A Friend of the People of the Cross

MY JOURNEY IN ALTERNATIVE AND TRANSFORMATIONAL FAITH, COMMUNITY, EDUCATION AND DEVELOPMENT

Blog

Pangangailangan ng Muling Paghuhulma sa mga Hulagway ng Namamayaning Kamalayan sa Pagpapaunlad ng Pamayanan

Posted by Arven De La Cruz on April 16, 2014 at 6:30 PM

 

Pangangailangan ng Muling Paghuhulma sa mga Hulagway ng Namamayaning Kamalayan sa Pagpapaunlad ng Pamayanan*


 

Pambungad


Dekada 50 nang unang ginamit ang mga katagang Pagpapaunlad ng Pamayanan o Community Development sa antas ng Gabinete ng gobyerno ng Filipinas. Mula huling bahagi ng dekada 50 hanggang huling yugto ng dekada 70, ang Gross National Product o GNP ng Filipinas ay lumubo ng 279.53% o halos triple ang itinaas ng ekonomiya. Subalit kasabay ng pag-unlad na ito batay sa GNP ay tumaas din ang bilang ng mga mahihirap mula 39% noong 1971 hanggang umabot ng 69% noong 1975 (Esperanza 1985). Ibig sabihin ang pag-unlad ay naranasan lamang ng iilan.


Sa kasalukuyan, hindi na tinatanong ang bilang ng mahihirap. Halata kasing bahagi na ito ng buhay. Kaya ang diskurso sa nasyonal na usapin ay nakatuon na sa bilang ng mga nagugutom. At kung pagbabatayan ang mga sarbey ng Social Weather Station noong nakalipas na taon, 23% o 3.9 milyong pamilyang Filipino ang regular na nakakaranas ng gutom (Mangahas 2012). Kahirapan sa anyo ng pagkagutom pa lamang iyan. Halos hindi dito nalalayo ang kalagayan kung pag-uusapan pa ang ibang anyo o index ng pag-unlad ng mga Filipino at mga pamayanan nito.


Pero paanong nangyari ang lahat ng ito gayong mahigit kalahating siglo na ang disiplina ng pagpapaunlad ng pamayanan?


Ang paunang tugon marahil ay makikita sa pangkalahatang kuwento nang pagsasagawa ng pagpapaunlad ng pamayanan. Isang organisador mula sa akademya o sektor ng pagnenegosyo o NGO ang pupunta sa isang maralitang pamayanan upang kunwari o tunay na makikipamuhay, makikipag-aralan sa mga tao sa tunay na kalagayan at pagtukoy sa mga kagyat na suliranin ng pamayanan, gagapangin ang mga tao na lumahok sa mga pagpupulong at suportahan ang gawain o proyekto o samahan na tutugon sa mga natukoy na suliranin, tutulong maisagawa ang mga napagkasunduan at palalakasin ang samahan. Kapag naging regular na itong ginagawa ng mga tao sa maralitang pamayanan, tapos na ang pag-oorganisa ng organisador, huwad o tunay man ang kanyang motibo. Aalis na siya upang ipamamalita ang ‘tagumpay’ na ito at lilipat naman ng ibang maralitang pamayanan.


Ang mga hindi nababanggit sa itaas na pangkalahatang kuwento ng pagpapaunlad ng pamayanan ay ito: na ang organisador ay nakapagtapos ng kolehiyo o kaya sinasahuran ng isang organisasyon o korporasyon; na ang mga natukoy na suliranin at tugon ay nakaangkla sa mga programa o proyekto ng organisasyon o korporasyon na nagpapasahod sa organisador; na ang samahang nabuo sa maralitang pamayanan ay obligado nang mag-ulat ng kanilang ginagawa sa organisasyon o korporasyon na tumutulong sa kanila; na ang ‘tagumpay’ ay nangangahulugan ng karagdagan donasyon o kita sa organisasyon o korporasyon at dagdag na ‘credential’ sa organisador; na ang Filipinas ay binansagang “NGO capital of the world” (PDI 2011http://opinion.inquirer.net/6139/the-ngo-capital-of-the-world) subalit nananatiling maralita ang mga pamayanang tinutulungan at inoorganisa ng mga ito sa ngalan ng pagpapaunlad ng pamayanan.


Ang mga obserbasyon ni Cesar Ledesma (1997), may malawak na karanasan sa panlipunang pagpapaunlad simula hanggang matapos ang Batas Militar, na isiniwalat ko sa isang papel (De La Cruz 2013) ay mainam ulitin dito. Ani Ledesma,


…sumali siya sa isang partido pulitikal na ang ideolohiya ay malapit sa kanyang mga prinsipyo at itinataguyod ang hindi marahas na paraan ng pagbabago. Nagwagi naman sila sa pamamagitan ng EDSA rebolusyon noong 1986. Ang ilan niyang mga kasama ay napunta sa Gabinete ng bagong gobyerno at siya mismo ay itinalagang kasapi ng lehislatura ng Davao City.


Tunay ang kanyang paniniwala na sila ang maghahatid ng totoo at ganap na pagbabago kapag nanalo at nabigyan ng kapangyarihang pulitikal. Subalit labis siyang nadismaya.


Sa maiksing panahon, ang kanyang mga kasama na itinuring niyang kapwa-bayani sa EDSA People Power ay naging sakim at uhaw sa kapangyarihan, at binalewala ang interest at pangangailangan ng mga karaniwang tao. Ang mga hindi nabigyan ng posisyon sa gobyerno ay naging maigting na kritiko ng bagong administrasyon. Ang mga mamamayan na inaasahang magpapatuloy ng ipinaglabang rebolusyon ay bumalik sa pananahimik at walang pakialam. Pagkalipas ng 10 taon, ang kalagayang panlipunan, pulitikal, pangkabuhayan at kultural ay hindi nagbago.


Namasdan niya subalit hindi maunawaan kung bakit maraming tao at samahan ang matapos magtagumpay ay nagsisimulang humina hanggang mawasak at ang mga proyektong magandang nasimulan ay natapos na kabiguan. Nakita niya na hindi kawalan ng kakayahan ang dahilan kundi dahil sa kasakiman at pag-aagawan ng kapangyarihan. Kahit ang mga indibidwal na natulungang umangat sa antas kalagayang sosyal at pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga proyektong pangkomunidad ay unti-unti rin nilimot ang kanilang sosyal at moral na responsibilidad na tulungan ang ibang nangangailangan. Maraming mga manggagawa ng debelopment na pagkatapos ng ilang taon lamang ay mas naging masidhi sa paghingi ng dagdag na sahod at benepisyo kesa pagbutihin ang kanilang ginagawa. Ang mga organisasyong pangdebelopment naman, katulad ng kanyang itinayong Technical Assistance Center for the Development of Rural and Urban Poor (TACDRUP), ay mas inuuna ang sustenabilidad ng organisasyon kaysa sugpuin ang kahirapan ng mga komunidad na kanilang tinutulungan at palayain ang mga ito sa anumang opresyon na kanilang dinadanas.


Dahil dito, may sapat na batayan na itanong sa ating sarili kung sapat ba talaga ang ating mga pananaw at pamamaraan na ginagawa, tayo man ay nasa CSO, pamahalaang lokal at nasyunal, at mga internasyunal na institusyon upang maghatid ng inklusibong pag-unlad? Paano susugpuin ng mga grupo o institusyong nabanggit ang kahirapan gayong ang pagsugpo dito, ang pagkakaroon ng ganap na pag-unlad, ay nangangahulugan nang paghinto ng mga gawain o proyektong nagbibigay sa kanila ng kabuhayan? Hindi kaya ang pag-unlad ay lumilikha ng mas maraming problema kaysa sa tinutugunan nitong pangangailangan?


Walang katapusang tanong ang maaari nating likhain mula sa mga isyu at hamon sa pagpapaunlad ng pamayanan. Kaya maaaring ipokus ang ating mga tanong sa ganito: angkop ba sa kamalayan ng indibidwal o pamayanang binabago o pinauunlad ang mga namamayaning kamalayan sa pagpapaunlad ng pamayanan? O magkatugma ba ang kamalayan ng naghahatid ng pag-unlad sa kamalayan ng indibidwal o pamayanang pinauunlad? Para mas pokus, ang kamalayan ba ng naghahatid ng pag-unlad ay akma sa kamalayan ng pamayanan o individual na kanyang tinutulungang o sinasamahang umunlad? Naitanong ko ito sapagkat tila may iskandalong nangyayari dahil sa patuloy na lumalaking diskoneksiyon sa pagitan ng hinahangad na pag-unlad at sa nagaganap na realidad. Dahil dito, tila may pangangailangan na muling tingnan ang mga hulagway o metapor ng mga kamalayan na may kinalaman sa pag-unlad sa sapagkat nagaganap lamang ang pagkilos o pagbabago, ayon sa isang paham, batay sa kung ang hulagway ng pagkilos o pagbabago ay akma sa hulagway o hulma ng kamalayan mayroon sa isang indibidwal o pamayanan (Lakoff 2004).


 

Pangangailangan ng Muling Paghuhulma sa Hulagway ng Pagpapaunlad ng Pamayanan


Ayon kay George Lakoff (2004), isang dalubhasa sa larangan o siyensiya ng Kognitibo at Wika kung saan siyentipikong pinag-aaralan ang relasyon ng dalawa, ang utak ng tao ay katulad ng isang video camera na nirerekord ang bawat nakikita sa bawat frame o hulmahan na mayroon sa imbakan nito ng mga imahe. Kung kaya’t ang tao ay nag-iisip ayon sa frame o hulma na nakapaloob sa kanyang isip. Ang hulmang ito ang nagsasabi kung ano ang ating nanaisin, paplanuhin, gagawin at pahahalagahan mabuti man ito o masama. Kung kaya’t kailangan, dagdag ni Lakoff na mayroong patuloy na paghuhulma o reframing upang magkaroon ng pagbabago. At dahil ang wika ang nagbubukas ng mga hulma o metapor sa ating isip, kailangan din magkaroon ng mga bagong wika, bagong kahulugan, bagong metaphor upang mapakilos ang mga tao nang iba sa kinagawian nito.


Mahalaga ang muling paghuhulma sapagkat, kung tama si Lakoff (2004), bawat salita na ating binibitiwan ay nagmumula sa isang metapor, hulagway o hulma mula sa ating kamalayan. Halimbawa, kung ang pakahulugan natin sa kaunlaran ay ang pagkakaroon ng mga modernong imprastrakturang pangsosyal, pangkabuhayan at pangpulitikal, ang mga ito lamang ang magiging batayan ng ating mga pag-uusap at pagkilos kahit na ang mga pag-uusap at pagkilos na ito ay nakakapinsala sa kalikasan, ugnayan ng mga maybuhay at ispirituwalidad ng karamihan lalo na ng mga katutubo, at pagkakaroon ng mga kumpol na barong-barong sa tabi ng mga riles, gilid ng mga estero, loob ng sementeryo at ibabaw ng mga dalampasigan.


Mahalaga rin ang panibagong paghuhulma sapagkat ang mga tao ay kumikilos hindi batay sa kung ano ang Totoo o Tunay kundi batay sa kanyang mga pagpapahalaga kahit na ito ay hindi pabor sa pansariling kagalingan (Lakoff 2004). Ibig sabihin, hindi lang sapat na ipaliwanag ang kaunlaran katulad ng mga nabanggit sa itaas. Kinakailangang ito ay nakatali o nakaugnay sa pagpapahalaga at pansariling kagalingan ng mga tao upang maabot o marating ang antas ng kaunlaran na minimithi.


Ilan sa mga halimbawa nang mga hulagway na kailangan ng muling paghuhulma ay ang mga hulagway pangkomunikasyon, papel ng mga manggagawa ng kaunlaran at punto de bista sa diskurso ng pagpapaunlad ng pamayanan.


 

Hulagway Pangkomunikasyon sa Pagpapaunlad ng Pamayanan


Isang Hesuwita na nagngangalang Pedro Murillo Velarde ang dumating sa Filipinas noong ika-18 siglo at sumulat ng kanyang naobserbahan sa paraan ng mga Indio sa pakikipag-usap. Aniya, kapag ang mga Indio ay tinatanong, sumasagot sila ng ‘Oo’ o ‘Hindi’ kahit hindi nila lubos na naiintidihan ang sinasabi ng dayuhang kausap. Kung kaya’t sila ay nagtataka subalit natutuwa na napakaraming Indio at kababaihan ang nagtitika, nangungumpisal, nangungumunyon pagkatapos ng pangangaral o sermon na hindi naman nila naiintidihan dahil ito ay ginaganap sa wikang Latin (Velarde 1749: 30-44 na nabanggit sa Maggay 2002: 10-11). Sa aking palagay ay totoo ito sa kasalukuyang diskurso ng pagpapaunlad ng pamayanan. Ang mga tao ay sumasagot lang ng ‘Oo’ o ‘Hindi’ kahit hindi nila lubos na naiintindihan ang mga wika o termino na ginagamit ng mga nagtataguyod ng pagpapaunlad ng pamayanan, indibidwal man ito o samahan, sapagkat mas mahalaga sa kanila ang pakinabang na makukuha dito. (Mainam din sana tukuyin kung naiintindihan din ng lubos ng mga nagtataguyod ng pagpapaunlad ng pamayanan ang mga wika o termino ng ginagamit nila sa paghahatid ng transpormasyon. Subalit wala nang panahon ang mag-aaral na ito para galugarin pa ang interesanteng isyu na ito.)


Si Melba Maggay, sa kanyang aklat na Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino, ay nagsabi na ang mga gawing pangkomunikasyon ng mga Filipino, sinasabing “high context” o hindi direkta, ay taliwas sa gawing pangkomunikasyon ng mga Kanluranin na tinatayang “low context” o direkta. Sa huli, ang gawing pangkomunikasyon ay tahas, payak, at nakabatay sa lantad na Kodigo at panuntunan. Ganito sila sapagkat ang kanilang lipunan ay hinubog kamakailan lamang o melting pot ng mga kultura kumbaga. Sa Filipino, ang gawing pangkomunikasyon ay maligoy, sadyang hindi tuwiran at nagkakaunawaan gamit lamang ang pakiramdam. Ganito ang Filipino sapagkat ito ay may mataas na pagbabahaginan na hinubog ng mahabang panahon (Maggay 2002).


Ano kung gayon ang diskonek sa hulagway pangkomunikasyon sa diskurso ng pagpapaunlad ng pamayanan?


‘Mas magandang buhay” o “better life” ang namamayaning kahulugan at layunin ng debelopment (Pete & Hartwick 2009 1). Kung kaya’t lahat ng pamamaraan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan ay patungo sa pagkakaroon ng ‘mas magandang buhay’ ng mga indibidwal at pamayanan. Subalit kung ano ang ‘mas magandang buhay’ na ito ay madalas nakabatay sa Kanluraning hulma: pagkakaroon ng mas higit na yaman, kapangyarihan at karunungan. Kaya dito pumapasok ang mga diskurso sa pagpapaunlad ng pamayanan ang mga usapin ng access sa yaman, empowerment ng mga mahihina o walang kapangyarihan at conscientization o pagmumulat ng mga pamayanan. Subalit sa mahigit kalahating siglo ng ganitong diskurso mas dumami ang mahihirap na mga tao at pamayanan. Bakit kaya? Ang dahilan marahil ay ito: Hindi akma ang hulmang ito sa hulagway ng kamalayan ng mga Filipino. Kung ganoon, ano ang hulagway ng pag-unlad sa kamalayang Filipino?


 

Epiko ni Tulalang

Sa yugtong ito, sulyapan natin ang isang sinaunang epiko na itinuturing na nalikha bago pa man dumating ang mga Kastila, ang epikong Tulalang ng mga Manobo. Si Tulalang, panganay ng anak ang mag-asawang mahirap at ang bida sa epiko, ay pumunta sa kagubatan upang maghanap ng bunga ng ratan na kanilang kakainin. Siya ay nakasumpong doon ng matanda na nagbigay sa kanya ng kahilingan na mangyari anuman ang naisin niya at ng kanyang tatlong kapatid. Sa kanyang pagbabalik, siya at kanyang mga kapatid ay nanagana at nagpatayo ng isang “torohan” o napakalaking bahay. Dahil dito sila ay nabantog sa buong kapuluan, ang iba’t ibang tribu ay lumapit sa kanilang tahanan upang pumailalim sa kanilang kapangyarihan. May mga halimaw na sumalakay sa kanilang ‘torohan’ subalit buong giting na nakipaglaban si Tulalang at kanyang mga kapatid hanggang magtagumpay. Isang araw, iniutos ni Tulalang sa lahat na manalangin sa loob ng apat na buwan upang bumaba ang ‘sarimbar’ na galing sa langit na kanilang sasakyan paakyat upang doon na manirahan. Pagkatapos nito, ang mga kapatid ni Tulalang at ang lahat ng mamamayan niya ay naging maligaya sa kalangitan at nagtamo ng buhay na walang hanggan (Villanueva & San Miguel1997).


Hindi nabanggit sa epiko ang salitang kaunlaran o mga kaugnay na salita nito. Subalit ang salitang kasaganaan at kaligayahan ay mababasa sa kuwento. Kakabit ng mga hulagway na ito ang pagkakaroon ng malaking bahay o tahanan. Dahil sa pagkakaroon ng malaking bahay o torohan, kaya lumapit ang mga karatig tribu upang pasakop sa kapangyarihan ni Tulalang. Kaya pati sila ay kasamang nanirahan ng maligaya sa kalangitan. Kung saan man ang ‘kalangitang’ ito, doon ay may ilog at maaring mapangasawa ng mga taga-lupa tulad ni Tulalang ang mga kadalagahan doon. Subalit ito ay paglihis na sa paksa. Nais ko lang iugnay na sa isang mahirap na katulad ni Tulalang, ang kaunlaran o mas magandang buhay ay nakapaloob sa hulagway ng kasaganaan na ang kongkretong ekspresyon ay ang pagkakaroon ng isang malaking bahay at ang metapor ng kaligayahan ay makalangit na lugar nang paninirahan.


Interesanteng malaman na ang mga hulagway ng bahay o tahanan bilang kongkretong kapahayagan ng kasaganaan ay nakapaloob pa rin sa kasalukuyang kamalayan ng mga Filipino.


 

Kagalingang Hangad ng mga Filipino

Sa isang sarbey na pananaliksik ng UP-CIDS noong 1997 na pinamagatang The Measurement of Filipino Well-being, lumitaw na sa 102 mahalagang bagay na tinukoy ng mga kalahok, ikapito (7th) sa mga pinahahalagahan ng mga Filipino ang pagmamay-ari ng bahay na umani ng 98.6 na bahagdan. Ang unang anim ay ang mga sumusunod: respeto mula sa pamilya, pananampalataya sa Diyos, pagiging Filipino, panalangin at pagninilay, pagmamahal ng magulang at mga kapatid, at regular na pagkain (Sycip, Asis, Luna 1998).


Kung susuriin natin ang mga bahagi ng isang tahanan, karaniwan nating makikita na mayroon itong bubong, dingding, bintana, pintuan, sala, kusina, hapag kainan, palikuran o batalan, silid tulugan at dambana o altar. Kahit isang pinakapayak na tahanan na ang buong bahay ay isang silid lamang o mayroon lamang nang unang apat na bahagi, ang buong silid o bahay mismo ang nagiging sala, kusina, kainan, palikuran, tulugan, libangan at altar ng isang pamilya. Kung kaya’t masasabi ko na ang kagalingan o well-being ng isang pamilyang Filipino ay nakaugnay mismo sa kanyang tahanan. Ang respeto mula sa magulang at pagmamahal ng magulang at kapatid ay higit na naipapamalas sa mga gawi, ugnayan, sistema at kultura mayroon sa loob ng tahanan. Ang pananampalataya at panalangin at pagninilay ay nakaugnay sa mga altar o dambana na madalas ay nasa isang sulok ng tahanan. Ang pagiging Filipino ay maaari rin ipamalas sa uri ng istruktura ng at wika na ginagamit sa loob ng bahay. Ang regular na pagkain ay niluluto sa kusina at inihahain sa hapag-kainan.


Ang iba pang pangunahing bagay na mahalaga sa mga Filipino sa lumitaw sa pag-aaral na ginawa ng UP-CIDS (Sycip, Asis, Luna 1998) ay nakaugnay din sa mga bahagi ng tahanan. Ang kaligtasan mula sa krimen o kasamaan (8th) ay nakaugnay sa matibay na dingding, bubong pintuan at bintana ng isang tahanan. Ang pagmamahal ng mga anak (10th), magandang relasyon sa asawa (14th) at magkasama ang mga anak (15th) ay higit na matutunghayan sa loob ng isang tahanan at pinagtitibay ng kahit na anong bahagi nito. Ang kapayapaan ng isip (12th) ay nakaugnay sa silid-tulugan bagamat sa akin minsan ito ay mas nararanasan ko sa loob ng aming palikuran. Ang mahabang buhay (11th) ay nakaugnay sa tibay ng tahanan at ugnayang nakapaloob sa loob nito. Ang makagawa ng mabuti sa kapwa (13th) ay nakaugnay sa sala kung paano mo siya pakiharapan, sa libangan kung paano mo siya aliwin o hapag-kainan kung paano mo siya busugin.


Maaaring ipalagay na maari lamang malikot ang aking imahinasyon kaya nakikita ko ang mga bagay na hindi naman direktang sinasabi doon sa sarbey. Kung ganoon, nais kong ibahagi pa ang isang kuwento.


 

Larawan ng Buhay na Ganap at Kasiya-siya

Tatlong taon na ang nakalipas, isang grupo mula sa maralitang pamayanan sa Lungsod ng Kalookan ang sumailalim sa pagsasanay na pinangasiwaan ko noon. Ang grupong ito ay mga lider at kasapi ng isang simbahan na tinawag nilang Komunidad ng Simpleng Simbahan sa Bagong Silang (KSSBS). Ang pagsasanay, tinawag na Sertipiko sa Holistikong Ministeryo, ay tumagal ng sampung buwan tuwing araw ng Sabado.


Ang pagsasanay ay nagsimula sa isang tatlong araw at dalawang gabi na oryentasyon. Binigyang diin sa oryentasyon na ang holistikong ministeryo ng simbahan ay nakaangkla sa metapor na ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ na hango sa Juan 10:10. Bago natapos ang oryentasyon, puminta ang mga kalahok ng isang larawan ng isang pangarap kung saan makikikita ang isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’.


Sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ (tingnan ang Paglalarawan sa susunod na pahina) ay makikita, mula sa paliwanag ng mga kalahok, ang isang tahanan na may tibay (sinasagisag ng hugis V na bubong upang kayanin ang maiimbak ng tubig mula sa ulan), kaliwanagan (sinasagisag ng ilaw), kabusugan (sinasagisag ng hapag kainan na may nakahaing kanin), maayos na kalusugan (sinasagisag ng first aid kit), kaluwagan (sinasagisag ng mga dingding na malaki pa sa mga puno), kapahingahan (sinasagisag ng duyan), ang pananampalataya ay nakikita ng iba (sinasagisag ng ‘SALITA’ sa labas ng tahanan), ligtas sa kasamaan (sinasagisag ng kawalan ng bakod), maligayang pamilya (sinasagisag ng 3 bata at dalawang matanda na naglalaro sa bakuran) at makakalikasan (sinasagisag ng mga puno at halaman sa bakuran).


Pansinin na ang mga paliwanag sa mga sagisag ng bahagi ng tahanan sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ ay hindi nalalayo sa mga tinukoy na pinahahalagahang kagalingan ng mga Filipino batay sa pananaliksik na kinomisyon ng UP-CIDS noong 1997 (Sycip, Asis & Luna 1998). Ayaw ko sabihin na ito ay malaking pagkakataon lamang subalit malaki ang posibilidad na ang pagkakaroon ng tahanan bilang lokus ng diskurso sa pagpapaunlad ng pamayanan ay tila nakatagong hulma sa kamalayang Filipino, na ang kaunlaran ay nakikita sa pagkakaroon ng higit pa sa isang tahanan. Isang propesor halimbawa ng tanyag na pamantasan ang may sarili nang bahay subalit kumuha pa rin ng isang yunit ng kondo para sa personal na espasyo. Isang pangulo, bagamat walang asawa at anak, ng isang pangkaunlarang samahan ang nagmamay-ari ng tatlong kondo. May pinsan akong OFW at kapatiran sa simbahan na ang asawa ay OFW din ay parehong inilagak ang kanilang kita sa pagbili ng mga bahay. Subalit ang mga ito ay isa na namang paglihis sa pangunahing paksa at maaaring suriin sa ibang pagkakataon.

 



http://thumbs.webs.com/Members/viewThumb.jsp?siteId=67613907&fileID=352500136&size=square 


 

Balik tayo sa metapor na pangarap ng KSSBS. Ang metapor na ito ay niyakap ng buong kasapian ng KSSBS kung kaya’t sa kanilang Pangitain na nilikha noong nakalipas na taon ay mababasa ang mga sumusunod:


 

Nais naming makita ang mga ito pagkatapos ng 10 taon: sama-samang nagnenegosyo, nagtatrabaho, nagpapaaral ng mga anak, nagmamalasakit sa komunidad, nagmamay-ari ng bahay at lupa at lumaya sa pagkakautang upang ipahayag ang aming matingkad at simpleng patotoo bilang pamayanan ng Diyos (ang Italics ay sa akin).


 

Sa kasalukuyan, bukod sa sama-samang pagnenegosyo sa pamamagitan ng isang bigasang kooperatiba at sama-samang pagpapaaral ng tatlong kabataan sa kolehiyo, isang kasapi ng KSSBS ang naghandog ng kanyang 180 metro kuwadrado na lupa upang tayuan ng tatlong palapag na gusali upang maging tahanan ng anim na pamilya na nakatira sa tabi ng sementeryo, kanal at mga delikadong lugar.


 

Bilang pagwawakas sa bahaging ito, nais kong ulitin ang pangangailangan na muling ihulma ang mga hulagway pangkamunikasyon sa pagpapaunlad ng pamayanan ‘upang makapasok ito sa kamalayan ng mga Filipino anuman ang kanyang etniko o kulturang kinamulatan’ (Maggay 2002). Nais ko ring bigyan diin na ang mga hulagway natin ng kahulugan ng kaunlaran ay isa lamang sa mga usapin na nangangailangan ng muling paghuhulma sa mga hulagway pangkomunikasyon sa larangan ng pagpapaunlad ng pamayanan. Matapos kong sabihin ito, tunghayan naman natin ang pangangailang muling ihulma ang hulagway ng isang manggagawa ng kaunlaran.


 

 

Hulagway ng Manggagawa ng Kaunlaran sa Pagpapaunlad ng Pamayanan


Ang bawat lipunan ay nahahati sa sa iba’t ibang uri. Halimbawa, ang sinaunang lipunan ng mga Filipino ay bago dumating ang mga Kastila ay nahahati sa Datu, Timawa at Alipin. Subalit ang pagkakahating ito ay hindi sa anyong tatsulok tulad ng istraktura ng kasalukuyang lipunan kundi hugis pabilog na nangangahulugan ng mas egalitaryang lipunan. Ang pagkakahating ito ay ayon sa angking kakayahan at papel na itinalaga sa bawat isa ng pangkat na kinabibilangan at hindi ayon sa taglay na yaman at kapangyarihan. Kahit sa sinaunang Kanluranin na lipunan na inilarawan ni Plato sa kanyang aklat na The Republic, ang lipunan ay nahahati sa Hari, Malaya (Guardians) at Alipin (serfs). Subalit sa aking palagay, ito ay bunga ng pangangailangan na panatilihin ang kaayusang panlipunan at hindi bunga ng taglay na yaman at kapangyarihan. Kung kaya’t mayroong mga kuwento na ang isang timawa/malaya o alipin/serf ay maaaring maging datu/hari sapagkat siya ay may kakayahang kailangan ng kanyang pamayanan o kaharian. Subalit sa pagdaloy ng kasaysayan, tila namayani ang gitnang uri sa paghahatid ng pagbabago o pag-unlad ng lipunan at mag sibilisasyon. Dahil dito lumitaw ang kasabihang ‘ang gitnang uri ang namamahala sa lagusan ng mga sibilisasyon’. Ako ay naniniwala na ang gitnang uri din ang namamahala sa kaunlaran, sa pangkalahatan, partikular sa pagpapaunlad ng mga pamayanan. Subalit bago tayo magpatuloy, maiksi nating suriin muna ang diskurso sa mga uri.


Sa modernong panahon, ang pag-uuri ng mga tao ay nakabatay ayon sa taglay na yaman o kita. Ito ay nagsimula sa pag-aanalisa ni Karl Marx na ang mga tao ay nahahati ayon sa posisyon nito sa proseso ng produksiyon. Ang mga mangagawa, halimbawa, ay mababang uri sapagkat wala itong taglay na yaman maliban sa kanilang lakas-paggawa habang ang iilan na kapitalista ay mataas na uri sapagkat sila ang nagmamay-ari ng yaman o kapital at teknolohiya na nagpapatakbo sa produksiyon. Ito rin ang linya ng pagsusuri sa mga suliraning panlipunan sa mahabang panahon ayon kina Jane Pilcher & Imelda Whelehan (2004).


Ngunit simula noong dekada 70 hanggang kasalukuyan, may ilang pumuna tulad nina Paluski at Waters (1996) na hindi sapat na tugon sa mga suliraning panlipunan tulad ng kawalan ng pagkakapantay-pantay ang pagsusuri na batay sa pag-uuri ng mga tao ayon sa taglay nitong yaman o papel sa proseso ng produksiyon sapagkat hindi naman ito nagbibigay o kinikilala ng mga tao bilang kanilang pagkakakilanlan o identidad. Bukod dito, ang pag-usbong ng mga feministang pananaw na nagsasabing binalewala ng Marxistang pag-aanalisa ang ugnayan ng mga kasarian (Walby 1990) sa pag-uuri nito ng mga tao ayon sa proseso ng produksiyon at ang pagragasa ng postmodernong pagtingin na nagbigay diin sa pagkakaiba (differences ) at pluralidad (diversities) ng mga tinig ay nagsantabi sa anumang ideya ng uri o “collectivities, such as class” (Bradley 1996: 3) ay lalong nagpalakas sa mga tinig na pumupuna sa kahinaan ng pagsusuri ayon sa paghahati sa mga tao sa mababa, gitna at mataas na uri.


Subalit sa kabila ng mga tuloy-tuloy na pagpuna sa kahinaan ng pag-aanalisa ayon sa uri, mayroon pa rin mga manunulat tulad ni Anthias (2001 na nabanggit sa Pilcher & Whelehan 2004) na itinutulak ang pag-uuri ng mga tao ayon sa yamang taglay bilang isa sa tatlong ugat (ang dalawa pa ay pagsusuri ayon sa mga kasarian o katauhan at pagsusuri ayon sa etnisidad) nang pagkakaroon nang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Si Delamont (2001 na nabanggit nina Pilcher & Whelehan) ay kumalap ng mga ebidensiya upang patunayan ang kanyang paniniwala na hindi gender kundi uri (class) na kinabibilangan ang nanatiling pangunahing anyo ng hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan.


Sa mga bansang nagkaroon ng transisyon mula awtokratikong pamahalaan tungo sa demokratiko at merkadong ekonomiya—mapa-Asya, Latin Amerika at Silangang Europa, may naganap na pagsasalin o pagbabahagi ng kapangyarihang pulitikal mula sa mga rehimeng diktador patungo sa mga mamamayan nito lalo sa gitnang uri. Subalit walang pagsasalin o pagbabahaging nangyari sa mga kamkam na yaman na hawak ng iilan bagkus ay lalo pa itong pinalakas at pinalawak (Girling 1996: 13). At sa transisyong ito, ang gitnang uri ang higit na nakinabang sapagkat sila ang nagsilbing “fixer” kung saan pupunta ang yaman na ibinabahagi ng mga mas mayayaman at mas makapangyarihan ito man ay mapanegosyo o paglingap sa mga mahihirap na ginagawa ng mga NGO at nagsisilbing “importer” ng mga pinakatalentadong indibidwal mula sa mababang uri at “exporter” ng mga bagong elitista sa mataas na uri (Girling 1996: 54; Raynor 1967: 4).


Dahil dito, pragmatismo, materyalismo at indibidwalismo, ayon kay Girling (1996), ang mga pangunahing pagpapahalaga ng mga naging bahagi ng gitnang uri at nagsantabi sa dangal, katanyagan at kahalagahan ng komunidad na dati nilang kinabibilangan. Kung kaya’t ang isyu ng katarungan at kalayaan, bagamat may mallit na bilang ng mga progresibo sa gitnang uri na tunay ang paghangad ng mga ito lalo na ang mga kabilang sa mga CSO, ay nakatali sa kung sino ang naghahangad ng mga ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang gitnang uri ay binigo ang panawagan na ito ay lumikha ng isang sistemang pulitikal na magiging alternatibo sa sistemang pulitikal na pinatatakbo ng mga aristokrat at panginoong maylupa (Middle Class in Politics [MCP] n.d: 2). Dagdag na dahilan ang pagyakap ng gitnang uri sa mga pagpapahalaga sa kapangyarihan, dangal at kaayusan ng grupong mataas na uri kapalit ng kanilang pagtalikod sa mga pagpapahalaga at papel sa proseso ng produksiyon (Aewsriwong n.d. na nabanggit sa Girling 1996; Balibar and Wallerstein 1988/1991: 137-38 ). Dahil sa amalgamasyon na ito sa mga pagpapahalaga, mahirap hanapin ang linya o pagkakaiba ng mataas na uri sa mataas na dulo ng gitnang uri at mahirap din ilarawan ang pagkakaiba ng linya sa pagitan ng nasa mababang dulo ng gitnang uri at mga mangagawa (Raynor 1967).


Sa puntong ito nais kong ulitin na ang namamayaning diskurso sa pagpapaunlad ng pamayanan na ‘mas magandang buhay’ at namamayaning istratehiya upang maganap ito tulad ng pagkakaroon ng access sa yaman, empowerment ng mga mahihina o walang kapangyarihan at conscientization o pagmumulat ng mga pamayanan ay nagbubuhat sa mga pagpapahalaga ng gitnang uri sapagkat ito ay batay sa kanilang kongkretong karanasan sa modernong panahon. Subalit dahil ang kaunlaran ay patungo sa pagkakaroon ng ‘mas magandang buhay’ (pansinin ang italics) at hindi malinaw kung anong yugto ito maabot, wala ring katapusan ang paghahangad na magkamal ng yaman, kapangyarihan at karunungan. Walang paghinto. Walang Pagbabalik. Napansin na ito noon ni Ledesma (1997), na kabilang sa gitnang uri, nang isiwalat niya kung paano ang kanyang mga kasamahan sa gitnang uri na lumahok sa EDSA 1 ay naupo sa kapangyarihan ay naging ganid sa kapangyarihan at nasilaw sa kayamanan. Ang mga manggagawa ng kaunlaran sa panig ng mga CSO ay kinalimutan din ang tunay na pakay o misyon ng kanilang ginagawa upang mas pagtuunan ng pansin kung paano magiging sustenable ang kanilang organisasyon at lumaki ang kanilang kita. Gayon din ang nangyari sa mga karaniwang tao na tinulungan ng mga CSO na umunlad sa buhay. Patuloy sila sa pagkamal ng kaunlaran at nilimot na ang moral na responsibilidad na tulungan ang mga nangangailangan. Walang paghinto. Walang Pagbabalik.


Nais ko linawin na hindi ko sinisisi ang gitnang uri sa matinding kahirapan ng dinaranas ng mga pamayanan sa kasalukuyan. Kung paanong malaki ang naging papel ng mahirap na si Tulalang sa pagkakaroon ng buhay na masagana at maligaya ng kanyang mga kababayan, kasinglaki rin nito ang papel na gagampanan ng gitnang uri upang maging masagana at maligaya ang mamayang Filipino. Subalit upang magawa ito ng gitnang uri, kailangan nang muling paghuhulma sa papel na ginagampanan nila bilang daluyan ng kaunlaran. Kaya nais ko kayong muling dalhin isa pang sinaunang epiko bago tayo ‘nadiskubre’ ni Magellan na isa ring burgis at kung saan ang mga Muslim ay mga dayuhan pa lamang.


 

Ang Epiko ni Ulangian

Si Ulangian ay isang karaniwang tao subalit mahusay na mandirigmang Bagobo. Dahil sa husay niyang taglay sa pakikipaglaban sa mga dayuhan, siya ay naging tanyag sa kaharian at naging malapit sa hari. Subalit sa kabila ng kanyang naabot na posisyon, hindi niya nakalimutan ang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang mga kasama noon. Nagpatuloy siya sa pagmamahal at pag-aalaga sa kanila. Tinulungan niya pati ang mga mahihirap niyang kababayan. Minsan, may isang dambuhala ang kumakain ng tao sa labas ng kaharian. Siya ang ipinadala ng Hari upang sugpuin ang halimaw. Nagtagumpay naman siya kahit na nasugatan. Dahil dito nagkaroon ng kapayapaan ang kaharian. Si Ulangian ay ginantimpalaan ng hari na mapangasawa ang anak nitong prinsesa. Sila ay namuhay na marangal at masagana (Villanueva & San Miguel1997).


May mahirap. May karaniwan. May hari. Kung paanong si Tulalang ay nakamit ang kapangyarihan matapos siyang maglakbay sa loob ng kagubatan at nakatagpo nang isang matanda na nagbigay nito sa kanya, si Ulangian bilang karaniwan o bahagi ng gitnang uri ay may likas na kakayahan: ang pagiging mandirigma. Subalit sa pagtatamo ng kasaganaan para sa kanilang sarili at bayan o kaharian, pareho silang naglakbay palabas ng kanilang pinanggalingan at bumalik sa kanilang pinagmulan taglay ang natapuang yaman at kapangyarihan. Ang ganitong hulagway ng paglikas at pagbabalik ay matingkad na matingkad pa sa pampamilya at pambansang karanasan ng mga Filipino.


 

Jose Rizal, Ninoy Aquino at OFW


Si Jose Rizal ay naglakbay papuntang Europa, nagkaroon ng mga bagong kakayahan at Kaalaman, hanggang maisulat niya ang Noli Me Tangera at El Filibusterismo. Piniling bumalik sa Filipinas sa kabila ng panganib at banta sa buhay bunga ng kanyang mga sinulat. Bunga nito, hindi maikakaila ang laki ng kanyang impluensiya sa kamalayan ng mga Katipunero kung kaya’y ang kanyang kamatayan at sinulat na aklat ay naging inspirasyon ng Katipunan napalaya ang bansa mula sa mga Kastila. Si Ninoy Aquino ay may katulad na kuwento naglakbay mula sa kanyang bayan patungong piitan hangang Estados Unidos habang nilalabanan ang Batas Militar. Sa kanyang Pagbabalik, ang kanyang kamatayan ang nagsilbing mitsa upang makalaya ang bansa mula sa kamay na bakal ng isang Pangulong Diktador. Ang mga OFW ay lumabas ng bansa. Ang kanilang mga ibinabalik ng dolyares ang nagliligtas sa ekonomiya ng bansa at nag-aangat sa kahirapan ng kanilang mga pamilya na iniwan.


Sa usapin ng pagpapaunlad ng pamayanan, kapag may nag-uusap tungkol sa pagpapaunlad ng pamayanan, tiyak na tiyak ko na ang pamayanan na kanilang pinag-uusapan ay hindi kanilang pamayanan kundi ang pamayanan ng iba. Maaari nating sabihin na nasa proseso pa nang paglalakbay ang mga nag-uusap na mga manggagawa ng debelopment. Naturalisa lamang na ang pag-uusapan nilang komunidad ay hindi ang komunidad na kanilang pinanggalingan. Maaaring meron na subalit dahil wala pa akong nakilala o narinig o nabasa na matapos ang kanyang paglalakbay at pagkamal ng yaman, kapangyarihan at karunungan ay bumalik at ibinahagi niya ito sa pamayanan na kanyang pinanggalingan. Isang propesor sa pagpapaunlad ng pamayanan ang dumadaing na halos lahat ng mga dalubguro sa pagmantasan ng pagpapaunlad ng pamayanan ay halos lahat consultant. Halos walang bumabalik sa komunidad. Bakit kaya? Sapagkat sa pagiging consultant ay naroon ang pagkamal ng yaman, kapangyarihan at karunungan at nagiging tax shelter na lamang ang pag-aabot ng tulong sa mga maralitang pamayanan.


Dahil dito, paano mo aasahan ang isang manggagawa sa pagpapaunlad ng pamayanan na magmamalasakit o ibibigay ang buhay sa pamayanan katulad ng mga naorganisa niyang tao gayong hindi naman talaga siya tagaroon sa pamayanan. Kung kaya’t hindi nakakapagtaka na matapos ang kanyang matagumpay na pag-oorganisa ng mga pamayanan at pagsasagawa ng mga proyektong pangkaunlaran ito ay nagtapos sa kabiguan (Ledesma 1997). Mayroon lamang tayong mga maliliit at maiiksing tagumpay subalit wala pa ring maipakita na pamayanan na lubos na nabigyan ng kasaganaan.


Paano natin hihikayatin na tularan si Ulangian ng mga gitnang uri na siyang ‘fixer’ kung saan dapat pamunta ang pondo na para sa kaunlaran? Paano natin mahihikayat ang mahihirap na nakalabas na sa kanilang maralitang papamayanan na pinanggalingan na tularan si Tulalang? Paano huhubugin ang mga ‘importer’ at ‘exporter’ ng uri na tigilan na ang walang katapusang pagkamal yaman, kapangyarihan at karunungan bagkus ay bumalik naman sa pamayanan na kanilang pinaggalingan, yakapin muli ang kinamulatang pagpapahalaga at pagmalasakitang muli ang kanyang nakaraan? Makakatulong marahil ang muling paghuhulma sa kanilang punto-de-bista o pagtingin sa kaunlaran at pamayanan.


 

 

Hulagway ng Punto-de-bista sa Pagpapaunlad ng Pamayanan


Ang punto de bista (Standpoint) ay nagpapahiwatig na ang isang ideya o pananaw sa isang bagay ay naiimpluwensiyahan ng angulo o posisyon ng kinalalagyan ng tumitingin (Pilcher and Whelehan 2004: 163) o pagtukoy ng isang matuwid at siyentipikong paraan para sa interpretasyon at pagpapaliwanag ng kairalan ng buhay at lipunan (Harding 1986: 26). Sa pagpapaliwanag ng mga punto-de-bista sa pag-unlad, nais kong hiramin ang lente na ginamit ni Zeus Salazar (1974/2000) sa pagpapaliwanag sa mga pananaw pangkasaysayan tulad ng mga sumusunod: Pangkanila, Pangkami at Pantayo.


Pangkanilang Pagpapaunlad ng Pamayanan

Sa punto-de-bistang ito ng pagpapaunlad ng pamayanan, ang pag-unlad at pamayanang tinutukoy ng mga nag-uusap ay hindi ang kanilang pamayanan kundi ang sa iba. Ang pag-unlad ay magaganap lamang kapag ang mga nag-uusap ay may gagawin tulad ng pagdadala ng mga makabagong teknolohiya, pagbubuhos ng kapital at pagpapadala ng kanilang mga teknokrat sa mga bansa o pamayananng tradisyunal o papaunlad pa lamang. Mas kilala ito sa tawag na Teorya ng Modernisasyon. Inaakala nito na iisa lamang ang daan tungo sa pag-unlad—tularan ng mga hindi maunlad na pamayanan ang daan na tinahak ng mga maunlad na lipunan. Ang mga tao sa hindi maunlad na pamayanan ay kailangan magbago ng mga pagpapahalaga na angkop para sa isang papaunlad ng pamayanan (Rostow 1960; Inkele 1969).


Dahil dito, sinisikap ng mga teknokrat o organisador nito na makapag-organisa ng mga grupo na magtataguyod ng pagkakaisa at kooperasyon upang makontrol ang mga serbisyo ng gobyerno at mga pribadong ahensiya tulad ng mga pagsasanay o seminar sa mga teknolohiyang pansakahan, kooperatiba, atpb. Ang ganitong pamamaraan ay madalas humantong sa pormasyon ng mga samahan ng mga magsasaka o mangingisda o kaya samahang pangkabataan, pangkababaihan at iba grupong magkakauri ang interes (Third World Studies Center [TWSC]1990).


Sa pagtinging ito, iisa lang ang kailangan ng tradisyunal o hindi modernong pamayanan. Ito ay walang iba kundi ang kaunlaran. Subalit kung ano ang kaunlarang ito ay hindi malinaw kung ano. Sa mga nabasa kong literatura walang nakapagsabi kung kelan ang yugto na masasabi na naabot na ang kaunlaran sapagkat ang kaunlaran o debelopment ay nangangahulugan nang ‘mas magandang buhay’ para sa lahat (Pete & Hartwick 2009:1, ang italic ay sa akin). Ibig sabihin, ang namamayaning konsepto ng kaunlaran ay isa lamang retorika ng isang indibidwal o bansa para magkamal ng yaman at kapangyarihan nang walang hangganan kung kaya’t ito ay bulag sa usapin ng pagkakaroon nang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.


 

Pangkaming Pagpapaunlad ng Pamayanan

Sa punto-de-bistang ito, ang pamayanang tinutukoy ng mga nag-uusap dito ay ang mismong komunidad na kanilang kinabibilangan at pag-unlad na mayroon sila upang ipaunawa o ipabatid sa mga tagalabas o hindi kabilang sa kanilang pamayanan. Pinanghahawakan nito na kahit ang kanilang pamayanan ay tradisyunal, hindi ito nangangahulugan na hindi sila maunlad. Naniniwala ito na ang kahirapan na kanilang nararanasan ay hindi bunga ng kawalan ng makabagong teknolohiya, kapital, o modernistang teknokrat sa kanilang ekonomiya kundi bungang kaalinsabay ng kaunlarang ipinilit sa kanila (Frank 1969). Ang mga teorya tulad ng Dependency at World-systems ay pasok sa katergoryang ito. At dahil ang tingin nito ay walang masama sa pagiging tradisyunal na lipunan o pagiging mabagal ang daloy ng iral na pag-unlad nito, nakatuon ito sa pagpuna sa mga Pangkanilang Pananaw ng Pag-unlad na mapanghimasok (intrusive), bagong anyo ng pananakop (neo-colonialism) at makakapital sa halip na makatao sapagkat ang mga elite sa mga maunlad at modernong lipunan ay nagkutsabahan para lumikha ng mga sentrong pang-ekonomiya na kontrolado nila at mga peripheral na ekonomiya na susuporta sa pangangailan ng mga nasa sentro (Sens 2012).


Bagamat maganda ang mga puna ng punto-de-bistang ito sa pamamaraan ng Pangkanilang Pananaw at may matingkad na pagkilala sa iral na daloy ng pag-unlad ng bawat lipunan, nagkulang naman ito ng angkop na tugon paano susugpuin ang kahirapan o kung paano susupilin ang pamamayani ng Pangkanila o modernistang pagtingin sa pagpapaunlad ng pamayanan.


Ang susunod na punto-de-bista ay sumusubok iangat ang diskurso mula sa pagiging sila o kami patungo sa diskurso ng pagiging tayo. Ang una ay tinuturing na obheto lamang ang komunidad o lipunan na kanilang pinag-uusapan. May ganito sila vs. may ganito sa atin. Ang ikalawa, ang istruktura ng pag-uusap ay ganito kami vs. ganito kayo. Ginaya lamang ng ikalawa ang una sa pagbibigay pansin sa una bilang obheto sa diskurso ng ikalawa. Sa ikatlong diskurso, ang Pantayong pananaw ay mas itinaas ang antas ng diskurso sa pagiging tayo. Walang kami. Walang sila. Kundi tayo ang nag-uusap at para sa atin ang pag-uusap na may kinalaman sa pag-unlad.


 

Pantayong na Pagpapaunlad ng Pamayanan


Sa punto-de-bistang ito, pinag-uusapan ang sustenable, inklusibo at kabuuang kagalingan (wellbeing) na pag-unlad ng mga tao at pamayanan. Subalit mahigit dalawampung taon na ang ganitong pagtingin sa larangan ng pagpapaunlad ng pamayanan (Estes n.d) ngunit ang katugunan sa kahirapan ng mga pamayanan sa Katimugan ay nananatiling madulas (Ledesma 1997; TWLC 1995). Ang dahilan marahil ay nakabatay sa katotohanan na ang usapin ng Pantayo ay nasa pagdaigidg na diskurso kung saan dominado ng mga mga taga-Hilaga ang diskurso sa usaping ito. Bukod dito ang mga hulagway tulad ng sustainable, inclusive, wellbeing, human potential na anyo ng pag-unlad ay mga hulagway o metapor na mula sa Hilaga na dinala at niyakap sa Katimugan. Kaya kung tama sila Maggay (2000) at Lakoff (2004), may pangangailangang ihulma ang mga terminong ito na angkop sa kamalayan ng mga Filipino upang hindi ito maging ‘Yes, Maam’ o ‘No, Sir’ lamang sa pagtugon sa mga teknokrat o organisador ng pagpapaunlad ng pamayanan bagkus ay kumilos para sa pagbabago na pabor sa kanilang kapakanan.


Dito muli natin babalikan ang naiwan na tanong kanina: mayroon bang kongkretong hulagway o metapor sa kamalayang Filipino ang salitang kaunlaran na maaaring maging sandigan ng punto-de-bistang Pantatong sa pagpapaunlad ng pamayanan?


Dahil kapakanan ng mga maralita ang nagtutulak sa pamahalaan at mga CSO upang magplano at magsagawa ng mga gawaing pangkaunalran subalit may matingkad rin na pangangailangan na ito ay maihulma na akma sa hulagway ng mga kamalayan mayroon ang mga maralita. Nabanggit ko kanina ang pagkakaroon ng masagana at malaking bahay ni Tulalang ang nagtulak sa mga karatig tribu na kusang ibigay ang kanilang paagpapailalim sa kapangyarihan ni Tulalang at nang kanyang mga kapatid. Gayundin naman, sa pag-aaral na ginagawa nina Sycip, Asis & Luna (1998), ang unang labing limang kagalalingan ng hinahangad ng mga Filipino ay nakaugnay sa bahaging may kinalaman sa bahay. Kaya’t nais ko itong susugan at imungkahi bilang panimulang usapin sa paghahanap ng hulagway na akma sa kamalayang Filipino upang ang hinahangad nating kaunlaran o pagbabago ay sama-sama nating magawa at mapangyari.


Dahil ang salitang ugat ng tahanan na tahan ay nangangahulugan ng kapayapaan tulad “patahanin o payapain mo ang umiiyak na bata”. Ang pagbubuo ng kapayapaan ay mas may tiyak na tinutugunang kalagayan at mas may kongkretong anyo na hinahangad kesa kaunlaran na hindi matiyak kung ano ang tiyak na anyo nito at kognretong panahon kung kelan ito maabot.


Kahit sa mga epikong nabanggit dito, hindi binanggit ang salitang kaunlaran subalit paulit-ulit na lumitaw ang salitang kasaganaan at kapayapaan. Kung gayon ang kapayapaan ay may mas tiyak o kongkretong anyo kaysa kaunlaran. Subalit sa kasaluyang diskurso ng kapayapaan, ito ay nakapaloob lamang sa diskurso ng kaunlaran (Manalo 2009).


Gayunpaman, sa ngalan ng paghahanap ng Pantayong na hulagway sa pagpapaunlad ng pamayanan, ipagpapatuloy ko ang paggalugad sa paksang ito ng tahanan bilang lokus ng ating diskursong pangkaunlaran. Sa isang terminong papel (De Ka Cruz 2013) na ipinasa ko sa asignatura tungkol sa pagbubuo ng kapayapaan (peacebuilding), ipinakita ko ang mga sumusunod:


 

• Ang kategorya ng pagmamay-ari ng mga tahanan ay maaring maging hulagway ng pagmamay-ari ng kapayapaan o kaunlaran.


• Ang katergorya ng tahanan ay maaaring maging hulagway ng uri ng kapayapaan o kaunlaran. Halimbawa, ang hiram na tahanan ay maaaring metapor ng hiram na kapayapaan o kaunlaran; ang may bahay subalit iba ang nakatira ay hulagway ng kapayapaan o kaunlaran subalit iba ang nakikinabang; at ang pag-aaring bahay na itinayo sa sariling lupa ay maaaring hulagway ng pag-aaring kapayapaan o kaunlaran na itinayo sa sariling lupa o bayan.


• Ang Pagtatayo ng Tahanan ay maaaring hulagway ng pagbubuo ng bansang Filipinas Alinsunod sa opisyal na Panatang Makabayan kung saan isinasaad nito ang Filipinas bilang “tahanan ng aking lahi”.


 

Mula dito, aking nahihinuha na ang pagkakaroon ng isang mapayapa at maunlad na bansa ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mga tahanang may pagmamahalan, respeto, paglilingkod, pagsasakripisyo, pagdarasal at pag-aalay ng buhay para sa bawat isang nanahanan dito; maayos, maluwag, matibay na tahanan kung saan ang mga nananahanan ay may kabusugan, kaliwanagan, katahimikan, kapanatagan, katiwasayan, nagmamahalan, nagrerespetuhan, naglilingkod at nagtutulungan sa isa’t isa (De La Cruz 2013).


Epilogo


Burgis na raw ako. Ito ang sabi ng isang personal na tagapayo dahil ako ay isa ng propesyunal. Narinig ko rin ito sa aking estudyante na mula sa isang maralitang pamayanan dahil sumasahod na raw ako ng 5-digits. Mahirap pa rin ako ang parehong tugon ko sa kanila. Middle class na rin daw ako sabi ng isang kadebate ko sa Facebook dahil may kakayahan na akong mangatwiran ‘intellectually’ kahit mababa lang ang sahod kong 5-digits. Bakit daw ayaw kong tanggapin ng bahagi na ako ng gitnang uri, tanong ng isang kaklase ko sa kolehiyo, gayong ang middle class ang “gatekeepers of civilization”? May sahod man ako na lampas sa arawang sahod na itinakda ng batas at kakayahang makipagkatwiranan sa mga intelekwal, hindi pa rin ako kumportable na maging bahagi ng o tawagin ang aking sarili na middle class.


Subalit iyon din ang ginagamit kong paliwanag sa mga nagtatanong sa akin bakit ko iniwan ang aking dating trabaho sa isang faith based NGO. Nagiging middle class na kasi ako ang madalas kong katwiran. Sinasabi ko iyon na tila baga ang aking katapatan ay nasa nasa ibabang uri at may halong paninisi sa gitnang uri kung bakit sa kabila ng mahigit apatnapung dekada ng pagpapaunlad ng pamayanan mas lalo lamang naghirap ang mga mahihirap; o sa kabila ng mahigit 200 taon nang pagmumulat, pagpapalakas sa mga mahihina at edukasyong nakabatay sa Siyensiya upang palayain ang tao mula sa makalumang paniniwala ng simbahan, sistemang pulitikal ng mga Aristokrat at yamang nakabatay sa lawak ng pag-aaring lupa ng mga Panginoong maylupa, ito ay nagdulot lamang ng paglaya o pag-unlad sa iilan tulad nila Thomas Hobbes at John Locke, mga “bagong burgis” sa kanilang panahon na nangangaral ng kalayaan subalit bahagi ng malawakang negosyo ng pagbebenta ng alipin upang tugunan ang lakas paggawa ng umuusbong na Kapitalismo sa kanilang panahon at siyang namamayaning sistemang pangkabuhayan saan mang panig ng mundo sa kasalukuyan (Peet and Hartwick 2009: 28).


Ngayon tiyak ko ang ang aking tugon. Kailangan kong ituloy ang aking paglalakbay. Kung saan patungo, kung gaanong yaman, kapangyarihan at karunungan ang aking matatamo ay walang katiyakan subalit dalangin ko na iadya ako ng buhay na hindi maging tulad ni Thomas Hobbes o John Locke kundi maging katulad ni Tulalang o Ulangian na nagawang bumalik sa kanilang pinagmulan.


*Ipinasang papel sa asignaturang CD 202: Development Theories & Perspectives para sa Kursong Masterado sa Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Unibersidad ng Filipinas noong Oktubre 17, 2013.


References:

Aewsriwong, N. n.d. “Culture of the Thai Middle Class,” sa Pasuk and Sungsidh (eds), Chonchun klang, pp.60-65.

Anthias, F. 2001. ‘The Concept of “Social Division” and Theorising Social Stratification: Looking at Ethnicity and Class’, Sociology 35 (4): 835-54.

Balibar, E. & Wallerstein, I. 1991. Race, Nation, Class: Ambiguous Identities. (Turner, C., Trans.). London: Verso. (Original work published in 1988.

Bradley, H. 1996. Fractured Identities: Changing Patterns of Inequality. Cambridge: Polity.

De La Cruz, A. 2013. Pagtatayo ng Tahanan: Isang Hulagway ng Integrasyon ng Pagbubuo ng Kapayapaan, Ispirituwalidad at Pagpapaunlad ng Pamayanan. Isang pang-gradwadong terminong papel mula sa CSWCD, UP-Diliman. Soft Copy.

Delamont, S. 2001. Changing Women, Unchanged Men? Buckingham: Open University Press.

Esperanza, E. S. 1985. Social Development Planning in the Philippines: A sceptical note. Quezon City: College of Social Work and Community Development, UP.

Estes, Richard J. Towards Sustainable Development: From Theory to Praxis. University of Pennsylvania School of Social Work. Photocopy

Girling, J. 1996. Interpreting Development: Capitalism, Democracy and the Middle Class in Thailand. New York: Cornell Southeast Asia Program Publication.

Frank, Andre Gunder. 1969. “The Development of Underdevelopment” in Roberts J. Simmons and Amy Hite. 2002. From Modernization to Globalization Perspectives on Development and Social Change, pp159-168.

Harding, S. 1986. The Science Question in Feminism. Milton Keynes: Open University Press.

Inkeles, Alex. 1969. Making Men Modern: Causes and Consequences of Individual Change in Six Developing Countries (pp135-143).

Lakoff, George. 2004. don’t think of an elephant! KNOW YOUT VALUES AND FRAME THE DEBATE. Vermont, Canada: Chelsea Green Publishing

____________. 2008. Idea, Framing, Metaphors and Your Brain. San Franciso, CA: Commonwealth Club of California. http://www.youtube.com/watch?v=S_CWBjyIERY. Date Accessed: March 5, 2012

Ledesma, Cesar R. 1997. A Journey Back to Spirituality in Spirituality, Integral Development and Democracy. 1997. (Eds: Ledesma C., & Espero, M.). Davao City, PH: TACDRUP.

Maggay, Melba P. 2002. PAHIWATIG: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino. Lungsod ng Quezon, PH: Ateneo de Manila University Press.

Mangahas, M. 2012. Social Climate: Painful Statistics. Philippine Daily Inquirer. http://opinion.inquirer.net/28539/painful-statistics. Date Accessed: October 2, 2012.

Navarro, A., Rodrigues, M., & Villan, V. (Eds.). 2000. Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, Pambungad sa Pag-aaral ng Bagong Kasaysayan. Lungsod ng Quezon: Palimbagang Lahi, pp35-53.

Pinches, M. 1999. Culture and Privilege in Capitalist Asia. M. Pinches (Ed.). London:

Routledge.

Palunski, J. & Waters, M. 1996. ‘The Reshaping and Dissolution of Social Class in Advanced Society’, Theory and Society 25: 667-91.

Pilcher, J. & Whelehan, I. 2004. 50 Key Concepts in Gender Studies. Londo: SAGE

Publications Ltd.

Peet, R. & Hartwick, E. 2009. Theories of Development: Contentions, Arguments, Alternatives. New York, NY: Guilford Press.

Rostow, Whitman Walt. 1960. The Stages of Economic Growth: A Non-Communist Manifesto (pp101-109).

Sens, Allen. 2012. Dependency Theory. http://www.youtube.com/watch?v=JN6LlMY2ApQ. Date Accessed: Aug 20, 2012.

Sycip, Ly, Asis, Maruja Milagros & Luna, Emmanuel. 1998. The Measurement of Filipino Well-being: Findings from the Field. https://cids.up.edu.ph/chronicle/articles/ chronv3n2/chronv3n2_infocus12_pg5.html. Date Accessed: April 1, 2013.

Villanueva, Zenaida P. & san Miguel, Rachel L. 1997. Mga Piling Epiko. Manila: Merriam & Webster Bookstore, Inc.

Walby, S. 1990. Theorising Patriarchy. Oxford: Blackwell.

 

 



Categories: Standpoints and Alternatives

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

2 Comments

Reply arcy G.
10:12 AM on July 31, 2017 
masinop ito bro..
Reply Arven De La Cruz
6:35 PM on July 31, 2017 
arcy G. says...
masinop ito bro..


Salamat pagbasa at positbong komento Kuya Arcy. Nawa'y makatulong ito sa ating paglalakbay sa pagpapaunlad ng gma pamayanan.