayapaan’ sa ikalawang listahan ay nawala at napaloob na sa ‘everything else’ (Madrazo 2011) na tila baga ito ay isang bagay na hindi ganap na kaakit-akit upang maging pangunahing pagpapahalaga. Bakit kaya?
Marahil dahil ang kasalukuyang hulagway ng mga kahulugan ng kapayapaan bilang kawalan ng tigatig, pangamba, sigalot, away, gulo, tungalian, karahasan, digmaan (mga dayuhang hulma o konstruksiyon sapagkat ang mga ito ay nilalaman din ng mga talakahulugang Ingles) ang namamayani at natabunan na ang ating iral na kamalayan. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit abstrakto na sa ating kasalukuyang kamalayan ang mga lokal na metapor na kahulugan ng kapayapaan bilang katahimikan, kahinahunan, katiwasayan at kapanatagan na makikita sa ating mga diksiyonaryo at diskurso.
Ang Kapayapaan Upang maging Kaakit-akit ay Nakabatay sa Pagpapahalaga ng Tao
Si Leibniz [1646-1716], isang diplomat na nakaimbento ng Differential Calculus at kontemporaryo ni Isaac Newton, ay sumubok na lumikha ng isang lingua universalis upang pagtagumpayan ang mga kontradiksiyon o sigalot sa pagitan ng dalawang tao o grupo, kung paanong kayang pagtagumpayan ang kontradiksiyon o magkaibang resulta sa pagitan ng dalawang calculator, nang sa ganoon ay pareho nilang marating ang isang katotohanan na bubura sa kontradiksiyon o sigalot at maghahatid ng kapayapaan sa dalawang nagtutungaliang panig. Subalit, sa bandang huli, itinapon ni Leibniz ang planong lingua universalis ng sigalot at kapayapaan sapagkat napagtanto niya na ang konseptuwal na proseso ng isip ng tao ay nakadepende sa isang sitwasyon na mahalaga sa kanya (Labuschagne & Heidema 2011). Halimbawa, bibili ang dalawang tao ng upuan. Ano ang kanilang pagbabatayan sa pagpili: desinyo, tibay, kulay, uri ng materyales na ginamit, presyo, hitsura ng nagtitinda o iba pang batayan? Depende ang batayan sa kung ano ang mahalaga sa taong pipili. Para kay Leibniz, hindi sa lahat ng pagkakataon ay pareho ang batayan ng pagpili sa bibilhing upuan ng dalawang tao sapagkat bawat isa sa kanila ay nagbabago ang pagpapahalaga sa paglipas ng panahon. Ibig sabihin, ang salitang kapayapaan at ang mga hulagway na nakakabit dito ay magiging kaakit-akit lamang kung ang mga ito ay mahalaga sa lipunan o grupong naghahangad nito.
May katwiran si Leibniz. Subalit kung ako ang pipili ng upuan, hindi lang sapat na sabihin na pinili ko ang isang upuan batay sa kung ano ang mahalagang batayan para sa akin. Mas fundamental na tanong para sa akin ay kung bakit ako bibili ng upuan sa simula pa lang gayong maari naman akong maupo sa lupa o sa bato o sa sahig o sa sanga ng puno? Anong puwersa mayroon ang nagtulak sa akin upang maglabas ng salapi at lakas at panahon para gugulin sa pagbili ng isang upuan? Ang sagot marahil ay ito: ako ay hinulma o kinondisyon na kailangan ko ng isang magarang upuan o mamahaling upuan o makulay na upuan na ituturing kong akin dahil ito ay ginamitan ko ng lakas, panahon at salapi. Dito mahalaga maunawaan ang ‘framing” o “reframing’ ng mga isyu o paksa o kahulugan na tinutukoy ni George Lakoff [1941-], dalubhasa sa larangan o siyensiya ng Kognitibo at Wika kung saan siyentipikong pinag-aaralan ang relasyon ng dalawa.
Muling Paghuhulma o Reframing ng Kapayapaan Upang Magkaroon ng Pagbabago
Ayon kay Lakoff (2004: xv), ang utak ng tao ay katulad ng isang video camera na nirerekord ang bawat nakikita sa bawat frame o hulmahan na mayroon sa imbakan nito ng mga imahe. Kung kaya’t ang tao ay nag-iisip ayon sa frame o hulma na nakapaloob sa kanyang isip. Ang hulmang ito ang nagsasabi kung ano ang ating nanaisin, paplanuhin, gagawin at pahahalagahan mabuti man ito o masama. Kung kaya’t kailangan, dagdag ni Lakoff na mayroong patuloy na paghuhulma o reframing upang magkaroon ng pagbabago. At dahil ang wika ang nagbubukas ng mga hulma o metapor sa ating isip, kailangan din magkaroon ng mga bagong wika, bagong kahulugan, bagong metaphor upang mapakilos ang mga tao nang iba sa kinagawian.
Sa usapin ng kapayapaan dahil hinulma nga ang kasalukuyang metapor ng kapayapaan batay sa mga dayuhang konstrakt, may pangangailangan na muling ihulma o i-reframe ito mula sa pagiging dayuhan at abstrakto patungo sa iral (o likas) at tiyak (o kongkreto) na hulagway o metapor na naglalarawan ng mga pagpapahalaga at mithiin ng mga tao o pamayanan na naghahangad nito.
Mahalaga ang muling paghuhulma sapagkat, kung tama si Lakoff (2008), bawat salita na ating binibitiwan ay nagmumula sa isang metapor, hulagway o hulma mula sa ating kamalayan. Halimbawa, kung ang pakahulugan natin sa kaunlaran ay ang pagkakaroon ng mga modernong imprastrakturang pangsosyal, pangkabuhayan at pangpulitikal, ang mga ito lamang ang magiging batayan ng ating mga pag-uusap at pagkilos kahit na ang mga pag-uusap at pagkilos na ito ay nakakapinsala sa kalikasan, ugnayan ng mga maybuhay at ispirituwalidad ng karamihan lalo na ng mga katutubo, at pagkakaroon ng mga kumpol na barong-barong sa tabi ng mga riles, gilid ng mga estero, loob ng sementeryo at ibabaw ng mga dalampasigan; kung ang kapayapaan ay kawalan ng tigatig, pangamba, sigalot, away, gulo, tungalian, karahasan o digmaan ang kapayapaan ay hahangarin lamang sa mga lugar kung saan ang mga hulmang ito ay matatagpuan at hindi na papansinin ang mga lugal na walang gulo o tahimik subalit ang mga nakatira ay nasa mapanganib na mga espasyo tulad sa ilalim ng tulay, sa tabi ng mga basurahan, estero, talampas o bangin.
Mahalaga rin ang panibagong paghuhulma sapagkat ang mga tao ay kumikilos hindi batay sa kung ano ang Totoo o Tunay kundi batay sa kanyang mga pagpapahalaga kahit na ito ay hindi pabor sa pansariling kagalingan (Lakoff 2004). Ibig sabihin, hindi lang sapat na ipaliwanag ang kapayapaan katulad ng mga nabanggit sa itaas. Kinakailangang ito ay nakatali o nakaugnay sa pagpapahalaga at pansariling kagalingan ng mga tao upang maabot o marating ang antas ng kapayapaan na minimithi.
Meron bang kongkretong hulagway o metapor sa kamalayang Pilipino ang salitang kapayapaan? Subalit bago natin sagutin ang tanong na ito, tingnan muna natin ang kasalukuyan lokus sa diskurso ng kapayapaan o pagbubuo ng kapayapaan at pagpapaunlad ng pamayanan.
c. Kasalukuyang Lokus ng Kapayapaan sa Diskurso ng Pagpapaunlad ng Pamayanan
Ang pagbubuo ng kapayapaan ay nasa sinapupunan nang humigit-kumulang ng kalahating siglo at isinilang lamang bilang bagong larangan nang yakapin ito ng UN noong 2005 sa pamamagitan ng pagtatag ng Peacebuilding Commission upang magsilbing tagapayo sa buong UN System bagamat mahigit isang dekada na itong isinusulong ng mga tagapagtaguyod ng 1992 Agenda for Peace (Ramsbotham, et al 2011: 229-230). Kahit ang Unibersidad ng Pilipinas ay walang yunit o kagawaran na pinangangasiwaan ang disiplinang ito maliban sa isa itong asignatura na maaaring piliin ng mga mag-aaral sa Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan.
Sa kasalukuyang diskurso ng ugnayan ng pagbubuo ng kapayapaan at pagpapaunlad ng pamayanan, ang una ay itinuturing na makakaambag sa pagpapalakas ng pagpapaunlad ng pamayanan (Manalo 2009:13). Ibig sabihin, isa lamang ang pagbubuo ng kapayapaan sa mga paraan upang maghatid ng kaunlaran sa pamayanan. Kung ilalarawan ang kasalukuyang lokus na ito, maaari ganito ang kalalabasan:

Sa mga fora na dinaluhan ko tungkol sa kapayapaan sa Mindanao at panayam na ginawa sa panahon ng aming lakbay aral sa Mindanao noong buwan ng Pebrero, iisa ang tinig na aking narinig sa lahat ng mga nagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao: kung walang kapayapaan, walang kaunlaran. Ganito ang kanilang sigaw sa kabila ng mahigit apat na dekadang usapin ng kapayapaan at kaunlaran sa nasabing rehiyon.
Kahit sa kabuuan ng pagpapaunlad ng mga pamayanan sa Pilipinas, sa mahigit apat na dekada ng pagpapaunlad ng pamayanan, mas lalong nasadlak, hindi lang ang bansa kundi sa buong daigdig, sa kasalatan ang nakararami subalit lalong yumaman ang iilan. Ang dahilan marahil ay ang uri ng kaunlaran na hangad ng mga bansa sa Katimugan na maging katulad ng mga bansa sa Kahilagaan (Pete & Hartwick, 2009: 104). Kaunlaran ang pinakaadhikain ng mga bansa at karaniwang tao kung kaya’t ang ibang mga layunin tulad ng kapayapaan, katarungan, pagkakapantay-pantay, ispirituwalidad, pagtulong sa kapwa, at iba pa ay nakapaloob sa diskurso ng kaunlaran.
Subalit sa mga nabasa kong literatura walang nakapagsabi kung kelan ang yugto na masasabi na naabot na ang kaunlaran sapagkat ang kaunlaran o debelopment ay nangangahulugan nang ‘mas magandang buhay’ para sa lahat (Pete & Hartwick 2009:1, ang italic ay sa akin). Ibig sabihin, ang namamayaning konsepto ng kaunlaran ay isa lamang retorika ng isang indibidwal o bansa para magkamal ng yaman at kapangyarihang nang walang hangganan. At ang pagbubuo ng kapayapaan ay isa lamang sa mga mekanismo upang tugunan ang pangangailangan sa kaunlaran.
Subalit para kay Lederach (2007) sa kanyang ikalawang aklat na Building Peace: Sustainable Reconciliation in Divided Societies, ang tunay na pagbubuo ng kapayapaan ay hindi lamang isang prosesong pangsuporta sa nalikha o lilikhaing kasunduang pangkapayapaan kundi isang malawak na gawain na maraming mga proseso, pamamaraan at antas upang maabot ang isang sustenable at mapayapang mga ugnayan (Lederach 1997). Ngunit tinitingnan lamang ni Lederach ang pagbubuo ng kapayapaan sa konteksto ng pag-aayos ng mga sigalot o nawasak na ugnayan. Subalit maaari rin tingnan na ang kapayapaan o pagkakaroon ng maayos ng mga ugnayan sa lipunan ang pinakaubod ng lahat ng mithiing pangkaunlaran ng isang tao, pamayanan, lipunan, bansa o daigdig (Broucke 2012).
Bilang kilalang praktisiyoner at may mayabong na karanasan sa pag-aayos ng mga sigalot sa Sentral Amerika, sinabi ni Lederach (1995 na nabanggit sa Wright 2004) na nakakumot sa mga pamamaraan o modelo ng pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan ang mga kultural na pananaw ng Amerika (US) tungkol sa mga hidwaan at kung paano ito pagtatagumpayan, at ito may bahid ng pagiging imperyalista kung saan ang mga modelo o pamamaraan nito ang “tama” para maiayos ang kaguluhan. Kaya’t kanyang iminungkahi na sinuman na nais lumahok o makisangkot sa usapin ng kapayapanan o pagbubuo nito ay kailangang galugarin ang ugnayan ng sigalot at partikular na kultura na kinalalagyan nito katulad ng wika o metapor na ginagamit upang ilarawan ang sigalot o kapayapaan. Kaya sa yugtong ito babalikan natin ang naiwang tanong kanina bago talakayan ang lokus ng diskurso ng kapayapaan at pagpapaunlad ng pamayanan: meron bang kongkretong metapor o hulagway sa kamalayang Pilipino ang salitang kapayapaan?
IV. Tahanan Bilang Lokus ng Diskurso ng Kapayapaan
a. Tahan = Peace
Dalawampung taon na ang nakalipas nang una kong marinig mula sa isang makata at mang-aawit na si Gary Granada na ang katumbas ng dayuhang ‘peace’ sa ating wika ay ‘tahan’ kung saan ito ang salitang-ugat ng salitang Tahanan. Ngayong semestre ko lamang uli ito naalala kaya ginalugad ko ang aklatan at internet para higit itong maunawaan. Subalit nakakapagtakang mahigit dalawang dekada na ang lumipas, isa lamang ang nabasa ko na nagbigay o sumulat ng maiksing pansin tungkol dito sa isang pahayagan noong nakalipas na taon lamang (Santos 2012 sa Philippine Daily Inquirer Setyembre 12 na isyu). Gayunpaman, sa ngalan ng paghahanap ng Pantayong na hulagway sa pagbubuo ng kapayapaan, ispirituwalidad at pagpapaunlad ng pamayanan, ipagpapatuloy ko ang paggalugad sa paksang ito ng tahanan bilang lokus ng ating diskurso.
b. Tahanan at Sukatan ng Kagalingan ng mga Pilipino
Sa isang sarbey na pananaliksik ng UP-CIDS noong 1997 na pinamagatang The Measurement of Filipino Well-being, lumitaw na sa 102 mahalagang bagay na tinukoy ng mga kalahok, ikapito (7th) sa mga pinahahalagahan ng mga Pilipino ang pagmamay-ari ng bahay na umani ng 98.6 na bahagdan. Ang unang anim ay ang mga sumusunod: respeto mula sa pamilya, pananampalataya sa Diyos, pagiging Pilipino, panalangin at pagninilay, pagmamahal ng magulang at mga kapatid, at regular na pagkain (Sycip, Asis, Luna 1999).
Kung susuriin natin ang mga bahagi ng isang tahanan, karaniwan nating makikita na mayroon itong bubong, dingding, bintana, pintuan, sala, kusina, hapag kainan, palikuran o batalan, silid tulugan at dambana o altar. Kahit isang pinakapayak na tahanan na ang buong bahay ay isang silid lamang o mayroon lamang nang unang apat na bahagi, ang buong silid o bahay mismo ang nagiging sala, kusina, kainan, palikuran, tulugan, libangan at altar ng isang pamilya. Kung kaya’t masasabi ko na ang kagalingan o well-being ng isang pamilyang Pilipino ay nakaugnay mismo sa kanyang tahanan. Ang respeto mula sa magulang at pagmamahal ng magulang at kapatid ay higit na naipapamalas sa mga gawi, ugnayan, sistema at kultura mayroon sa loob ng tahanan. Ang pananampalataya at panalangin at pagninilay ay nakaugnay sa mga altar o dambana na madalas ay nasa isang sulok ng tahanan. Ang pagiging Pilipino ay maaari rin ipamalas sa uri ng istruktura ng at wika na ginagamit sa loob ng bahay. Ang regular na pagkain ay niluluto sa kusina at inihahain sa hapag-kainan.
Ang iba pang pangunahing bagay na mahalaga sa mga Pilipino sa lumitaw sa pag-aaral na ginawa ng UP-CIDS (Sycip, Asis, Luna 1999) ay nakaugnay din sa mga bahagi ng tahanan. Ang kaligtasan mula sa krimen o kasamaan (8th) ay nakaugnay sa matibay na dingding, bubong pintuan at bintana ng isang tahanan. Ang pagmamahal ng mga anak (10th), magandang relasyon sa asawa (14th) at magkasama ang mga anak (15th) ay higit na matutunghayan sa loob ng isang tahanan at pinagtitibay ng kahit na anong bahagi nito. Ang kapayapaan ng isip (12th) ay nakaugnay sa silid-tulugan bagamat sa akin minsan ito ay mas nararanasan ko sa loob ng aming palikuran. Ang mahabang buhay (11th) ay nakaugnay sa tibay ng tahanan at ugnayang nakapaloob sa loob nito. Ang makagawa ng mabuti sa kapwa (13th) ay nakaugnay sa sala kung paano mo siya pakiharapan, sa libangan kung paano mo siya aliwin o hapag-kainan kung paano mo siya busugin.
c. Kategorya ng Pagmamay-ari ng mga Bahay o Tahanan
Sa Philippines 2000 Census of Population & Housing, ang kategorya sa pagmamay-ari ng mga bahay na inilista o nailista ay ang mga sumusunod: Pag-aaring bahay, Hinuhulugang bahay, Inuupahang bahay, Bahay na tinitirhan ng libre subalit may pahintulot ng may-ari at Bahay na tinitirhan ng libre subalit walang pahintulot ng may-ari. Ang mga kategorya naman kung paano naangkin ang pagmamay-ari ng bahay ay ang mga sumusunod: Bahay na nabili, Bahay na itinirik mismo ng may-ari, Bahay na itinirik ng upahang manggagawa, Bahay na itinirik ng isang Kontraktor, Bahay na minana, Bahay na regalo at Bahay na napanalunan sa loterya (Philippine Census 2000).
Sa Philippines 2008 Annual Indicator Survey, maaaring idagdag na kategorya ang mga sumusunod: Pag-aaring bahay na nakatirik sa sariling lupa; Pag-aaring bahay na nakatirik sa inuupahang lupa; Paupahang bahay at lupa; Pag-aaring bahay subalit nakatirik na may pirmiso sa may-ari ng lupa; Pag-aaring bahay subalit nakatirik na walang pirmiso sa may-ari ng lupa; Bahay at lupa na tinitirhan ng iba nang libre subalit may pahintulot; Bahay at lupa na tinitirhan ng iba subalit walang pahintulot (Philippines Census 2000).
d. Kategorya ng Tahanan Bilang Hulagway ng Kategorya ng Kapayapaan
Ang mga kategorya na nilikha ng pamahalaan ukol sa pagmamay-ari ng bahay ay maaaring gamiting hulagway o metapor ng mga kategorya ng kapayapaan at proseso ng pagbubuo nito (tingnan ang Talahanayan 2 sa susunod na pahina).
Hiram na bahay o tahanan ang metapor ng Hiram na kapayapaan. Ito ang pinakamabuway na kategorya ng kapayapaan sapagkat maaari itong bawiin anumang oras ng sinuman ng bumuo nito kung paanong anumang sandali ay maaaring paalisin ng may-ari ng bahay ang sinuman na nakatira ng walang bayad sa kanyang itinayong bahay.
Inuupahang bahay o tahanan ang hulagway ng Inuupahang kapayapaan. Sa kategoryang ito, nakadepende ang pananatili sa kapayapaan sa kakayahang umupa o magbayad sa nagmamay-ari nito kung paanong maaaring manatili sa isang bahay ang sinumang umuupa rito ayon sa napagkasunduang takdang panahon.
Hinuhulugang bahay o tahanan naman ang kahalintulad ng Hinuhulugang kapayapaan. Sa kategoryang ito, may mga lumikha ng kapayapaan subalit ito ay lubusang mapapasakamay lamang ng tao o bansang ninanais ito kung ito ay unti-unting babayaran subalit nanganganib na mabalewala ang pagmamay-aring lubos kung pumalya sa pagbabayad nito kung paanong maaaring mailit ang bahay na hinuhulugan kapag hindi na ito nababayaran.
Pag-aaring bahay o tahanan ang metapor ng Pag-aaring kapayapaan. Posibleng marating ang antas na ito ng kapayapaan subalit kailangan pang tiyakin kung ang kinababaunan ng mga pundasyon ng kapayapaang ito ay pag-aari na o hindi pa ng tao o bayang umaangkin nito.

May bahay subalit iba ang nakatira ang hulagway ng May kapayapaan subalit iba ang nakikinabang. Sa kategoryang ito, mayroong kapayapaan subalit hindi ang may-ari nito ang higit na nakikinabang o nabibiyayaan ng direkta kundi ang ibang tao may pahintulot man ito o wala.
Pag-aaring bahay subalit nakatirik sa lupang pagmamay-ari ng iba ang metapor ng Pag-aaring kapayapaan subalit ang mga pundasyon nito ay nakatayo sa lupang pagmamay-ari ng iba. Sa kategoryang ito, bagamat masasabi na sarili o pag-aari na ang kapayapaan ito ay nanganganib na mawasak, iwanan o ma-demolish sapagkat ang lupa na kinatatayuan nito ay pagmamay-ari ng iba kung paanong ito ang posibleng mangyari sa bahay o tahanan na naka-squat sa lupang pagmamay-ari ng iba.
Pag-aaring bahay na nakatirik sa inuupahang lupa ang hulagway naman ng Pag-aaring kapayapaan subalit binabayaran ang kinatitirikan ng mga pundasyon nito. Sa kategoryang ito, ang kapayapaan ay pag-aari na subalit nakadepende ang itatagal nito sa kakayahan ng may-ari ng kapayapaan na bayaran ang upang napagkasunduan sa may-ari ng lupa. Nanganganib din mawasak o ipagbili ang kapayapaang ito kung sakaling angkinin o bawiin na ng may-ari ng lupa ang kinatatayuan nito.
Panghuli, Pag-aaring bahay na nakatirik sa sariling lupa ang metapor ng Pag-aaring kapayapaang na itinayo sa sariling lupa. Ito ang pinakamatibay na kategorya ng kapayapaan kung saan ang kapayapaan ay itinayo mismo ng may-ari nito sa lupang kanya ring pagmamay-ari. Makakaasa ito sa panahon ng katahimikan na magtatagal ang kapayapaang ito hanggang maipamana sa susunod na salinglahi.
Upang lumawak at lumalim ang usaping ito sa mga kategoryang ng pagmamay-ari ng tahanan o kapayapaan, maaari pa itong dagdagan ng ilang kategorya tulad kategorya sa uri ng tahanan o kapayapaan at kategorya sa proseso ng pag-angkin at pagbubuo ng tahanan o kapayapaan. Pansamantala, sapat na marahil sa ngayon ang mga nabanggit na kategorya sa itaas upang tuparin ang layunin ng papel na ito na maaaring ihulma o i-reframe ang diskurso sa pagbubuo ng kapayapaan batay sa mga hulagway ng kamalayan mayroon sa konteksto ng isang bayan o lipunan.
V. Pagtatayo ng Tahanan: Isang Hulagway ng Integrasyon ng Pagbubuo ng Kapayapaan, Ispirituwalidad at Pagpapaunlad ng Pamayanan
a. Pagtatayo ng Tahanan Bilang Bagong Lokus ng Pagbubuo ng Kapayapaan at Pagpapaunlad ng Pamayanan
Sa nakalipas na mga pahina, sinubukan kong ipakita na ang tahanan ang pangkalahatang sumisimbolo sa mga pagpapahalaga ng karaniwang mga mamamayan at pambansang hangarin.
Sa Kanluran at maunlad na mga bansa, ang tahanan ay itinuturing na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Subalit sa kamalayang Filipino, higit pa sa pangunahing pangangailangan ang isang tahanan sapagkat ang tahanan ang kumakatawan sa lahat. Kung kaya’t ang ang pagpapa-unald ng pamayanan ay isa lamang sa proseso at pamamaraan upang maabot ang inaasam na kapayaapan. Maaari nating ilarawan ang bagong diskursong ito sa pamamagitan ng larawan sa ibaba:

Hindi ito nangangahulugan na kapag nabigyan na ng bahay ang bawat Filipino ay mayroon nang kaunlaran at kapayapaan. Subalit ang bahay ay pangunahing pangangailangan sa pagkakaroon ng isang tahanan.
b. Pagtatayo ng Tahanan Bilang Hulagway ng Ispirituwalidad ng isang Ganap na Buhay at Kasiya-siya.
Tatlong taon na ang nakalipas, isang grupo mula sa maralitang pamayanan sa Lungsod ng Kalookan ang sumailalim sa pagsasanay na pinangasiwaan ko noon. Ang grupong ito ay mga lider at kasapi ng isang simbahan na tinawag nilang Komunidad ng Simpleng Simbahan sa Bagong Silang (KSSBS). Ang pagsasanay ay tumagal ng sampung buwan tuwing araw ng Sabado at tinawag Sertipiko sa Holistikong Ministeryo.
Ang pagsasanay ay magsisimula sa isang tatlong araw at dalawang gabi na oryentasyon. Binigyang diin sa pagsasanay na ang holistikong ministeryo ng simbahan ay nakaangkla sa metapor na ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ na hango sa Juan 10:10. Bago matapos ang oryentasyon, pipinta ang mga kalahok ng isang larawan ng isang pangarap kung saan makikikita ang isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’.
Sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ (tingnan ang Paglalarawan 3 sa susunod na pahina) ay makikita, mula sa paliwanag ng mga kalahok, ang isang tahanan na may tibay (sinasagisag ng hugis V na bubong upang kayanin ang maiimbak ng tubig mula sa ulan), kaliwanagan (sinasagisag ng ilaw), kabusugan (sinasagisag ng hapag kainan na may nakahaing kanin), maayos na kalusugan (sinasagisag ng first aid kit), kaluwagan (sinasagisag ng mga dingding na malaki pa sa mga puno), kapahingahan (sinasagisag ng duyan), ang pananampalataya ay nakikita ng iba (sinasagisag ng ‘SALITA’ sa labas ng tahanan), ligtas sa kasamaan (sinasagisag ng kawalan ng bakod), maligayang pamilya (sinasagisag ng 3 bata at dalawang matanda na naglalaro sa bakuran) at makakalikasan (sinasagisag ng mga puno at halaman sa bakuran).
Pansinin na ang mga paliwanag sa mga sagisag ng bahagi ng tahanan sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ ay hindi nalalayo sa mga tinukoy na pinahahalagahang kagalingan ng mga Pilipino batay sa pananaliksik na kinomisyon ng UP-CIDS noong 1997 (Sycip, Asis & Luna 1999). Ayaw ko sabihin na ito ay malaking pagkakataon lamang subalit malaki ang posibilidad na ang tahanan bilang lokus ng kapayapaan at ganap na buhay ay tila nakatagong hulma sa kamalayang Pilipino, na ang kaunlaran ay nakikita sa pagkakaroon ng higit pa sa isang tahanan. Isang propesor halimbawa ng tanyag na pamantasan ang may sarili nang bahay subalit kumuha pa rin ng isang yunit ng kondo para sa personal na espasyo. Isang pangulo, bagamat walang asawa at anak, ng isang pangkaunlarang samahan ang, nagmamay-ari ng tatlong kondo. May pinsan akong OFW at kapatiran sa simbahan na ang asawa ay OFW din ay parehong inilagak ang kanilang kita sa pagbili ng mga bahay. Subalit ang mga ito ay isa nang paglihis sa pangunahing paksa at maaaring suriin sa ibang pagkakataon.

Balik tayo sa metapor na pangarap ng KSSBS. Ang metapor na ito ay niyakap ng buong kasapian ng KSSBS kung kaya’t sa kanilang Pangitain na nilikha noong nakalipas na taon ay mababasa ang mga sumusunod:
Nais naming makita ang mga ito pagkatapos ng 10 taon: sama-samang nagnenegosyo, nagtatrabaho, nagpapaaral ng mga anak, nagmamalasakit sa komunidad, nagmamay-ari ng bahay at lupa at lumaya sa pagkakautang upang ipahayag ang aming matingkad at simpleng patotoo bilang pamayanan ng Diyos (ang Italics ay sa akin).
Sa kasalukuyan, bukod sa sama-samang pagnenegosyo sa pamamagitan ng isang bigasang kooperatiba at sama-samang pagpapaaral ng tatlong kabataan sa kolehiyo, isang kasapi ng KSSBS ang naghandog ng kanyang 180 metro kuwadrado na lupa upang tayuan ng tatlong palapag na gusali upang maging tahanan ng anim na pamilya na nakatira sa tabi ng sementeryo, kanal at mga delikadong lugar.
c. Pagtatayo ng Tahanan Bilang Hulagway ng Bansang Pilipinas
Alinsunod sa Batas Republika Blg. 1265 na ipinatupad noong 1955, ang Panatang Makabayan ay kailangang bigkasin sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan pagkatapos awitin ang Pambansang Awit, ang Lupang Hinirang (Wikipedia 2009). Mula sa pambansang sagisag ng panunumpa ng katapatan kung saan opisyal na nakatitik ang salitang ‘Tahanan’ bilang metapor ng bansang Filipinas na siyang nagsilang sa lahing Filipino, kung saan “kinukupkop at tinutulungang maging malakas, masipag at marangal” ang bawat supling o mamamayan nito (tingnan ang Paglalarawan 4 para buong teksto ng Panatang Makabayan).

Mapapansin din na ang mga sagisag ng ispirituwalidad ay hindi lamang nakapaloob sa mga relihiyosong ritwal at sagisag kundi matatagpuan din sa pambansang mga ritwal at sagisag tulad Panatang Makabayan kung saan nakatitik ang mga salitang pagmamahal, paglilingkod, pagdarasal at pag-aalay ng buhay na madalas marinig o makita sa ispirituwalidad ng mga relihiyosong pangkat.
Kung kaya’t ang pagkakaroon ng isang mapayapa at maunlad na bansa ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mga tahanang may pagmamahalan, respeto, paglilingkod, pagsasakripisyo, pagdarasal at pag-aalay ng buhay para sa bawat isang nanahanan dito; maayos, maluwag, matibay na tahanan kung saan ang mga nananahanan ay may kabusugan, kaliwanagan, katahimikan, kapanatagan, katiwasayan, nagmamahalan, nagrerespetuhan, naglilingkod at nagtutulungan sa isa’t isa.
*Ipinasa Bilang Pagtupad sa isa sa mga Pangangailangang Hinihingi sa AsignaturangCommunity Based Peacebuilding Strategies para sa Kursong Masterado sa Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Unibersidad ng Pilipinas. Oktubre 2013
References:
Barash, David P. & Webel, Charles P. 2002. PEACE AND Conflict STUDIES. Thousand Oaks, CA: SAGE Publications.
Broucke, N. V. 2012. RELATIONSHIPS: THE BEATING HEART OF DEVELOPMENT. A Term Paper Submitted to College of Social Work and Community Development, University of the Philippines. Photocopy.
Chittister, Joan D. [n.d]. Empowerment and Spirituality in Richard Rohr: Illuminations of His Life and Work (Ebert, A & Brockman, P. C, Eds), 1993, New York: The Crossroad Publishing company
De La Cruz, Arven. 2011. Postmodernism. A written report submitted to Prof. Anne De Jesus –Ardina of Youth Ministry, Alliance Graduate School in Quezon City, Ph. Personal copy.
De La Cruz, Arven. 2012. Microcredit at Pagpapaunlad ng mga Kababaihan: Isang
Pagsusuri sa Punto de Bista ng Kabuuan. A term paper submitted to Prof. T. V. Barrameda of the College of Social Work and Community Development of the University of the Philippines, Quezon City. Personal copy.
English, L. J. 1986. TAGALOG-ENGLISH DICTIONARY. Manila: National Bookstore.
Galtung, Johan. 1996. PEACE BY PEACEFUL MEANS: Peace, Conflict and Civilization. London: SAGE Publications Ltd.
Geyer, Robert. 2003. “Europeanisation, Complexity, and the British Welfare State.” A Paper presented to the UACES/ESRC Study Group on The Europeanisation of British Politics and Policy-Making, Department of Politics, University of Sheffield. https//aei.pitt.edu/1719/1/Geyer.pdf. Date Accessed: September 3, 2012
Holmes, R. & Gan, B. 2005. NONVIOLENCE in THEORY and PRACTICE. Long Grove, Illinois: Waveland Press
Ingersoll, Elliott. 1996. The Spiritual Wellness Inventory. elliottingersoll.com/Spiritual_Wellness_Test.html. Date Accessed: February 14, 2013.
Labuschagne, W. & Heidema, J. 2011. Leibniz to Lakoff: language as instruments of peace. www.thefreelibrary.com/Leibniz+to+Lakoff%3A+language+as+instrument+for+peace.-a0272740104. Date Accessed: April 1, 2013.
Lakoff, George. 2004. don’t think of an elephant! KNOW YOUT VALUES AND FRAME THE DEBATE. Vermont, Canada: Chelsea Green Publishing
_____________. 2008. Idea, Framing, Metaphors and Your Brain. San Franciso, CA: Commonwealth Club of California. https//www.youtube.com/watch?v=S_CWBjyIERY. Date Accessed: March 5, 2012
Lederach, John Paul. 1995. PREPARING FOR PEACE: CONFLICT TRANSFORMATION ACROSS CULTURES.
_____________.1997. BUILDING PEACE: SUSTAINABLE RECONCILIATION IN DIVIDED SOCIETIES.
Ledesma, Cesar R. 1997. A Journey Back to Spirituality in Spirituality, Integral Development and Democracy. 1997. (Eds: Ledesma C., & Espero, M.). Davao City, PH: TACDRUP.
Madrazo, Mike. 2011. What Is The Most Important Thing For You? in Filipino | Definitely Filipino™. https://definitelyfilipino.com/blog/2011/07/13/what-is-the-most-important-thing-for-you/. Date Accessed: April 1, 2013.
Manalo, Fermin, Jr. 2009. Conflict Transformation, Peacebuilding and Community Development: An Exploration On Disciplinal Integration. A revised version of the paper presented during the First Asia Pacific Regional Conference on Community Development, May 7-8, 2009 held at the University of the Philippines - College of Social Work and Community Development.
Mendoza, Mariquita S., & Narito, Zone C. 1992. Spirituality, the Activist, and the Social Movements. Manila: Socio-Pastoral Institute & Bangkok: Asia Cultural Forum On Development.
Nagler, M. 2004. THE SEARCH FOR A NONVIOLENT FUTURE. Novato, CA: New World Library.
Newberg, Andrew & Waldman, Mark Robert. 2006. WHY WE BELIEVE WHAT WE BELIEVE: Uncovering Our Biological Need for Meaning, Spirituality, and Truth. New York, NY: Free Press.
Philippine Bible Society. 2005. Magandang Balita Bibliya: Tagalog Popular Version. Manila: Philippine Bible Society.
Philippine Census. 2000. Philippines - 2000 Census of Population and Housing, 10% sample. www.census.gov.ph/nsoda/index.php/catalog/78/variable/V156?ajax=1&css=true&title=true. Date Accessed: April 1, 2013.
______________. 2008. Philippines - 2008 Annual Poverty Indicators Survey, Sixth round. www.census.gov.ph/nsoda/index.php/catalog/79/variable/V375?ajax=1&css=true&title=true. Date Accessed: April 1, 2013
O Murchu, Diarmund. 2007. Reclaiming Spirituality. Quezon City, Philippines: Claretian Publications.
Ramsbotham, O., Woodhouse, T. & Miall, H. 2011. Contemporary Conflict Resolution. 3rd Ed. Cambridge: Polity Press.
Russell, Letty M. 1981. The Future of Partnership. Philadelphia: John Knox Press. (1993). Church in the Round. Philadelphia: John Knox Press.
Santos, Arnel. 2012. Tahan na | Opinion, News, The Philippine Star | philstar.com. www.philstar.com/opinion/2012-09-16/849511/tahan-na. Date Accessed: November 13, 2012.
Santos, Victor C. 1978. Pilipino-English Dictionary. Caloocan, PH: Philippine Graphic Arts, Inc.
Sentro ng Wikang Filipino & Sistemang Unibersidad ng Pilipinas. 2001. UP DIKSIYONARYONG FILIPINO. Pasig City, PH: Anvil Publishing, Inc.
Sycip, Ly, Asis, Maruja Milagros & Luna, Emmanuel. 1998. The Measurement of Filipino Well-being: Findings from the Field. https://cids.up.edu.ph/chronicle/articles/ chronv3n2/chronv3n2_infocus12_pg5.html. Date Accessed: April 1, 2013.
Wikipedia. 2009. Panatang Makabayan. http://tl.wikipedia.org/wiki/Panatang_Makabayan. Date Accessed: April 1, 2013.
Wolf, A. 2008. “Healing the Enlightenment Rift: Rationality, Spirituality and Shared Waters.” Journal of International Affairs. Vol. 61 #2, Spring/Summer 2008. pp. 51-73.
Wright, Walter A. 2004. John Paul Lederach: A Peacebuilder Bibliography. http://www.mediate.com/articles/wrightw2.cfm. Date Accessed: March 19, 2013
Yeh, Allen. Premodern vs. Modern vs. Postmodern: Why does it matter to Evangelicals? http://www.scriptoriumdaily.com/2009/12/22/premodern-vsmodern-vs-postmodern-what-does-it-matter-to-evangelicals/. Date Accessed: February 7, 2011
Categories: Standpoints and Alternatives
The words you entered did not match the given text. Please try again.
Oops!
Oops, you forgot something.